Walang sisidlan ng saya ang pagbahagi ni Lovely Abella at kanyang mister na si Benj Manalo ng magandang balita ng pagbubuntis pagkaraan ng 15 taon na paghihintay (basahin dito).
Pero nasundan ito ng pag-aalala at takot na baka mauwi ang lahat sa wala. Kaya ganoon na lang ang pasasalamat ng mag-asawa nang malampasan nila ang pagsubok.
"Lord, napakabuti mo, salamat po," sabi ni Lovely sa kanyang Instagram post, kalakip ang ultrasound scan ng kanyang ipinagbubuntis.
Dito na ikinuwento ng aktres at negosyante ang pinagdaan nilang mag-asawa. Aniya, "2 weeks kaming nag antay na kahit sumilip lang siya sa amin, dahil pwede pala na maging Blighted Ovum (bugok na pagbubuntis)."
Kapag sinabing blighted ovum, may nakikita sa ultrasound scan bandang ika-anim na linggo ng pagbubuntis na tinatawag na gestational sac. Pero wala itong yolk sac na karaniwang nakadikit sa embryo. Puwede ring may yolk sac, pero wala naman itong fetal pole, o iyong kurbadong hubog na siyang nagiging fetus kalaunan sa pagbubuntis.
Pagpapatuloy ni Lovely sa kanyang kuwento, "Grabe, sa halos 1 week na natira sa pag aantay namin, lahat ng pwedeng isipin maiisip ko na ata. Pero yung pagkapit namin kay Lord ang hindi mawala.
"Kung ano man ang plano niya sa buhay namin dahil yun ang tinadhana niya sa amin, at kahit masaktan pa kami tatanggapin namin, lalo na nung oras din na nabuntis ako. Heto yung nagka-covid ako, kaya dami ko naiisip."
Dagdag pa ni Lovely, "Prayers work talaga. Daming nagdasal para sa amin, Pastors and Friends from our Victory church, Family and Friends at kahit nga mga nakapanood at zuki namin pinagdasal kami. Kaya walang impossible pag sa Kanya lang kayo kakapit."
Patotoo niya, "Di na namin hawak ang heartbeat ni baby, pero heto nga talagang binigay niya sa amin, at gusto ko magcelebrate kasama kayo by posting this."' Salamat sa Prayers ninyo. "
Nag-iwan din ng mensahe si Lovely: "At kung kayo din ay isa sa nagdadasal ng Miracle baby, in His time ibibigay ni Lord. Wag kayong mainip, wag kayong mapagod dahil itinadhana niya ang buhay na para sa inyo. God bless everyone."
May huli pa siyang hirit, "Congrats Baby, lalo na naman akong magiging spoiled nito." At saka naka-tag si Benj, pati may hashtag na #hanashnilovely.
Basahin dito kung paano malalaman ang heartbeat ni baby.