-
4 Sintomas Ng Postpartum Psychosis Na Iba Sa Baby Blues At Depression
by Anna G. Miranda .
- Shares
- Comments

Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Sadyang malaki ang epekto ng rollercoaster ng emosyon sa mental health ng isang bagong nanay. Para sa iba, hindi laging masayang karanasan ang panganganak. Life-changing experience ito na hindi mo lubos na mauunawaan hangga't hindi pa nangyayari sa iyo.
Paano nga ba dapat harapin ang pagkakaroon ng baby na magiging dependent nang buong-buo sa iyo? Paano kung bukod sa halo-halong emosyon ay magkaroon ka pa ng postpartum psychosis? Ano-ano ang mga dapat gawin?
Mga uri ng postpartum mood disorders
May mga postpartum mood disorders na dapat malaman ng bagong mga nanay at kanilang pamilya. Ilang halimbawa ang baby blues, postpartum depression (PPD), at postpartum psychosis.
Karamihan sa mga babaeng kapapanganak pa lamang ay nakararanas ng baby blues, habang walo sa sampung bagong nanay ay dumaranas naman ng postpartum ng PPD. Sinasabing ang pagsailalim sa emergency C-section at pagkakaroon ng baby boys ang ilan sa triggers nito. Ilan lamang sina Aubrey Miles, Ellen Adarna, Ryza Cenon, Regine Tolentino, Diana Zubiri, at Andi Eigenmann sa celebrities na nagbahagi ng kanilang karanasan.
Baby blues vs postpartum psychosis
May tinatawag na baby blues o baby blues syndrome, kung saan ang hormonal changes ay nagdudulot ng anxiety, pag-iyak, at restlessness. Kusa itong nawawala dalawang linggo pagkatapos manganak, ayon sa mga eksperto. Kilala rin ito bilang postpartum blues. Mild at panandalian ang ganitong uri ng depression.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWPaliwanag ni Lauren Osborne, M.D., assistant director ng Johns Hopkins Women’s Mood Disorders Center, nasa 85% ng mga bagong nanay ang nakararanas ng postpartum blues.
Sa simpleng paglalarawan, sa isang minuto masaya ka pero walang tigil na pag-iyak naman ang kasunod nito. Hindi rin madali ito ngunit may mga paraan kung paano mag-cope sa baby blues.
Lahad ni Dr. Osborne, “No mother is happy all the time. It’s normal to be frustrated and even need to put the baby down sometimes.”
Kung karaniwang nararanasan ang baby blues, hindi naman ganoon ka-ordinaryo ang postpartum psychosis.
Mga sintomas ng postpartum psychosis
Narito ang ilang palatandaan na maaaring dumadanas sa postpartum psychosis:
- Confusion at cognitive impairment
- Coming in and out of consciousness
- Extremely disorganized behavior
- Hallucinations o delusions
Ayon sa mga pag-aaral, nararanasan ito ng isa sa limang bagong nanay. Mas seryoso ito kaysa sa baby blues ngunit maituturing pa ring highly treatable condition. Kilala rin ito bilang puerperal psychosis o postnatal psychosis.
Sobrang magalit
Ang galit o tinatawag ding mom rage ay sintomas ng ganitong mga kondisyon. (Basahin dito ang mga senyales kung ganito rin ang pinagdaraanan mo.)
Matapos suriin ang mga materyales ng kanilang pag-aaral na tumagal ng 25 taon, ang mga researcher mula sa University of British Columbia ang nagsasabing dapat itong isama sa PPD screening checklist para sa bagong mga nanay para sa kanilang routine six-week postpartum appointment.
"Being both angry and depressed worsens the intensity and length of depression," paliwanag ni Christine H. Ou, co-author ng nasabing pag-aaral, nurse, at Ph.D. candidate sa University of British Columbia.
CONTINUE READING BELOWwatch now"That can have many negative effects on the mother, child, and family, and on the relationship between parents."
Isa naman sa significant risk factors para sa psychosis ang personal o family history ng bipolar disorder, o nakalipas o naunang psychotic episode, ayon pa sa mga eksperto.
(Sa naunang artikulo ng Smart Parenting, tinalakay ang tungkol sa Perinatal Mood and Anxiety Disorders, o PMADs, kung saan nakapaloob ang psychosis.)
Sa mga babaeng nagkakaroon ng postpartum psychosis, mayroong 5% suicide rate at 4% infanticide rate kaugnay ng nasabing karamdaman. Dahil na rin ito sa nararanasang break mula sa realidad ng babaeng dumaranas ng psychosis.
Sa kanyang psychotic state, ang delusions at pinaniniwalaan niya ay may sense para sa kanya at mukhang totoong-totoo ang mga ito. Dapat lamang na mabigyan ng agaran at propesyonal na tulong ang dumaranas nito.
Iba pang mga sintomas
May iba pang mga sintomas ng postpartum psychosis. Ilan sa mga ito ang sumusunod:
- Delusions o strange beliefs
- Hallucinations (may nakikita o naririnig na wala naman talaga roon)
- Labis na pagkairita
- Hyperactivity
- Hindi makatulog o hindi nakararamdam ng antok
- Paranoia at suspiciousness
- Rapid mood swings
- Hirap sa pakikipag-usap o communicate
Medication habang breastfeeding
Kung ikaw ay nagpapakita ng mga sintomas, kailangang komunsulta sa pyschiatrist nang mabigyan ng tamang diagnosis at treatment. Maaaring reresetahan ka ng antipsychotic medication at mood stabiliser para sa postpartum psychosis.
Puwede magpasuso habang umiinom pa ng gamot, ayon sa mga eksperto. Pero baka dahil sa iyong treatment ay hindi mo mapasususo ang iyong baby. May mga pagkakataon kasing maging masama ang iyong pakiramdam o di kaya m-confine ka sa ospital.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWPosible ring ma-guilty ka dahil hindi ka makapagpasuso. Paalala ng mga eksperto na hindi mo ito kasalanan. Tulad ng hindi mo rin kasalanan ang pagkakaroon ng psychosis.
Mayroong dokumentaryo tungkol sa postpartum disorders. Mahalaga ang ganitong mga proyekto upang mas maunawaan ang iba’t ibang kondisyon na pinagdaraanan ng mga babae, partikular ng mga nanay. Isa rin sa pinakabagong updates ang pagkakaroon ng unang gamot para sa postpartum psychosis.
Tulong at suporta
Malaking tulong sa paggaling mula sa postpartum psychosis ang emotional support ng mga kapamilya, kaibigan, at iba pang nakapaligid. Narito ang ilang mga paraan:
Iparamdam na hindi siya failure at kaya niya maging nanay
Iparamdam sa kanya na wala siyang dapat alalahanin at tama ang kanyang mga ginagawa. Kailangan niya ng assurance na kaya niyang maging nanay, kahit unang beses niya pa lang itong gagawin.
Iparamdam na nauunawaan mo siya at hindi siya nag-iisa
Mahalaga ang matibay na support system sa mga nanay. Ayon sa mga eksperto, malaking tulong ang suporta mula sa mga kaibigan at kapamilya sa unang mga buwan matapos manganak.
Igalang ang kanyang mga pasya o gustong gawin
Igalang ang choices ng isang nanay. Tandaang magkakaiba ang mga nanay at kahit pa maganda man ang iyong intensyon, mas mainam kung magsisilbing gabay lamang at hindi aasahang ikaw ang masusunod o kanyang pakikinggan.
Tandaan na ang postpartum psychosis o mania pagkatapos manganak ay psychiatric emergency na may risk ng suicide at infanticide. Kung ikaw o ang kakilala mo ay mayroong nararanasang mga sintomas nito, agad na humingi ng tulong sa doktor.
Basahin dito ang mga kuwento ng mga nanay na kasama sa Smart Parenting Village, ang online parenting community ng Smart Parenting, at dito para sa comics tungkol sa postpartum depression.
What other parents are reading

- Shares
- Comments