Maraming mga magulang ang tuwang-tuwa kapag nagdiriwang ng first birthday ang anak. Parang kailan lang kasi na hindi ka mapakali sa bawat pagbabagong pinagdaraanan ng iyong baby. Namamangha ka na lang ngayon na isa na palang toddler ang binibihisan mo’t inaalagaan! Kaya mainam na maging handa kayo pareho sa 1 year old baby milestones.
Sa edad 1 year old, inaasahang triple na ang bigat ng iyong anak kumpara noong newborn siya. Ang laki ng kanyang utak ay 60% na rin ng adult size nito.
Sa patuloy na paglaki ng iyong baby, mapapansin mo rin ang mga bagong kakayahang naipapakita niya. Tandaan lang na pagkatapos ng unang kaarawan, sinasabing mas bumabagal ang rate of growth ng mga bata.
1 year old baby milestones
Ayon sa Johns Hopkins Medicine, ang sumusunod ay ilan sa common milestones ng mga bata sa ganitong age group:
- Nagsisimula nang maglakad (15 buwan)
- Nagsisimula na ring tumakbo
- Nakakatigil sa pagtakbo, nagsu-squat, at tatayo ulit
- Naglalaro ng push and pull toys
- Nakasasayaw at nakakasabay sa musika
- Nakapaghahagis ng bola
- Nakauupo sa maliit na stool o upuan
- Nakabubuo ng towers gamit ang blocks
- Nagsi-scribble gamit ang crayon o lapis
- Nakakaakyat sa hagdan habang nakahawak
Dagdag pa din ang mga sumusunod na 1 year old baby milestones:
- Nakabubuo ng 2- hanggang 3-pirasong puzzles
- Kumukumopya at gumuguhit ng mga bilog at mga linya
- Natututong kumain mag-isa gamit ang mga daliri
- Nagsisimulang gumamit ng kutsara sa pagkain
- Nakakainom na mula sa tasa o baso
- Marunong nang magbihis (mga damit na walang butones at zippers)
- Tumutubo na ang unang molar (back) teeth
- Nakatutulog na sa hapon o tanghali
- Nakatutulog sa loob ng 10 hanggang 12 oras sa gabi
- Ginagaya ang mga tunog ng mga hayop at iba pang tunog sa paligid
- Nakapagsasabi na ng 4-6 na mga salita (nadaragdagan ito ng 10-15 salita hanggang sa ika-18 niyang buwan)
- Nagsisimula nang makaunawa ng iba't ibang simbolo— mga ugnayan ng mga bagay sa isa't isa at mga kahulugan nito
Mga paraan para matulungan ang anak
Sa bilis at dami ng bagong nagagawa ng anak, hindi mo mapipigilang magtanong kung paano nga ba mas natututong makisalamuha ang isang bata sa kanyang kapaligiran. Paliwanag ng mga eksperto na habang natututuhan niyang maglakad, naipakikita niyang kaya na niyang maging independent. At kahit hihiwalay siya sa kanyang nanay o tatay, mapapansing bumabalik-balik pa rin siya.
Sinasabing kasama sa 1 year old developmental milestones ang unti-unting pagkawala ng kanyang separation anxiety dahil mas natututo siyang maging independent. Ngunit ayon sa mga pag-aaral bumabalik daw ito kapag 2 years old na ang isang bata.
May payo ang mga eksperto kung paano mo matutulungang mas matuto at maging emotionally secure ang iyong anak:
- Bigyan mo siya ng mga laruang malalagyan (at matatanggalan) niya ng iba pang bagay (tulad ng buckets, sandbox, puzzles) at mga laruang makahihikayat ng imaginary play.
- Simpleng puzzles muna ang ibigay sa kanya (2 to 6-piece puzzles) at mga bola na iba't iba ang laki.
- Tulungan mo siyang makabuo ng towers ng blocks.
- Hikayatin mo siyang tulungan ka sa gawaing bahay, tulad ng pagliligpit ng kalat, pagdidilig ng halaman, at iba pa.
- Bigyan mo siya ng papel at malalaking crayons para makapag-scribble at guhit siya.
- Kausapin mo ang iyong anak gamit ang malinaw at simpleng wika o mga salita.
- Isama mo siya sa iyong mga gawain at ikuwento sa kanya kung ano ang mga ito at bakit mo kailangang gawin.
- Gamitin ang wastong pangalan ng mga bagay sa paligid. Halimbawa, "wa-wa," ang tawag ng iyong anak sa tubig. Bigkasin mo pa rin ang wastong tawag dito.
- Pahabain mo ang mga pangungusap niya. Kapag sinabi niyang, "Want cookie," sabihin mong, "Gusto mo pa ba ng isa pang cookie?"
- Magbasa kayo nang magkasama gamit ang picture at story books.
- Tulungan mo ang iyong anak sa pagkain kapag oras ng family mealtimes hanggang matuto siyang kumain mag-isa.
- Magbigay ng consistent, firm, at angkop na pagdidisiplina nang walang paninigaw at pananakit.
Maaari ding gamitin ang developmental milestones checklist, tulad ng mula sa United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC) upang mas masuri ang developmental status ng iyong anak.
Mga dapat bantayan
Ayon sa CDC, kailangang agad na kumunsulta sa inyong doktor kapag napansin mo ang sumusunod sa iyong anak, na maaaring developmental red flags na pala:
- Hindi gumagapang
- Hirap tumayo nang mag-isa
- Hindi hinahanap ang mga bagay na nakikita niyang tinatago mo
- Hindi pa nakapagsasabi ng mga salita tulad ng “mama” o “dada”
- Hindi pa kaya ang gestures tulad ng pagkaway at pag-iling
- Hindi itinuturo ang mga bagay sa paligid
- Nakakalimutan ang skills na nagawa na niya
Iwasang mag-panic sakaling may isa o ilan sa nakalistang red flags ang nakikita mo sa iyong anak. Mas mainam ngang maaga mo itong makita at masabi sa pediatrician upang agad ding matugunan. Mahalaga ang developmental screening upang mabigyan siya ng angkop na intervention at treatment, sakaling kailangan.
Bukod sa pagmo-monitor nang maigi sa kanyang paglaki, makatutulong din na masimulan ang pagsasanay sa kanya na kumain ng masustansyang pagkain. Puwede ka na ring mag-transition mula sa pagpapasuso hanggang sa pagbibigay ng whole milk. Kakailanganin ng iyong toddler ang extra fats mula rito para sa mas malusog na brain growth at development. Asahan ding mas matagal ang kanyang pagtulog sa gabi kumpara sa araw.
Payo ng American Academy of Pediatrics (AAP) ang “no screen time” para sa mga batang ang edad ay wala pang 18 na buwan (maliban sa video chatting sa mga kamag-anak.) Negatibo raw ang epekto ng labis na paggamit ng phone, TV, at iba pang gadgets sa development ng mga bata.
Talagang napakaraming mga sandali ang mae-enjoy mo habang lumalaki ang iyong baby. Sikaping maging matatag din ang inyong bond sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng activities kung saan masaya siyang natututo ng iba’t ibang mga bagay kasama ka at ang buong pamilya.
Ang bawat simpleng task at achievement niya ang nakapagbibigay sa kanya ng kumpiyansa sa sarili at tiwala sa mga tao sa kanyang paligid. Ang kanyang pag-unlad sa social, physical, emotional, communication, at cognitive na mga aspeto ang bumubuo sa kanyang 1 year old developmental milestones. Mahalaga ang panahong ito dahil dito siya maihahanda upang maging malusog, matalino, at malakas na bata.
Basahin dito para sa mga aabangan na 2 year old milestones.