Ang kwentong ito ay hango sa isang tunay na #SPConfessions na ipinadala sa amin sa Smart Parenting Village. Ang ilang mga detalye ay bahagya naming binago upang bigyang proteksyon ang nagpadala nito.
Ang pagiging ina ay isang hadlang nga ba para hindi na magawa ng isang babae ang kanyang mga nakaugaliang gawain noong siya ay dalaga ba?
Ito ang tanong ng isang ina at miyembro sa Smart Parenting Village. Sa isang post, siya ay nagbahagi ng kanyang saloobin at hinanakit sa tila pagiging limitad ng kanyang kalayaan dahil sa pagtutol ng kanyang mister na sumama siya sa isang maikling bakasyon kasama ng kanyang mga kaibigan. Ayon sa kanyang post:
“I got offended when my partner did not allow me to go on a trip with my friends.
“Just wanted to know your opinion if my feelings are valid. Na-offend and na-hurt ako nung nagsabi ako sa partner ko if pwede ba ako sumama sa friends ko on a 2 days, 1 night trip. Three girls kami, these are my high school best friends.
“Malayo pa yung trip, nagpaalam lang talaga ako in advance. Pero ang sabi niya lang sa akin ay, ‘Hindi ka dalaga.’ May anak kami na 2 year old, super bait at hindi naman mahirap alagaan. Yun lang ang hinihiling ko kanya. Simula nung nabuntis ako hanggang sa 2 years old na ang baby ko, never ako naka-punta kung saan with my friends. Tinatanong ko siya kung bakit ayaw niya ako payagan, sabi niya lang ay huwag ko daw muna siya kausapin.
“I don’t know if valid ba na ma-offend ako. Alam ko naman na hindi na ako dalaga. NANAY na ako, pero wala bang karapatan lumabas o mag-enjoy ang nanay kahit pa-minsan-minsan?
“I have my own money. May work ako at hindi humihingi sa kanya.
“I just don’t know how to feel about it.”
Deserve din ng mommy mag-enjoy with friends
Agad namang nakatanggap ang post ni mommy ng mga kumento at reaksyon na sumusuporta sa kanyang nararamdaman mula sa komunidad. Maraming miyembro ang nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaroon ng balanse sa buhay ng isang ina, kasama na ang pagpapanatili ng koneksyon sa mga kaibigan at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng oras sa sarili.
Pahayag ng isang komento, “Yes, valid naman yung feeling niyo na ma-offend kay hubby. Hindi naman kasi porque may anak and mommy na tayo, hindi na tayo pwedeng gumala with our friends. Try mo ipa-intindi kay hubby na need mo din mag-unwind. Iba kasi yung happiness with friends and happiness na meron ka with your family. And I think we need both.”
Nagbahagi naman ang isang ina kung paano nila sinusuportahan ang isa’t isa bilang mag-asawa, “Valid po nararamdaman mo. Kami ni husband, first time parents and kahit toddler palang ang anak namin, we allow each other to go on breaks, hang out with friends kahit overnight pa. We need it for our mental health. Nakaka-suffocate and stress din lalo na we are both working. Kausapin mo nalang ulit si partner at ipa-intindi sa kanya. Or ask ka ng someone to help him while you’re away.”
Nag-rekomenda naman ang isang ina ng kanyang mga ginagawa sa tuwing siya ay umaalis kasama ang mga kaibigan. Ani niya, “I have 2 kids and siya [husband] ang nag-aalaga. Kapag umaalis ako for ‘me time,’ I make sure na may food–lunch, dinner, snack; plus nagawa ko na lahat ng house chores. Masaya at okay sa asawa ko na nakaka-sama ko ang friends ko paminsan-minsan kasi nakaka-wala din ng stress for me. Kung hindi naman nakakapag-luto ang asawa mo, pwedeng magpa-deliver para wala na din silang aalalahanin.”
Magulang din ang tatay
May ilang ina din ang nag-tanong kung may mag-aalaga ba sa bata at ang iba naman ay nag-rekomenda na isama na lamang ng ina ang kanyang anak sa pag-alis.
Tanong ng isa: “If ever ba na pupunta ka sa trip mo with your friends, kasama mo ba ang 2 years old baby mo? Or iiwanan mo siya sa hubby mo na sila lang dalawa?
“Baka kasi iiwan mo sa hubby mo at worried siya na hindi niya maaalagaan mabuti ang anak niyo. Matagal din kasi ang 2 days kung iiwan mo sila lalo na kung nasanay si husband mo na mas ikaw ang hands on sa baby niyo.”
Sinagot naman ito ng iba at sinabing, magulang din ang mga ama at bilang isang magulang ay nararapat din na responsable ito sa pag-aalaga ng kanyang anak. Ayon sa isa, “No, it’s not matagal and the hubby is a parent too. So since kaya niya mag-anak, dapat kaya niya mag-alaga. Hindi inaasa sa nanay ang lahat ng pag-aalaga ng anak. Ang lalaki namimihasa lang if we allow it.”
Sumang-ayon naman dito ang isa at sinabing, “Agree, dalawa silang gumawa ng baby, dapat marunong din siya mag-alaga.”
Bakit mahalaga ang oras para sa sarili para sa mga magulang
Ang pagkakaroon ng oras para sa sarili, lalo na para sa mga nanay, ay mahalaga hindi lamang para sa personal na kaligayahan kundi pati na rin para sa mental at emosyonal na kalusugan. Ito ay nagbibigay-daan upang sila ay makapag pahinga, makapag-recharge, at makabalik na mas may sigla at pagmamahal sa kanilang pamilya. Bilang karagdagan, ang pagpapanatili ng koneksyon sa mga kaibigan ay nagbibigay ng suportang emosyonal, na mahalaga lalo na sa mga panahong may pinagdadaanan o nangangailangan ng payo.
Ang kwento ng inang ito ay isang paalala na ang pagiging magulang ay hindi dapat maging hadlang sa personal na kaligayahan at pag-unlad. Mahalaga ang pagkakaroon ng suporta mula sa kapareha at ang pagkilala na ang oras para sa sarili ay hindi lamang isang luho kundi isang pangangailangan. Sa huli, ang pagkakaroon ng balanse sa buhay ay nagdudulot ng positibong epekto hindi lamang sa ina kundi pati na rin sa buong pamilya.
Edited for spelling, punctuation, grammar, and formatting.
Mayroon ka bang sarili mong #SPConfessions na nais ibahagi sa amin? Ipadala lang kay Sara Palma sa Smart Parenting Village o hindi kaya ay i-email sa amin sa smartparentingsubmissions@gmail.com.
Basahin ito para sa dagdag kaalaman ukol sa importansya ng self-care para sa mga magulang.