Ang ectopic pregnancy ay nangyayari kapag napunta ang fertilized egg sa labas ng uterus, ayon sa American College of Obstetricians and Gynecologists. Pero may higit sa 90% ang karamihan sa ectopic pregnancy na sa fallopian tube nangyayari, kaya nga karaniwang tinatawag itong "tubal pregnancy."
Maaari ring mapunta ang egg sa obaryo, tiyan, at matres. Nagdudulot ito ng pagputok, o rupture, sa pagpapatuloy ng paglaki ng fetus na magiging sanhi ng matinding pagdurugo. Mapanganib ang ganitong sitwasyon para sa ina na kakailanganin ng agarang operasyon. Kaya mahalagang malaman ang ectopic pregnancy symptoms.
Hindi nagpapatuloy sa normal na pagbubuntis ang ectopic pregnancy, ayon pa sa mga eksperto. Hindi kasi makaliligtas o mabubuo nang maayos ang fertilized egg. Kung hindi ito agad maagapan, totoong mapanganib ang ganitong pagbubuntis.
Bakit nangyayari ang ectopic pregnancy?
Nangyayari ang ectopic pregnancy kapag ang na-fertilize na egg ay hindi agad na makakababa mula sa fallopian tube papunta sa uterus, ayon naman sa Kids Health. Maaaring nabarahan ang tube dahil sa impeksyon o may pamamaga.
Nagkakaroon ng pagbara sa fallopian tube dahil sa pagkakaroon ng mga ganitong kondisyon:
- Endometriosis
- Pelvic inflammatory disease (PID)
- Peklat sa tissue mula sa dating operasyon sa tiyan o fallopian
Samantala, mataas ang tsansa na makaranas ng ectopic pregnancy ang may mga ganitong bisyo at kondisyon:
- Paninigarilyo
- Pagbubuntis nang higit sa 35 taong gulang
- Nakaranas na ng ectopic pregnancy
- Pamamaga ng reproductive system ng babae dulot ng sexually transmitted infection (STI) o ang PID
- Hindi matagumpay na pagsasagawa ng pagpapatali o tubal ligation
- Pagbubuntis habang gumagamit ng contraceptive na Intrauterine device (IUD) o Intrauterine system (IUS)
- Pagsasailalim sa fertility treatment gaya ng IVF o pag-inom ng gamot para sa pagsasaayos ng ovulation
Ano ang mga sintomas ng ectopic pregnancy?
Gaya ng pangkaraniwang pagbubuntis, makararanas ng ilang sintomas gaya ng:
- Hindi pagkakaroon ng buwanang dalaw
- Pagtigas ng dede
- Pagduduwal
Kabilang din sa ectopic pregnancy symptoms ang mga sumusunod:
1. Hindi normal na pagdurugo
Iba ang mararanasang vaginal bleeding na hindi gaya sa normal na regla. Nagsisimula ito at biglang titigil. Maaaring malabnaw ito at kulay dark brown. Inaakala ng ibang babae na karaniwang regla lamang ito na hindi nila inaasahang buntis pala sila.
2. Pananakit ng tiyan o puson
Makararanas ng pagsakit ng tiyan na karaniwan sa ibabang bahagi ng isang gilid. Maaaring magdebelop ito nang paunti-unti at mas maaaring tumindi pa o pawala-wala. Maaaring isipin na kinakabagan ka lamang pero posibleng sintomas na ito ng ectopic pregnancy.
3. Pananakit ng balikat
Hindi pangkaraniwan ang pananakit ng dulo ng iyong mga balikat at sa mga braso rin. Hindi matiyak ang dahilan nang biglaang pagkakaroon nito pero maaaring sintomas ito ng internal bleeding dulot ng ectopic pregnancy.
4. Hirap sa pag-ihi at pagdumi
Maaaring makaranas na masakit sa pag-ihi o pagdumi (constipation). Posible ring makaranasn ng diarrhea. Ilan din ito sa karaniwang sintomas kapag normal na pagbubuntis.
Bukod sa mga nabanggit ang iba pang sintomas ng ectopic pregnancy ay:
- Pananakit ng balakang
- Pagbaba ang blood pressure
- Katamtamang pananakit ng isang bahagi ng pelvis
Sa simula, hindi madaling malaman kung tipikal na pagbubuntis o ectopic pregnancy ang nararanasan. Mahalagang ipaalam sa iyong ob-gyn ang anumang sintomas na nararanasan lalo na kung may hindi normal na pagdurugo. Kadalasan nade-debelop ang mga sintomas sa pagitan ng ika-4 na linggo ng pagbubuntis at ika-12 linggo ng pagbubuntis.
Kapag nagpatuloy ang paglaki ng fetus, mas tumitindi ang pagdebelop ng mga sintomas lalo na kung nag-rupture na ang fallopian tube. Kabilang sa mga sintomas na ito ay:
- Biglaang matinding pananakit ng tiyan o pelvis
- Pananakit ng mga balikat
- Panghihina
- Pagkahilo
- Pamumutla
Paano ginagamot ang ectopic pregnancy?
Magkakaiba-iba ang paggagamot depende sa sintomas na nararanasan at sa mga test na isasagawa para sa pagtukoy ng sanhi ng ectopic pregnancy.
May 3 pamamaraan ng paggamot ng ectopic pregnancy, ayon sa National Health System:
1. Mabuting pagmo-monitor sa iyo at paggamit ng alinman sa gamutan kapag hindi nawala ang na-fertilize na egg.
2. Pagbibigay ng matinding gamot na tinatawag na methotrexate para maihinto ang pagpapatuloy ng pagbubuntis.
3. Pagsasailalim sa operasyon gaya ng laparoscopy na may general anethesia para alisin ang fertilized egg sa bahagi ng fallopian tube na apektado.
Totoong nakalulungkot na mawalan din ng baby kasama pa sa pisikal na pagpapalakas ang emosyonal na aspekto. Ngunit hindi kailangang mawalan ng pag-asa rin dahil maaari pa rin namang mabuntis.
Kadalasan na inirerekomenda na pagkaraan ng tatlong buwan saka ang panibagong pagbubuntis lalo na kung nabigyan ng metthotexate dahil ang gamot na ito ay mapanganib sa iyong baby kung magbubuntis agad.
Bagaman hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng ectopic pregnancy, pero maaaring mabawasan ang panganib na maranasan ito sa pamamagitan ng pangangalaga ng iyong kalusugan. Kabilang dito ang pag-iwas sa paninigarilyo at pagbibigay ng proteksyon sa iyong sarili sa pakikipagtalik.
Gayundin, ang regular na pagpapacheck up sa iyong ob-gyn kung nagnanais na magbuntis. Kung nakararanas din ng mga nabanggit na ectopic pregnancy symptoms, agad na ipaalam ito sa iyong ob-gyn upang maagapan ang kondisyon.
---
Mga pinagkunan ng impormasyon:
Ectopic Pregnancy
https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/9687-ectopic-pregnancy
Ectopic Pregnancy
https://www.acog.org/womens-health/faqs/ectopic-pregnancy
---
Basahin dito ang tungkol sa ectopic pregnancy triad.