Popular na social media platform ang TikTok. Inilunsad noong 2016, binago nito ang pamamaraan ng pagbabahagi ng content sa social media. Short-form video content na tumatagal ng 15 hanggang 60 segundo ang karaniwang mapapanood dito. Mayroon itong extensive library ng musika, sayawan, comedic skits at educational content. May mga pagkakataon ding maaaring makipag-collaborate sa ibang content creators kaya nauuso ang trends at challenges. Sa tulong ng viral posts, napakarami na ring sumisikat na content creators na TikTokers kung tawagin.
Sa kabila ng positibong mga epekto, mayroon ding mga pagkakataong hindi nagagamit nang maayos ang nasabing platform at isa nga rito ang cyberbullying on TikTok.
Ano ang cyberbullying?
Isa ang cyberbullying sa issues na sinisikap ding tugunan ng TikTok. Kasama sa mga problemang dulot ng social media ang harassment at pagkakalat ng impormasyong nakasisira sa mga tao.
Ayon sa UNICEF, ang cyberbullying ay pambubulas gamit ang digital technologies. Wala itong ibang layunin kundi ang paulit-ulit na pinsalang pisikal, emosyonal, verbal, sa isang target- mapa-bata man o matanda.
Alamin kung paanong mapoprotektahan ang iyong anak mula sa pambubulas sa Tiktok.
Narito ang limang mga paraan:
5 paraan para maprotektahan ang anak mula sa cyberbullying sa TikTok
1. Bukas na komunikasyon.
Kapag matatag ang pundasyon ng relasyon mo sa iyong anak, mas mahihikayat siyang magbahagi ng kaniyang mga karanasan, kasama rito ang online experiences.
Positibo man o hindi ang ikukuwento niya, buo ang loob niyang hindi siya mapagagalitan o huhusgahan. Mahalaga kasing malaman mo sakaling nakararanas na pala siya ng bullying o pambubulas. Ipaliwanag sa kanya na hindi tanda ng kahinaan ang paghingi ng tulong.
2. Turuan siya tungkol sa ligtas na paggamit ng internet.
May tinatawag tayong online etiquette na kailangan ding matutuhan ng mga bata sa murang edad. Turuan mo ang iyong anak tungkol sa responsableng online behavior. Mas makabubuti rin kasing nauunawaan niya kung bakit dapat maging maayos ang pakikitungo sa mga tao, kahit pa sa virtual na espasyo lamang niya nakakausap at nakikita ang mga ito.
3. Gamitin ang privacy settings.
Maaaring limitahan ang access ng mga tao sa social media profiles. Paalalahanan mo ang
iyong anak na dapat naka-friends only ang kanyang privacy setting para hindi nakikita ng mga hindi naman niya kakilala. Ayon sa TikTok, para sa mga batang edad 16 pababa, automatic na naka-Friends only ang setting ng kanilang posts.
Regular ding i-check ang accounts ng iyong anak para makasiguro na walang ibang nakakikita sa kanyang personal na impormasyon.
RELATED: Enabling Google Parental Controls Through Family Link App: A Guide
4. I-monitor ang kanyang mga ginagawa online.
Mahirap na ring pagbawalan ang mga bata ngayon sa paggamit ng gadgets dahil kailangan nila ito sa kanilang online classes. Kailangan na lamang na may access ka pa rin sa kanyang online activity nang hindi naman niya nararamdamang nanghihimasok ka at nai-invade mo na ang kaniyang privacy. Maaaring naka-follow ka lamang sa kanyang accounts para makita mo ang kanyang posts at mapag-usapan ninyo ito.
Mayroon na ring online tools ngayon katulad ng parental control tools o monitoring apps para ma-track ang kanilang online interactions, mga napapanood, mga sites na binibisita, at iba pa.
Sa tulong nito, malalayo mo rin ang iyong anak sa mga taong may hindi mabuting intensyon.
5. Hikayatin siyang maging maalam sa digital landscape.
Pagdating sa Tiktok, napakaraming mga content creators na sumisikat dahil sa kanilang mga kakaibang content. Marami tuloy sa mga kabataan ngayon ang gumagaya lang din sa nakikita online. Turuan mo ang iyong anak na hindi lahat ng nakikita online ay tama, lalo na kung mayroon din siyang nasasaksihang bullying sa Tiktok. Paano kung siya na rin ang biktima?
Ipaliwanag sa kanya ang karaniwang tactics ng mga bully at turuan siyang huwag pansinin ang mga ito. Ang digital literacy din ang makatutulong sa kanya na suriin ang content na pinanonood at sinusubaybayan niya online.
Malaking bagay rin na kaya niyang tukuyin kung may kredibilidad ba ang content creators at wasto ang impormasyong kanyang nakukuha.
Bilang karagdagan sa mga nabanggit sa itaas, mahalaga ring laging updated ang mga magulang tulad mo sa pinaka-latest na online trends at platforms.
Isa nga ang Tiktok sa platforms na napakabilis ng paglaki ngunit dapat pa ring tandaan na mayroong cyberbullying sa Tiktok. Kailangang alam mo kung paano protektahan ang iyong anak. Basahin dito ang mensahe ng nasabing platform tungkol sa bullying prevention.
Ang pagkakaroon ng supportive environment ay makatutulong sa iyong anak na maging aware sa kanyang mga nararanasan sa online platforms na madalas niyang ginagamit.
Kung wala naman siyang Tiktok, alamin din kung sa anong platform siya naglalagi at pareho lamang ang mga paraan upang maprotektahan siya laban sa pambubulas o cyberbullying.
Bakit Mahalang i-report ang cyberbullying sa Tiktok?
1. Mas maagang malalaman, mas madaling maaagapan
Upang hindi lumala nang lumala ang sitwasyon, mainam kung agad na matutukoy sakaling may senyales ng bullying na nangyayari.
2. Mas mabilis na aksyon mula sa pamilya, paaralan, at awtoridad.
Maiiwasan ang pagpapatuloy ng ganitong problema kung may ulat agad tungkol sa cyberbullying. Maiiwasan ding maulit ito at maaaksyunan agad.
3. Mas mapoprotektahan ang biktima
Sinumang biktima ng bullying ay kailangang makakuha ng angkop na suporta at counseling. Makatutulong kasi ito sa pagproseso ng bata sa kanyang nararanasan.
4. Pagkakaroon ng ligtas na mga espasyo online
Kapag ang mga bata ay hindi natatakot magsabi sa kanilang magulang at mga guro na sila ay nabu-bully, mas maging ligtas sila sa patuloy na pambubulas.
Mapananagot din ang mga nambubulas at mabibigyan ng wastong pagdidisiplina. Nagiging malinaw rin sa lahat na hindi dapat balewalain at hayaan lamang ang ganitong pag-uugali at mga gawain.
Magdudulot ito ng positibo at magalang na komunidad online.
5. Makabubuo ng tiwala at mas bukas na komunikasyon
Kapag alam ng mga bata na okay lang magsabi sa nakatatanda at layuning matulungan sila, hindi mapagalitan o masisisi, mas may kumpiyansa sila at maiintindihan nilang hindi nila kasalanan na sila’y biktima ng cyberbullying sa Tiktok.
Mga epekto ng pambubulas
Mataas ang posibilidad na labis na maaapektuhan ang mental health ng isang batang nabu-bully. Maging self-esteem niya ay bumababa dahil dito.
Dapat lamang na makipagtulungan ang mga magulang sa paaralan sa pagsisikap na maiwasan ang impact ng cyberbullying sa Tiktok sa mga bata. Masaya dapat sila sa kanilang mga nagagamit na digital tools sa tulong ng teknolohiya. Hindi ito dapat maging espasyong pagmumulan ng kanilang mga takot, anxiety, at mababang pagtingin sa sarili.
Ang mga paraang nabanggit sa artikulong ito at ang pagiging malakas ang loob upang labanan ang cyberbullying on Tiktok ay mahalagang hakbang upang makabuo ng mas ligtas, magalang, at positibong online environment para sa mga bata.
Hindi maitatangging malalim at malawak ang cultural impact ng TikTok sa buong mundo. Mayroon itong impluwensiya sa sining, sa music charts, fashion trends, at ang mas malawak pang digital landscape kung kaya’t isa ito sa itinuturing na global social media phenomenon.
Masaklap lang din isiping nagagamit pa ito sa mga hindi mabuting pamamaraan tulad ng pambubulas o cyberbullying na dapat ay maiwasan at matuldukan na, anomang espasyo, sa totong buhay man o sa virtual spaces lalo na ng mga kabataan.