Normal sa magkapatid ang pagkakaroon nang hindi pagkakasunduan. Maaaring magselos sa kapatid o makaramdam ng kompetisyon sa isa’t isa. Sa mga magulang, nakauubos ng pasensya o nakaiinis din ang away magkatid dahil sa naririnig na iyakan, pagtatalo, o kung minsan nagkakasakitan na. Parang walang kapayapaan din sa tahanan kapag palagian ang pagtatalo o away magkapatid.
Ang relasyon ng magkapatid ang isa sa pinakauna at pinakamatagal na nadebelop na relasyon ng isang tao. Ang kapatid ang unang makasasalamuha ng isang bata habang natutuhan niya ang mga kinakailangang pakikipag-ugnayang sosyal gaya ng pagbabahagi ng pagkain o gamit niya, pamamahala ng gulo o hindi pagkakasundo, at ang paraan ng pakikipagkomunikasyon.
Bagaman tunay na hindi maiiwasan ang pag-aaway ng magkapatid puwede namang mapigilan ito. Kung pababayaan lamang ito, magkakaroon ng puwang sa magandang samahan ng magkapatid sa kanilang paglaki.
Ano ba ang away magkapatid?
Ayon sa website ng Cleveland Clinic, ang away magkapatid ay pagkakaroon ng matinding kompetisyon sa isa’t isa sa atensyon ng kanilang mga magulang. Kadalasan na nagsisimula ito kapag may bagong baby o anak na dumating sa pamilya. Naiisip kasi ng naunang anak na may kapalit na siya o may makakahati na siya sa atensyon ng kaniyang magulang na hindi gaya dati na siya lang. Mas karaniwan din ang ganito kapag malapit ang edad sa isa’t isa ng magkapatid o kahit din naman sa malalayo ang agwat ng edad.
Ano ang karaniwang pinag-aawayan ng magkapatid?
Isa sa madalas na away magkapatid ang laruan. Kaya minsan, bibili na lamang ang mga magulang ng parehong laruan na tig-isa ang kanilang mga anak para walang pagtatalo o hindi mag-aaway. Pero hindi ito makabubuti dahil kailangan nilang matutuhan ang pagbabahaginan sa isa’t isa. Nariyan din ang pag-aawayan sa mga gamit, pagkain at pinapanood na palabas sa telebisyon.
RELATED: Use These 6 Phrases To Help Your Child Understand What It Means To Share
Batay naman sa website ng KidsHealth, maraming dahilan ang pag-aaway ng magkapatid. Kadalasan na ang pagseselos at pagkakaroon ng kompetisyon sa pagitan ng magkakapatid na nauuwi sa pagtatalo o hindi pagkakasundo. Gayunman, may iba pang maaaring makaimpluwensiya sa pagtatalo ng magkapatid.
Mga maaring dahilan ng away magkapatid
1. Pagbabago ng kanilang mga pangangailangan
Habang tumatanda ang mga anak, natural ang pagbabago sa kanilang mga pangangailangan at identidad batay sa kanilang debelopment na nakaapekto sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba. Gaya ng bata, ayaw nila na inaagaw ang kanilang laruan lalo na kapag paborito nila. Nagiging protektibo sila rito at handa silang makikipag-away kapag kinuha ito sa kanila.
Mag-iiba naman ito kapag nakapag-aral na sila at higit na nakauunawa kaya dapat magkaroon ng iba’t ibang pagtrato sa mga anak batay sa kanilang pangangailangan pero ipaliwanag sa bawat isang anak kung bakit ganito ang pakikitungo sa kanila. Ipaliwanag kung bakit minsan ay hindi puwede sa nakababatang kapatid ang gamit na puwede sa ate o kuya. O bakit iba ang mga responsibilidad ng nakatatandang kapatid sa bahay kumpara sa mas nakababatang kapatid, sa gayon ay maiiwasan ang pagkukumparahan.
Kapag may away magkapatid, mas mabuti ang hindi makisangkot dito at hayaan silang gumawa ng paraan na maisaayos ang pagtatalo, maliban na lamang kung nagkakasakitan.
2. Magkakaibang pag-uugali ng magkapatid
Mahalagang maunawaan na magkakaiba ang bawat bata kahit na pareho man ang paraan ng pagpapalaki sa kanila. Nagkakaiba sila sa kanilang pag-uugali, personalidad, at pakikitungong sosyal. May mga anak na masyadong malapit sa kanilang magulang, mahilig kumuha ng atensyon, at madaling mainis o magalit. Mayroon naman na tahimik lamang at tila walang pakialam lang.
3. Panggagaya sa nakatatanda
Minsan nagkakaroon ng away magkapatid dahil sa nakikita rin nilang pagtatalo sa kanilang paligid. Maaaring nakikita nila sa kanilang mga magulang. Kaya kung paano ninyo nireresolba ang pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa maaaring makaapekto sa inyong mga anak. Hangga’t maaari, iwasan na makita ng inyong mga anak ang away mag-asawa rin. Kung hindi naman naiwasan, ipaliwanag agad sa mga anak ang pangyayari ng pagtatalo ninyong mag-asawa.
Paano maiiwasan ang away magkapatid?
Batay sa website ng Family Lives, natural man sa magkapatid ang pag-aaway pero nagiging mahirap sa mga magulang ang palagiang pag-aaway ng mga ito. Dahil kung palaging may bangayan o pagtatalo, parang walang katahimikan at pagkakaunawaan sa tahanan.
Ang pinakamahalagang paraan para maiwasan ang away magkapatid ay ang pag-alam sa pangunahing dahilan ng pag-aaway o hindi pagkakasundo ng mga ito. Gayundin, kapag may away magkapatid, mas mabuti ang hindi makisangkot dito at hayaan silang gumawa ng paraan na maisaayos ang pagtatalo maliban na lamang kung nagkakasakitan na ang magkapatid.
1. Paghahanda sa anak kapag may bagong kapatid na darating
Madali sa isang nasa tamang edad na ipaliwanag ang pagkakaroon niya ng bagong kapatid. Marahil nasasabik na rin siya magkaroon ng makakalaro. Upang hindi niya maramdaman na mawawala na ang maraming atensyon sa kaniya, makabubuti ang pagiging kabahagi siya sa pag-aalaga sa kaniyang kapatid lalo na kung kaya na niyang sumunod sa mga utos at paggawa ng mga simpleng bagay.
Magiging mahirap lamang sa mga mababa sa 2 taon ang pagkakaroon ng kapatid dahil limitado pa ang lubos nilang pag-unawa. Iparamdam lamang sa kanila ang pantay na pagmamahal at atensyon. Tumugon din sa kaniyang nararamdaman sa halip sa pag-uugali o iaasal nito.
RELATED: ‘Am I Ready For This?’ Here's What It Feels Like To Be A Mom To Almost 2 Young Kids
2. Pananatiling kalmado at tahimik
Bigyang pansin ang ginagawa ng inyong mga anak para mahadlangan ang anumang pagtatalo bago pa man ito mangyari. Manatiling kalmado lamang at huwag agad-agad na magalit o magtaas ng boses para ganoon din ang iyong mga anak. Hindi sila magsisigawan.
3. Magkaroon ng patas na pagtingin
Sa isang pamilyang Pilipino, tunay na hindi nawawala ang konsepto ng “favoritism” kaya mabuting alisin hanggang maaga pa lamang ang ganitong pagtingin sa mga anak. Iwasan ang pagkukumparahan sa iyong anak gaya ng pagsasabi ng “bakit ang ate mo ganito…”, “mabuti pa ang kuya mo ganyan…”, o “hindi mo kaya gayahin si…”, ilan ito sa mga pahayag na nakasasama ng loob ng mga anak. Madalas ang pagkukumpara ng magulang sa grades o performance sa paaralan ng kanilang mga anak na hindi makabubuti sa mga magkakapatid.
Tandaan na bawat isa ay magkakaiba, may natatanging katangian o personalidad at kakayahan. Hindi lahat pare-pareho. Mahalagang tanggapin ang pagkakaibang ito at magkaroon ng patas na pagtingin sa mga anak para maiwasan ang kompetisyon sa mgakakapatid. Sa halip, panaigin sa magkapatid ang kooperasyon, pagtutulungan, at pagkakaisa sa mga bagay na ginagawa nila. Maglaan din ng pantay na oras sa bawat anak. Sikaping gawing pantay rin ang kanilang mga gampanin sa loob ng tahanan batay sa kakayahan ng bawat isa at magbigay ng pagkakataon sa bawat isa na mapagkinggan ang kanilang panig sa loob ng tahanan.
4. Bigyang halaga ang pagkakaiba-iba
Maglaan ng panahon sa bawat isa at bigyang pansin ang mga hilig ng iyong mga anak. Maaaring magkakaiba sila ng gusto at sabayan ito sa halip na ipilit ang gusto ng isa para sa lahat. Halimbawa, gusto ng isa ang isports, samahan siya na paunlarin ang kahusayan dito. Kung ang isa naman mas mahilig mag-aral, bigyang suporta siya sa kaniyang mga gustong ginagawa sa paaralan. Kung bibigyang halaga ang pagkakaibang ito, maaaring magbahaginan ang magkakapatid ng mga hilig nila at matulungan nila ang isa’t isa kaysa magtalo o magkumparahan din.
Mahalaga rin ang pagbibigay ng patas na “reward” o maging “punishment” sa bawat isa.
5. Walang kakampihan
Sa halip na alamin kung sino ang may kasalanan o nagkamali o sino ang dapat managot o parusahan at sino ang biktima, mas mahalagang pag-aralan at magtuon sa sitwasyon ng bawat isa at sa pangyayari. Maupo at pag-usapan ang pagtatalo at pakinggan ng bawat isa ang kani-kanilang nararamdaman. Tulungan silang humanap ng tamang paraan na masolusyunan ang kanilang away magkapatid nang sa gayon mas matutuhan din nila kung paanong mahusay na mamahala ng kanilang problema sa hinaharap.
Para sa atin na mga magulang, mahalagang paalala na iwasan ang mga paggamit ng mga negatibong salita o pagpapakita ng mga bagay na hindi makabubuti gaya ng “sige, magsuntukan pa kayo, galingan ninyo ha,” “hala, sige magpatayan na lang kayo,” o “pagbutihin ninyo ang pag-aaway ha” sa halip kausapin nang masinsinan ang magkapatid at sabihin ang magiging epekto ng palagian nilang pag-aaway at kung iyon ba ang gusto nilang nangyayari. Kung sana tamang edad na sila, mauunawaan nilang mabuti at maidadaan sa mabuting pag-uusap. Kung masyado pa silang bata, magpakita ng mabuting halimbawa o modelo sa kanila.
Sa pagbabahagi rin ng ilang kaibigang nakausap sa away magkapatid ng kanilang mga anak, gaya ng isang tatay, si Engr. Lando, palagi niyang ipinapaliwanag sa kaniyang dalawang anak na babae na mahalaga ang pagbabahaginan sa isa’t isa. Ipinapakita niya ang halaga ng paghahatian sa pagkain man o anumang bagay.
Tandaan na maiiwasan ang anumang hidwaan, pagtatalo, o away magkapatid kung mararamdan ng bawat anak ang patas na pagtingin o pagtatrato ng kanilang mga magulang at iginagalang o pinapahalagahan ang pagkakaiba ng bawat isa. Nang sa gayon lumaki silang magkaibigan at ituturing na “best friend” ang isa’t isa dahil mayroon silang mabuting samahan mula pagkabata.