Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Ang panahon pagkatapos ng panganganak ay karaniwang mahirap para sa isang nanay. Nariyang kailangang mag-breastfeed siya, at mag-alaga sa kanyang baby. Dahil dito, samutsamot ang emosyong nararamdaman ng nanay at may mga pagkakataong nauuwi sa matinding galit na hindi niya makontrol at bigla-bigla na lang nararamdaman.
Madalas, hindi maipaliwanag ang mga damdamin. Kahit maliliit na mga bagay ay nagiging trigger sa galit. Paliwanag ni Carolyn Wagner, isang American therapist, ang galit ay matindi na para bang sasabog ka. Sa panayam sa Mother.ly inilarawan niya ito bilang “anger so intense it shouldn’t even be called just ‘anger.’ The kind that sneaks up on you and before you know it, you are exploding.” Ito ang tinatawag na postpartum rage, nakatatakot na sintomas ng postpartum depression (PPD). Nararanasan din ito ng mga lalaki kaya ating alamin kung ano-ano nga ba ang senyales at mga dapat malaman tungkol sa postpartum rage in men.
Ano ang ibig sabihin ng postpartum rage in men?
Sa isang pag-aaral na nalimbag sa journal na Hormones and Behavior, ang mga tatay na dumaranas ng Postpartum Depression ay ang mga bumababa ang testosterone levels sa unang siyam na buwan matapos manganak ang kanilang asawa. Mas mababa ang testosterone levls, mas depressed ang kanilang pakiramdam. Hindi pa rin tukoy kung anong eksaktong sanhi ng pagbaba ng nasabing testosterone. Isa lamang ang mga ito sa posibleng sanhi ng PPND.
Ang postpartum rage ay sintomas ng perinatal depression at anxiety para sa mga babae at lalaki. Para sa mga eksperto, ang galit ay patungo na sa tinatawag na rage response. Karaniwang excess of emotion ito at maaaring paraan para iwasang makaramdam ng kalungkutan at pagkabalisa.
Sa mga nakararanas ng postpartum rage, karaniwang ang emosyon lamang ang kanilang naaalala ngunit hindi na ang mga bagay na kanilang nasabi.
Hindi rin ganun kadaling makahingi ng professional support para sa anger management issues. Paliwanag ng Cleveland Clinic, ang postpartum rage o postpartum anger ay mood disruption na nagdudulot ng matinding galit, agression, at agitation sa loob ng mga buwan matapos manganak ng isang nanay. Tandaang panandalian din lamang ang mood changes na ito, ngunit maaaring mapalala ng kakulangan sa pagtulog.
Kung hindi magagawang tingnan ng lipunan ang galit bilang reasonableng tugon, mananatiling hamon ang pag-aming overwhelmed ang isang tao sa bago niyang mga karanasan- isa nga rito ang pagiging nanay o tatay.
Karaniwang naibabahagi lang kasi ang mga inaalala at mga dahilan ng lungkot kaysa sa galit. Tandaang kailangang may espasyo para sa mga damdaming galit, resentment, inggit, at iba pang hindi gaanong acceptable na emosyon. Ayon sa mga eksperto, kapag idaragdag ang kakulangan sa tulog, hormonal changes, at iba pang nagdudulot ng stress, talagang makararanas ng postpartum rage ang isang magulang.
Ano-ano ba ang mga senyales ng postpartum rage in men?
- Pagiging iritable
- Hindi makontrol na damdamin
- Paninigaw at walang ingat na pananalita
- Pagtapon o paghagis ng mga bagay sa ibang tao
- Paninipa, panununtok, at pagbasag sa mga bagay sa paligid
- Intrusive thoughts tungkol sa karahasan o violence
- Pakiramdam ng shame at kalituhan matapos ang episodes
- Pag-iisip tungkol sa nangyaring hindi na mababago
Ano ang dapat gawin kung nakararanas ng postpartum rage in men?
- Alamin ang iyong triggers. Nakararamdam ka ba ng matinding pagod kapag inaalagaan ang iyong baby? May pakiramdam ba ng pisikal at emosyonal na bigat?
- Ano-ano ang maaaring makatulong para malampasan ito?
- Tanggaping challenging ang panahong ito ng buhay may-asawa at pagsisimula ng pamilya.
- Bigyan ng oras ang sarili kahit sa simpleng mga paraan. Halimbawa, maglaan ng oras para sa ehersisyo o kaya habaan nang kaunti ang oras sa shower.
- Tandaang mahalaga ang self-compassion. Makatutulong itong labanan ang mga damdaming hindi nakabubuti sa iyo, katulad ng shame, guilt, at frustration.
- Ibahin o i-adjust ang environment. Makatutulong ang pakikinig sa musika o kahit pa pagbubukas ng bintana.
- Yakapin ang sarili. Nakatutulong ito na ma-recalibrate ang nervous system. Makatutulong din kahit ang paglalagay ng kamay sa dibdib at pahinga nang dahan-dahan at malalim.
- Subukan ang Marsha Linehan exercise, ‘Willing hands’ na makikita dito.
- Sikaping mabuhay sa present moment o sa kasalukuyang sandali. Huminga nang malalim.
- Kausapin ang asawa o partner kung paano ninyo sabay na mapangingibabawan ang kondisyong ito.
Kapag overwhelmed ka o may kaugnayan na sa seguridad ang iyong mga alalahanin, agad nang kumausap ng doktor o psychiatrist.
Kailan dapat komunsulta sa doktor?
Magpatingin na agad sa iyong healthcare provider kung hindi mo na makontrol ang galit mo. Hindi ito dapat ikahiya dahil natural na nangyayari ito at kailangang humingi ng professional na assitance at treatment.
Mahalagang may nakakausap na doktor tungkol sa mga sintomas at mga nararamdaman upang matukoy nila ang pinakamainam na solusyon para sa iyo.
Bahagi ba ng postpartum depression ang rage?
Magkaiba ang postpartum rage at ang postpartum depression. Kapag rage, may outbursts ng galit na hindi makontrol.
Maaari ding may sintomas ng postpartum depression tulad ng lungkot, guilt, o pangungulila, na may kasamang matinding galit. Mahalagang maunawaan na maaaring makaramdam ng rage kahit hindi ka depressed. At ang postpartum depression naman at hindi nangangahulugang magkakaroon ka ng rage.
Hindi pa nauunawaan nang lubos ang postpartum rage, ngunit para sa mga eksperto posibleng parehong rage at depression ang maranasan ng mga magulang na postpartum. Karaniwan dito ang nasa anim na buwan pa lamang mula nang magkaroon ng baby ang pamilya. Maaari ding karaniwan sa mga nagkakaroon nito ang may mental health conditions tulad ng bipolar disorder.
Paano nada-diagnose ang postpatrum rage in men?
Hindi rin maipaliwanag pa nang lubos ng mga eksperto ang postpartum rage. Hindi rin ito itinuturing na opisyal na diagnosis ngunit kinikilala ng healthcare providers na mayroong ganito. Hindi ito opisyal na diagnosis ayon sa latest text revision ng Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders, Fifth Edition (kilala rin bilang DSM-5-TR®).
Ilan pang factors na nakapagdudulot ng postpartum rage in men ang sumusunod:
- History ng mental illness o depression.
- Kakulangan ng suporta o tulong sa tahanan.
- Pagkakaroon ng anak na mayroong disability o health condition.
- Hirap ng panganganak (labor at delivery) ng ina
- Hirap sa pangangalaga sa baby
- Mahirap patulugin ang baby kaya napupuyat ang magulang
Maaari ding may pinagdaraanan ang mag-asawa tulad ng divorce, pagkamatay ng mahal sa buhay, o kawalan ng trabaho.
Paano ginagamot ang postpartum rage?
Ilan sa treatment options ang sumusunod:
- Medication: SSRIs (selective serotonin reuptake inhibitors) o SNRIs (serotonin at norepinephrine reuptake inhibitors)
- Psychotherapy: Pakikipag-usap sa therapist para matukoy kung paano ka makararamdam ng ginhawa at kung ano ang totoo mong nararamdaman
- Support groups: Online o in-person support groups kasama ang ibang mga magulang
- Lifestyle changes. Malaking tulong din ang pag-hire ng babysitter (ngunit kailangang maging maingat) at pagpapanatili ng healthy lifestyle sa kabila ng pagod at puyat
Gaano katagal ba bago mawala ang postpartum rage?
Karaniwan ding tumatagal sa loob nang ilang buwan ang pagkakaroon ng ganitong medical condition. Walang established timeline ukol sa symptoms ng postpartum rage. Depende rin ito sa kung gaano kalala ang kondisyon ng isang tao at kung paano siya tumutugon sa treatment na natatanggap mula sa doktor.
Tandaan lamang na ang postpartum mental health conditions ay temporary lamang. Kung mayroong wasto at angkol na support, treatment, at panahon, magiging mas maginhawa at maayos din ang sitwasyon ng taong mayroon nito.