Noong Marso 2024 nang mag-release ng statement ang Miss Universe Philippines (MUPH) organization laban sa cyberbullying na nararanasan ng mga kandidata ng nasabing beauty pageant. Walang pinipiling estado sa buhay at edad ang cyberbullying o pambubulas gamit ang internet. Sa iba’t ibang paraan, nakaaapekto ito sa mga bata man o matatanda. Sa artikulong ito, sisikapin nating tutukan sa ating talakayan kung paano maiiwasan ang cyberbullying.
Ayon sa census mula sa nonprofit na Common Sense Media, nasa average ng 5.5 oras ang screen time ng tweens (edad 8-12) kada araw samantalang ang teenagers (13-18) naman ay umaabot pa hanggang 8.5 oras.
Hindi maitatangging ang mga magulang ang kauna-unahang dapat na makaunawa sa cyberbullying upang maihanda at maturuan din ang mga anak kung paano ito maiiwasan at ano-ano ang kailangan nilang gawin sakaling maging biktima nito.
Makatutulong ding magsaliksik tungkol sa mga batas laban sa cyberbullying na mayroon na tayo sa kasalukuyan, ang Republic Act No. 10627, o ang Anti-Bullying Act of 2013. Kasama na rin dito ang Republic Act No. 10175, na kilala rin bilang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ano ba ang cyberbullying?
Nakipagtulungan ang UNICEF specialists sa international cyberbullying and child protection experts upang mabigyang-linaw ang sensitibo at mahalagang isyung ito. Paliwanag ng mga eksperto, ang cyberbullying ay isa sa mga isyung kailangang alamin at unawain ng mga magulang upang maprotektahan ang buong pamilya.
Paggamit ng digital devices kagaya ng computer, smartphones, tablets, at iba pa upang makasakit o makasira sa reputasyon ng ibang tao ang cyberbullying. Maaari itong mangyari sa anumang oras at lugar at mas mabilis ding kumakalat o lumalala dahil sa bilis ng pagkalat ng impormasyon online. Nagagawa ito sa electronic media tulad ng email, instant messaging, chat rooms, SMS, at iba pang social networking sites. Masalimuot na isyu ang cyberbullying. Malawak, malalim, at tumatagal ang mga epekto nito.
Mga uri ng online na pambubulas
- Cyberstalking: Nangyayari ito kapag may nagmo-monitor sa mga activity mo online. Halimbawa rin nito ang paggawa ng fake profiles upang makapang-stalk o mang-harass ng kakilala online.
- Harassment: Ito ang paulit-ulit na pagpapadala ng nakakasakit, masasama, at nakakainsultong mga mensahe sa isang indibidwal. Halimbawa nito ang pananakot at panggigipit sa kaklase gamit ang smartphone.
- Pagkakalat ng tsismis at pekeng impormasyon: Nakasisira ito ng imahe o reputasyon ng target na biktima. Halimbawa nito ang pagpo-post ng mga impormasyong makasisira sa reputasyon ng kakilala at kahit pa ng mga taong hindi personal na kakilala.
Kahit ang mga pagpaparinig ay maituturing na ring cyberbullying ngayon.
Mga sintomas ng nakakaranas ng cyberbullying
Paliwanag ng Kids Health, may iba’t ibang senyales at sintomas na dumaranas nito ang iyong anak: Kailangan ding bantayan ng mga magulang ang mga anak at agad na kausapin ang anak kung nakakaranas siya ng alinman sa mga sumusunod:
- Pagiging emotionally upset habang o pagkatapos gumamit ng internet, laptop, o ng phone.
- Pagiging malihim o secretive at protective din sa ginagawa online.
- Mas gustong mapag-isa at hindi na nakikihalubilo sa pamilya at mga kaibigan.
- Lagi na lang mag-isa sa kwarto.
- Nag-iiba ang pag-uugali dahil sa galit na hindi mokontrol.
- Mga pagbabago sa mood, behavior, pagtulog, o sa gana sa pagkain.
- Biglang ayaw nang gumamit ng cellphone at/o laptop.
- Pagiging nerbiyoso nerbiyosa kapag nakakatanggap ng mensahe.
Mga sanhi ng cyberbullying
Social Media ang pangunahing lugar kung saan ito nangyayari. Dahil karamihan sa mga Pilipino ay online na sa kasalukuyang panahon, may accounts sa iba’t ibang social media platforms, at pinipili ng ilan sa kanila na magtago ng tunay na identidad gamit ang usernames at fake profiles, parami na rin nang parami ang kaso ng cyberbullying sa ating bansa.
Mas maraming pagkakataong posibleng ma-bully ang mga taong aktibo online. Karaniwang biktima ng cyberbullying ang kabataan, na karaniwang nabu-bully rin sa kanilang komunidad o paaralan, at mga celebrities o public figures kagaya ng mga artista at ilang content creators at influencers na sumisikat sa YouTube, Facebook, X (dating Twitter) at Tiktok.
Ayon sa UNICEF, isa sa tatlong kabataan sa 30 mga bansa ay nakaranas ng cyberbullying noong 2019 at mga taon bago nito.
Ayon sa pag-aaral ng National Center for Education Statistics, nasa 22% ng mag-aaral sa Mataas na Paaralan ang nakaranas ng cyberbullying noong 2019.
Nakasaad sa ulat ng Cyberbullying Research Center noong 2020, nasa 15% ng kabataang may edad 9-12 ang na-bully online sa Estados Unidos.
Mga epekto ng cyberbullying sa mga bata
Karaniwang nakakaranas ng matinding emosyonal at sikolohikal na distress ang biktima ng bullying. Maaari din itong magdulot ng sumusunod:
- Anxiety
- Depression
- Mababang self-esteem
- Social isolation
- Hirap sa pag-focus sa pag-aaral
- Iba pang stress-related disorders
Maari ding ma-suspend o ma-expel sa paaralan ang cyberbullies. May ilan na natatanggal sa sports teams at sa kasalukuyang panahon, mainit na isyu rin ito sa mundo ng showbiz sa Korea. Kahit ilang taon na ang lumipas, kapag may sumisikat na actor o aktres sa kanila at may background ito ng bullying, naaapektuhan din ang career ng celebrity.
Nagkakaroon din ng academic issues, interpersonal issues, family issues, substance abuse, suicidal ideation, at low self-esteem ang mga nagiging biktima nito at kahit ang mga gumagawa nito.
Kung iisiping mabuti, hindi lamang malala ang epekto sa biktima kundi pati na rin sa mga taong gumagawa nito. Tandaang may rare cases kung saan ang mga bata ay nagtangkang mamatay o tuluyang namatay dahil sa suicide.
Paano ba ito maiiwasan?
Napakahalaga ng pagkakaroon ng bukas na komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at anak. Narito ang ilang payo mula sa mga eksperto kung paano maiiwasan ang cyberbullying:
1. Makipagkwentuhan sa anak.
- Hikayatin ang anak na magkwento tungkol sa kanyang online interactions.
- Iwasang manghusga o magbigay ng parusa sakaling may pagkakamali ang anak sa paggamit ng social media. Ipaliwanag sa kanya nang mabuti kung paano ito gagamitin nang mas responsable at mas maingat.
- Talakayin sa anak kung bakit mahalaga ang paggalang sa kapwa, online man o offline.
2. Mag-set ng malilinaw na guidelines tungkol sa online behavior. Ipaliwanag din sa anak kung bakit kailangan ng safe online presence.
- Pag-usapan ang wasto o appropriate online conduct.
- Ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng consent.
- Magbigay rin ng screen time limits.
- Ipaliwanag sa anak kung bakit mahalagang ingatan ang personal na impormasyon kagaya ng kanilang tirahan, phone numbers, at passwords.
- Tulungan din ang mga anak na ayusin ang privacy settings ng kanilang accounts.
- Mahalaga ring i-document ang mga pambubulas na nararanasan.
Narito din ang ilang tips sa pagrekord ng detalye ng karanasang ma-bully online:
- I-save ang screenshots ng mga mensahe, posts, at iba pang mahahalagang digital evidence.
- Irekord ang mga petsa, oras, at deskripsyon ng mga insidente.
Kapag nakatanggap pa rin ng mga mensahe sa online platforms, i-block ang accounts at i-report na rin sa awtoridad.
Kung sa mga kaklase sa paaralan nararanasan ng mga bata ang cyberbullying, mainam ang agad na pagkonsulta at pag-report ng isyu sa guro at principal na paaralan.
Makatutulong din ang paglapit sa mental health professionals at healthcare providers para sa wastong paggabay sa iyong anak.
Ilan lamang ang mga ito sa epektibong paraan kung paano maiiwasan ang cyberbullying at kung ano ang mga dapat gawin sakaling nararanasan na ito.
Ilan pang mga payo mula sa mga eksperto ang sumusunod:
- Limitahan ang access ng iyong anak sa social media.
- Ilagay ang computer sa area kung saan makikita ng lahat ang gumagamit nito.
- Limitahan din ang kanyang screen time kada araw.
- Alamin ang apps, games, at websites na kanyang ginagamit.
- I-check ang settings ng kanyang phone dahil maaari ding i-off ang text messaging services sa piling oras.
- Gamitin ang parental control options na makapagbibigay sa iyo ng access sa messages at online life ng iyong anak.
- Maaaring i-monitor ang browsing history at kung gaano katagal namamalagi sa websites ang iyong anak.
Tandaan lamang na mahalagang nauunawaan ng anak kung bakit minomonitor ang kanyang online activities. Mahalagang nauunawaan niyang para lamang ito sa kanyang online safety at hindi upang manghimasok o makialam sa kanyang buhay.
Kapag siya ay sumang-ayon, iwasan din namang abusuhin ang access sa kanyang social media accounts. Kailangang manatiling informed at vigilant upang hindi dumanas ng trauma at iba pang nakapipinsalang mga epekto ng cyberbullying.
Ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon, malinaw na guidelines at boundaries, at timely intervention ay mahahalagang paraan upang masigurong ligtas ang anak mula sa mga ganitong masalimuot na karanasan.
Basahin ito para malaman ang sampung senyales na nakakaranas ng bullying sa paaralan ang iyong anak.