;
embed embed2
Atake Sa Puso (Heart Attack)
ILLUSTRATOR Stephanie Ocampo
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Kailangan ng puso ng tuloy-tuloy na supply ng oxygen-rich blood para maka-function ito nang maayos. Kapag nagkulang ang oxygen sa puso dahil nabawasan o hindi makarating ang supply ng dugo, makakaranas ang isang tao ng tinatawag na heart attack.

    Ang atake sa puso o heart attack at tinatawag ding myocardial infarction (MI). Sa kondisyong ito, nagiging barado ang mga ugat na papunta sa puso (coronary arteries). Kadalasan, ang blockage na ito ay dahil sa pamumuo ng sobrang fat at cholesterol. Dahil dito, naapektuhan ang magandang blood flow papunta sa puso.

    Habang tumatagal na hindi nakakakuha ng oxygen-rich blood ang puso, tumataas din ang posibilidad na ma-damage nang husto ang mga heart muscle. Pwede itong magdulot ng mga pangmatagalang health issue at sa mga worst-case scenario, posibleng mamatay ang pasyente.

    Sa kabutihang palad, dahil sa modern medicine, mataas naman ang survival rate ng isang taong na-heart attack basta’t makatanggap siya ng medical attention. Tumawag kaagad ng tulong para madala sa ospital ang pasyente at mabigyan siya ng tamang treatment.

    Iba't-ibang characteristics at sintomas ng atake sa puso

    Para mabawasan ang damage sa puso at maiwasan din ang long-term effects, kailangan ng mabilis na aksyon kapag inaatake sa puso. Kung mabibigyan agad ng treatment ang pasyente, mas maganda ang magiging resulta.

    Kaya naman dapat ay maging aware ang lahat sa mga sintomas ng heart attack para makatawag agad ng tulong o makapagbigay ng first aid habang naghihintay ng pagdating ng emergency personnel. Kasama sa mga karaniwang senyales ng atake sa puso:

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    • pananakit ng dibdib o kaya naman ay parang pinipisil o pinipiga ang puso
    • madalas ding kumakalat ang pananakit papunta sa leeg, panga, likod, at mga braso ang pananakit na ito
    • nakakaranas din ng pananakit ng tiyan, indigestion, at heartburn
    • pwede ring kapusin ng hininga, pawisan ng malamig, at mahilo ang pasyente


    Tandaan na iba-iba sintomas ng heart attack ang pwedeng maranasan at hindi lahat ng sintomas ay nagma-manifest sa isang pasyente. Sa katunayan, merong mga taong nalalaman na lang na inatake pala sila sa puso pagkatapos nilang ma-ospital. Ganun din, kung inatake na sa puso noon ang isang pasyente, may posibilidad na hindi parehong sintomas ang maramdaman kung sakaling ma-heart attack siya ulit.

    Meron ding mga kaso ng atake sa puso na biglaan, at meron din namang unti-unting nangyayari. Kadalasan, para sa mga kasong ito, nakakaramdam ang pasyente ng paulit-ulit na pananakit ng dibdib na nawawala kapag nagpapahinga.

    Mga pwedeng gamot sa atake sa puso

    Maraming pwedeng gawing treatment para sa atake sa puso, depende kung STEMI o NSTEMI ang naranasan ng pasyente. Ang STEMI o ST segment elevation myocardial infarction ay ang pinakaseryosong uri ng heart attack, kung saan nagkakaroon ng complete blockage ang mga ugat papunta sa puso. Ang NSTEMI naman ay non-STEMI heart attack, kung saan may partial blockage ang mga coronary artery.

    Kino-consider din ng mga doktor kung gaano na katagal nararanasan ang mga sintomas bago sila magrekomenda ng treatment. Meron kasing mga proseso o gamot na mas effective sa iba-ibang sitwasyon.

    Kasama sa mga pangkaraniwang gamot para sa heart attack ang mga sumusunod:

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Aspirin

    Ang aspirin ay isang klase ng gamot na pumipigil sa pamumuo ng mga blood clot. Dahil dito, makakadaloy pa rin ang dugo sa mga artery kahit na merong pagbabara. Kung hindi kaagad madadala ang pasyente sa ospital, makakatulong na uminom ng aspirin habang naghihintay ng tulong.

    Blood thinners

    May mga gamot katulad ng heparin at warfarin na nagpapanipis ng dugo para hindi to madaling mag-clot. Ibinibigay ang mga ganitong gamot sa isang taong inaatake sa puso sa pamamagitan IV o kaya ay injection.

    Nitroglycerin

    Ginagamit ang gamot na ito para mabawasan ang chest pain (angina) na nararamdaman ng pasyente. Nakakatulong din ang nitroglycerin para mapaganda ang blood flow dahil nagpapalapad ito ng mga ugat.

    Thrombolytics

    Ang mga thrombolytics ay may kakayahang mag-dissolve o tumunaw sa mga blood clot na bumabara sa mga ugat. Mas maganda kung mas maagang mabibigyan ng thrombolytics ang pasyente para tumaas ang chance of survival at maiwasan din ang matinding damage sa puso.

    Coronary angioplasty

    Ang coronary angioplasty ay isang non-invasive emergency procedure para sa STEMI. Sa PCI, may inilulusot na manipis na tubo o catheter sa isang blood vessel papunta sa baradong coronary artery. Kadalasan, pumipili ng malaking ugat sa braso o singit para paglusutan ng catheter.

    Sa dulo ng catheter ay merong maliit na lobo na mag-i-inflate para maitulak papunta sa gilid ng artery ang blockage at magkaroon ng daanan ang dugo. Kapag naglagay ng isang stent sa loob ng artery para mapigilan ang pamumuo ng bara pagkatapos ng angioplasty, tinatawag itong percutaneous coronary intervention o PCI.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Bypass surgery

    Para sa mga malalang kaso ng heart attack, inirerekomenda ng mga doktor ang coronary artery bypass surgery. Minsan, ginagawa ang operasyon sa oras na madala ang pasyente sa ospital.

    Pero meron din namang pagkakataon na binibigyan muna ng ibang treatment ang pasyente at naghihintay muna ng ilang araw pagkatapos ng heart attack bago gawin ang bypass surgery. Ito ay para makapagpahinga ang puso at maging mas effective ang operasyon.

    Sa bypass surgery, pinagdudugtong ang mga ugat na walang blockage para ma-bypass o malagpasan ang mga baradong ugat at makadaloy ang dugo papunta sa puso.

    Pagkatapos ng primary treatments para sa heart attack, magrereseta ang doktor ng mga maintenance medicine para mapababa ang risk na maulit ulit ang atake sa puso. Kasama sa mga gamot na ito ang mga sumusunod:

    • ACE inhibitors, para mapababa ang presyon at mapabagal ang paghina ng heart muscles.
    • Anticoagulants o blood thinners, para maiwasan ang mga blood clot.
    • Beta blockers, para mabawasan ang chest pain at mapigilan din ang arrhythmia o heart rhythm problems.
    • Statins katulad ng atorvastatin at simvastatin, para mapababa ang cholesterol levels.

    Importante rin ang cardiac rehabilitation, lalo na kung sumailalim ka sa angioplasty o bypass surgery. Kasabay ng mga gamot at lifestyle changes, kasama rin sa cardiac rehabilitation programs ang pagtuturo kung paano i-handle ang emotional stress at pati na rin ang tamang approach sa pagbabalik sa mga usual na gawain.

    Mga sanhi at risk factor ng atake sa puso

    Ang number one cause ng atake sa puso ay coronary heart disease o CHD. Ito ay isang kondisyon kung saan ang mga ugat na nagdadala ng dugo papunta sa puso ay nababarahan ng fats at cholesterol. Ang buildup na ito ay tinatawag na plaque. Kapag pumutok o nag-rupture ang mga plaque na ito, namumuo ang dugo (blood clot) kung kaya naman naba-block ang supply ng dugo sa puso.

    Minsan din ay nagkakaroon ng spasm (pulikat) sa coronary artery, na nauuwi sa pagkaputol ng blood flow papunta sa puso. Nakaka-trigger ng spasm na ito ang paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot katulad ng cocaine at ganun din ang paninigarilyo. Napag-alaman din na nagdudulot ng heart damage ang COVID-19 ng pwedeng mauwi sa heart attack.

    Samantala, may mga bagay na nakakapagpataas ng risk na atakihin sa puso ang isang tao. Kasama na rito ang mga sumusunod:

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Edad

    Ang mga lalaking edad 45 pataas at mga babaeng edad 55 pataas ay mas mataas ang risk na ma-heart attack. Pero hindi nito ibig sabihin na hindi inaatake sa puso ang mga mas nakababata. Sa katunayan, patuloy na dumadami ang mga inaatake sa puso sa nasa 20s o 30s pa lang dahil sa mga unhealthy habits.

    Altapresyon at iba pang related conditions

    Kung meron kang high-blood pressure, pwedeng ma-damage ang mga coronary artery at maapektuhan ang daloy ng dugo sa puso. Nakaka-contribute din sa risk ng heart attack ang pagiging obese at pagkakaroon ng mataas na level ng cholesterol at triglyceride sa dugo.

    Diabetes

    Nakakaapekto rin sa mga ugat at blood flow ang diabetes, kung kaya naman tumataas din ang risk na atakihin sa puso ang mga diabetic.

    Paninigarilyo

    Hindi lang mismong ang taong naninigarilyo ang mataas ang risk, kundi pati na rin ang mga taong may matagal na exposure sa secondhand smoke.

    Family history

    Kapag “nasa lahi” na ang atake sa puso, mataas ang posibilidad na high risk ka sa pagkakaroon ng heart problems at heart attack.

    Pagkakaroon ng Autoimmune Disease

    Merong mga autoimmune disorder katulad ng lupus na nagpapataas ng risk na atakihin sa puso ang isang tao.

    Unhealthy lifestyle habits

    Ang paninigarilyo, pag-inom ng sobrang alak, paggamit ng illegal drugs, hindi pag-eehersisyo, at maging ang sobrang stress ay pwedeng makadagdag sa posibilidad na atakihin sa puso ang isang tao.

    Paano iwasan ang atake sa puso

    Kung nagpapataas ng risk ng heart attack ang unhealthy lifestyle habits, nakakatulong naman makaiwas sa heart attack ang healthy lifestyle habits. Kasama sa mga ito ang pagkain ng masustansyang pagkain, pagdadagdag ng fiber sa iyong diet, regular exercise, at pag-iwas sa mga bisyo katulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.

    Makakatulong din kung matuto ng mga positive coping methods para sa stress, katulad ng pagme-meditate. Humanap din ng oras na gawin ang iyong mga hobby para makapag-relax. Siguraduhin din na makakuha ng sapat na tulog para makapagpahinga ang katawan at maka-recover sa pagod.

    Kung inatake ka na sa puso noon, sundin mabuti ang iyong medication regimen para mabawasan ang iyong risk. Ganun din, kung meron kang sakit na nagpapataas ng risk ng heart attack, sundin ang tamang dosage at schedule ng pag-inom ng iyong mga gamot para makuha ang buong epekto nito.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Mga komplikasyon ng atake sa puso

    Madalas na related din sa puso ang mga komplikasyon ng heart attack. Nangunguna sa mga ito ang mga sumusunod:

    Arrhythmias

    Ang arrhythmia ay isang medical term na ginagamit para sa abnormal heart rhythm. Tachycardia   ang tawag kapag sobrang bilis ng tibok ng puso at bradycardia naman kapag sobrang bagal.

    Merong mga uri ng arrhythmia na hindi naman life-threatening, pero meron ding kondisyon na pwedeng mauwi sa pagkamatay ng pasyente kung hindi maagapan.

    Heart failure

    Nangyayari ang heart failure kapag hindi kinakaya ng puso na magbomba ng sapat na dami ng dugo para maka-circulate sa buong katawan. Sa kaso ng heart attack, pwede itong magdulot ng damage sa mga heart muscle kaya posibleng hindi na rin kayanin ng puso na mag-pump ng tamang dami ng dugo.

    Cardiac arrest

    Ang pinakamalalang komplikasyon ng atake sa puso ay ang cardiac arrest o ang pagtigil ng pag-function ng puso. Madalas na dulot ito ng arrhythmia at kung hindi maagapan ay pwedeng mauwi sa pagkamatay.

    Sources:

    Mayo ClinicCenters for Disease Control and PreventionAmerican Heart Association, NIH, NHSHeart Foundation

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles