Isa sa mga sintomas ng pagbubuntis sa ika-6 na linggo ay ang halu-halong emosyong iyong nararamdaman. Kung hindi ka dinatnan ng regla at alam mong ikaw ay nakipagtalik habang ikaw ay fertile, malaki ang posibilidad na ikaw ay buntis, at ito ay kukumpirmahin gamit ang pregnancy test kit. Maraming kababaihan ang alam na agad na sila ay buntis mula pa lamang sa ika-4 hanggang ika-7 linggo, depende sa cycle ng kanilang pagreregla. Baka ikaw ay maka-ilang beses pang inulit ang pregnancy test para siguraduhing tama ang resulta nito (sa ikalawa, ikatlo, ikapat o higit pa) na pagkakataon. Kahit pa ito ang iyong ikalawang pagbubuntis (o higit pa) ay dapat mo pa ding siguraduhin na mayroon kang kaalaman sa mga pagbabago sa iyong katawan.
Mga senyales ng pagbubuntis sa ika-6 na linggo
Kung nakumpirma mo nang ikaw nga ay buntis, huwag kang mag-alala kung wala ka pang nararamdamang pisikal na palatandaan at pagbabago. Ngunit ang iyong katawan ay tuloy-tuloy na naghahanda para sa iyong baby.
Wala ka pang makikitang paglaki sa iyong tiyan, pero ang iyong sinapupunan ay nagsisimula nang lumaki. Nagsisimula na itong maglaan ng espasyo para sa mabilis na paglaki ng iyong baby, pati na rin sa pag-develop ng iyong inunan (placenta) at amniotic sac and fluid. Ang iyong katawan ay patuloy na gumagawa ng mas madaming dugo upang matugunan ang pangangailangan ng iyong pagbubuntis.
Ang patuloy na pagtaas ng lebel ng daloy ng iyong dugo at maging ang produksyon ng iyong hormones ng hCG (human chorionic gonadotropin, na siyang nakukuha ng iyong home pregnancy kit), progesterone, at estrogen ay ang mga nagdudulot ng madaming pagbabago sa iyong katawan.
Mga sintomas ng pagbubuntis sa ika-6 na linggo
Ang mga pagbabago sa iyong katawan ang magdudulot ng mga sumusunod na sintomas ng pagbubuntis::
Heartburn at indigestion
Sanayin mo na ang iyong sarili sa heartburn (o ang init na nararamdaman sa dibdib at lalamunan) dahil palagi mo itong mararanasan hanggang sa ikaw ay manganak. Ayon sa librong What to Expect When You're Expecting, ang iyong muscle sa bandang itaas ng tiyan na syang dapat na pumipigil sa pag-akyat ng iyong panunaw ay naka-relaks lamang upang magbigay daan sa lumalaking matris.
Madalas na pag-ihi
Mapapadalas ang iyong pagpunta sa banyo, maging sa hating gabi ay mapapabangon ka para umihi. Ito ay dahil ang iyong hCG ay nagpapataas ng daloy ng dugo sa iyong pelvic area, at ang iyong mga bato nag-aadjust na din para sa iyong pagbubuntis. Ibig sabihin nito ay mas mahusay ang kanilang pagtatarabaho.
Ang madalas na pag-ihi ay normal lamang, ngunit hindi ito dapat na masakit. Kaya’t kung nakararanas ka ng kirot sa pag-ihi, maaaring senyales na ito ng urinary tract infection (UTI), na karaniwan naman sa ika-6 na linggo ng pagbubuntis, kaya’t agad na magpatingin sa iyong doktor.
Bloating, kabag, at pagtitibi
Ang hormone na progesterone ang dapat mong sisihin sa sa mga problema sa iyong tiyan. Madalas mong mararamdaman na para bang namamaga ang iyong tiyan, o di kaya naman ay constipated (pagtitibi). Ang kontraksyon ng iyong mga kalamnan na siyang nagpapadaloy ng pagkain sa iyong bituka ay mas mabagal kapag ikaw ay buntis. At ang sobrang iron mula sa iyong supplements ay maaari ring dahilan nito.
Mas sensitibong mga suso
Sa ika-6 na linggo ng pagbubuntis ay mararamdaman mong mas sensitibo ang iyong mga suso na may halong pananakit. Mas bumibigat ang mga ito, at lumalaki ang palibot o ang mismong mga utong. Ang mga pagbabagong ito ay dahil sa naghahanda na ang iyong dibdib sa produksyon ng gatas.
Labis na pagod
Mas mabilis ka nang makararamdam ng pagod at pagkaantok matapos ang ilang karaniwan at magagaang gawain lamang. Ito ay dahil sa progesterone na nagdudulot ng pampaantok sa iyong katawan. Kailangan ng iyong katawan na mag-produce ng mas maraming dugo kaya’t mainam na palaging magpahinga.
Pagkahilo at pagsusuka
Maaaring nakararanas ka na ng tinatawag na morning sickness (o ang pagkahilo at pagsusuka tuwing umaga), pero hindi lahat ng mga buntis ay dumaraan dito. Hindi rin ibig sabihin ay sa umaga lamang ito nararanasan dahil may ilang kababaihan ang nakararanas nito buong araw kahit pa nakalagpas na sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis. Hilingin mo na lamang na sana ay unti-unti itong mawala kapag ikaw ay nasa ikalawang trimester na. Ang mga buntis na nakararanas ng matinding pagkahilo at pagsusuka na tinatawag na hyperemesis gravidarum ay nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Pabagu-bagong mood (mood swings)
Kung minsan ay tawa nang tawa, o di kaya’y iyak naman nang iyak kahit sa mabababaw na dahilan lamang. Makararamdam ka ng mabilis na pagbabago sa iyong mga mood o emosyon dahil sa mabilis na nagbabago rin ang iyong hormones. Dulot ito ng matinding pagod, pagbabago sa sugar level, kasabay ang iba pang mga pagbabago sa katawan ng buntis.
Pananakit ng puson at spotting (o bahagyang pagdudugo)
Makararamdam ka ng kaunting pananakit ng puson at mapapansin mong mayroon kang spotting (o bahagyang pagdurugo mula sa ari). Ngunit kung ang pagsakit ng iyong puson at spotting ay higit pa sa karaniwan, dapat agad nang kumunsulta sa doktor.
Ang pag-develop ng iyong baby sa ika-6 na linggo
Ang iyong baby ay patuloy ang paglaki at paghulma, ayon sa What To Expect. Kung mayroon ka nang ultrasound sa ika-6 na linggo ng iyong pagbubuntis, makikita mong ang iyong embriyo ay halos kasing-hugis ng isang butete, at kasing-liit ng isang butil ng gistantes (pea), na 4 hanggang 7 millimeters ang haba.
Habang tumatagal ay mas nagmumukha na itong fetus, ngunit hindi pa lubusang buo ang pagkahulma. Maituturo na ng iyong doktor ang kanyang ulo at katawan; ang mga bisig at binti ay hindi pa buo at mukha lamang putot (buds). Hindi pa din maayos na matutukoy ang kanyang mukha, ngunit makikita na ang mga butas rito na kalaunan ay magiging bibig at butas ng ilong. Nagsisimula na ding humulma ang kanyang pisngi, baba, at panga. May makikita na ring mga itim na patche sa kanyang mukha na kapag na-develop ay magiging mga mata, at ang maliliit na nakatuping balat sa dalawang gilid ng kanyang ulo na kalaunan ay magiging mga tenga.
Ang mala-buntot ng embriyo ay siya namang magiging spinal cord ng iyong baby. Sa ika-6 na linggo ng pagbubuntis ay nagsisimula na ding mabuo ang mga hemispheres ng utak ni baby. Nagsisimula na din ang pag-develop ng kanyang mga bato, atay, at baga.
Sa pang-anim na linggo ng pagbubuntis ay nagsisimula nang tumibok ang puso ng iyong baby, ngunit masyado pang mahina para makuha ng doppler o stethoscope. Sa pagdaan ng ilang linggo, dapat ay lumalakas na ang tibok ng kanyang puso nang mga 150 beats kada minuto, at sa susunod mong ultrasound ay may makikita ka nang maliit na tuldok na tumitibok-tibok.
Mga dapat gawin sa ika-6 na linggo ng pagbubuntis
Dapat ay magpa-iskedyul ng prenatal checkup. May mga doktor na nagpapayong dapat na magpatingin sa ika-6 na linggo ng pagbubuntis upang siguraduhin nasa ayos ang lahat. Mayroon namang mga doktor na i-iskedyul ang iyong unang prenatal check-up sa ika-8 hanggang ika-10 linggo ng pagbubuntis kapag mas malinaw nang maririnig ang tibok ng puso ng iyong baby.
Ilista ang lahat ng mga katanungang maiisip mo kahit gaano man ito kababaw, upang maitanong mong lahat sa iyong doktor. Ang iyong obstetrician-gynecologist ang makasasagot sa iyong mga katanungan. Sa iyong unang prenatal check-up, dapat ay maayos ang pakikitungo ninyo ng iyong OB-GYN sa isa’t isa. Ngunit huwag matakot na magpalit ng doktor kung hindi ka kumportable sa kanya.
Kung hindi mo pa nasasabi magiging daddy ang balita, ito ang tamang pagkakataon para sabihin sa kanya at isama sya sa journey ng iyong pagbubuntis. Dapat ay simulan na ninyong paghandaan ang mga gagastusin, at magkaroon ng paghahati-hati ng mga responsibilidad. Maaari mo na ring ibalita ang iyong pagbubuntis sa iyong pamilya at mga kaibigan, o kahit sa iilang tao lamang muna. Dadating ka sa punto ng iyong pagbubuntis na mangangailangan ka na ng tulong sa iba. Kailangan mong suriin at pakiramdaman ang iyong pangangatawan, hindi mo dapat masyadong papagurin ang iyong sarili.
Hindi naman lahat ng mga buntis ay nakararanas ng morning sickness (pagkahilo at pagsusuka) at constipation (pagtitibi) dahil hindi naman magkakapareho ang kondisyon ng bawat buntis. Mayroong iba na sa ikalawang pagbubuntis ay hindi na maselan na gaya ng una. Pero kung ikaw ay hindi kasing suwerte ng iba, hindi ito dapat ipag-alala. Maaari mong subukan ang mga sumusunod upanag mapagaan o mabigyang remedyo ang mga nabanggit na sintomas:
- Iwasan ang pagsusuot ng mga damit na hapit sa iyong tiyan
- Uminom ng maraming tubig at kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber.
- Huwag mamadaliin ang pagkain; kumain nang malumanay.
- Ang mga pagkaing matabang ay makatutulong na mabawasan ang pagkahilo at pagduduwal.
- Kumain maliliit na porsyon ng pagkain ngunit dapat ay limang beses kada araw; piliin ang mga masusustansyang pagkain/miryenda.
- Nakatutulong ang salabat (Ginger tea) na mabawasan ang morning sickess.
Kung ikaw ay nakapagpacheck-up na, ituloy-tuloy lamang ang pag-inom ng iyong mga prenatal vitamins at supplements. Kung nahihirapan kang lumunok ng capsule, magtanong sa iyong doktor ng pwedeng alternatibo (gaya ng chewables!).
Mga karagdagang impormasyon sa bawat linggo ng iyong pagbubuntis
Mga Sintomas sa Pagbubuntis Linggo 5: Ang mga Pangunahing Organs ng Iyong Anak ay Bumubuo
Mga Sintomas ng Pagbubuntis Linggo 7: Nagsisimula na ang Paggalaw ni Baby