Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Ang ating balakang ay isang ball-and-socket joint. Ang ball ay ang nasa itaas ng femur, na siyang itaas na bahagi ng thighbone. Ang socket ay tinatawag namang acetabulum, na bahagi naman ng pelvis bone. Mayroon itong bilugang hugis na nakapalibot sa femoral head.
Isa ang balakang (hips) sa kadalasang nababalian (fractures). Pataas nang pataas ang bilang ng mga tao, halimbawa sa United States, ang nagkakaroon ng bali sa balakang (hip fractures).
Ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC), taon-taon ay mahigit sa 300,000 katao na edad 65 pataas ang nao-ospital dahil sa hip fractures. Mahigit din sa 95% ng bali sa balakang ay resulta ng aksidente, lalo na ng pagkatumba nang patagilid.
Mas maraming mga babae ang dumaranas nito kaysa sa mga lalaki. Ilan sa mga dahilan ang sumusunod:
- Mas madalas na natutumba ang mga babae kaysa sa mga lalaki
- Mas madalas ding mayroong osteoporosis ang mga babae, isang sakit na nagpapahina sa mga buto at nagiging sanhi upang mabali ang mga ito
Noong 2017, naglabas ang CDC ng ulat na nagsasabing tinatayang nasa 19% ng adults edad 50 pataas sa U.S. ang prone sa bali sa balakang sa susunod na 10 taon. Walong porsiyento (8%) naman ang may elevated risk para sa fracture ng spine, forearm, hips, or humerus.
Sa ulat na ito makikita ang Fracture Risk Assessment Tool (FRAX) score distribution para sa U.S. adults na ang edad ay 40 pataas. Gamit dito ang datos sa Taong 2013-2014 mula sa National Health and Nutrition Examination Survey. Mas mataas din ng dalawa hanggang pitong beses ang posibilidad ng pagkakaroon ng hip fracture ng mga babae kaysa sa mga lalaki.
Ang hip fracture ay bali sa balakang, partikular sa upper portion ng femur o thighbone, ayon sa paliwanag ng American Academy of Orthopaedic Surgeons. Mas madalas na sa mga may edad na pasyente ito nangyayari dahil pumupurol o humihina na ang mga buto hatid ng osteoporosis.
Pag dating naman sa mga mas batang pasyente, karaniwang dahilan ng hip fracture ang mga aksidente kagaya ng pagkahulog mula sa matataas na lugar o di kaya aksidente sa sasakyan (vehicle collision).
Paano natutukoy ang hip fracture
Kabilang sa mga sintomas nito ang sumusunod:
- Pananakit ng balakang
- Hindi kayang magbuhat
- Hindi kayang igalaw o i-rotate ang binti
- Hirap tumayo
- May mga pasa o bruise at pamamaga sa balakang
- Ang injured na binti ay mukhang mas maikli kaysa sa isang binti
- Ang injured na binti ay palabas ang pag-ikot (turning outwards)
Physical examination ang unang isinasagawa ng doktor upang malaman kung bali sa balakang nga ang kondisyon.
Madalas na ambulansya ang naghahatid sa pasyenteng may ganitong injury sa emergency room (ER). Sa ospital, ang pagsusuri ay maaaring isagawa ng emergency room physician o ng orthopaedic surgeon.
Mahalagang sabihin sa doktor ang history ng injury at siguruhin ding walang ibang pinsala sa iba pang bahagi ng katawan. Susuriin din ng doktor ang sensation, movement, at circulation sa lower leg ng pasyente.
Matapos ang physical examination, mayroon ding ilan pang tests na makatutulong upang mabigyan ng wastong diagnosis ang pasyente. Kasama sa mga ito ang X-rays, ang Magnetic Resonance Imaging (MRI) scans, at Computerized Tomography (CT) scans.
Paano ginagamot ang bali sa balakang?
Maaaring maging labis na masakit ang bali sa balakang. Inirerekomenda sa ibang mga kaso ang pagpapa-opera o surgery. Kapag na-diagnose na ang bali sa balakang, kailangang maoperahan ang pasyente sa loob ng 48 oras mula mangyari ang aksidente.
Ang agarang treatment ay makapag-iiwas din na magkaroon ng bed sores, blood clots, at pneumonia ang pasyente. Kapag matanda na ang mga pasyente, mas matagal na rin ang kailangan nitong pagpapahinga sa kama o bed rest na maaaring mauwi sa disorientation.
Ang uri ng fracture na mayroon ang pasyente ay batay sa kung saan sa kanyang thigh bone (femur) ito matatagpuan. Narito ang ilang factors na isinasaalang-alang bago irekomenda ang operasyon o surgery:
- Ang iyong edad
- Ang kapasidad mong kumilos bago ka nagkabali sa balakang
- Ang mental ability mo sa pagsailalim sa post-surgery rehabilitation program
- Ang kondisyon ng iyong buto at kasukasuan (halimbawa, kung ikaw ba ay may arthritis)
May iba-ibang uri ng operasyon o surgery, ayon sa United Kingdom National Health Service, tulad ng sumusunod:
- Internal fixation
- Hemiarthroplasty
- Complete hip replacement
- Pre-operative assessment
Mahalaga rin ang pagsali sa rehab program kagaya ng physical therapy upang manumbalik ang lakas at mas mapabilis ang recovery ng pasyente.
Dapat gawin para maiwasan ang hip fractures
Narito ang mga rekomendasyon ng mga eksperto:
1. Kailangang maging matibay ang iyong mga buto. Komunsulta sa iyong doktor upang makapagbigay siya ng ebalwasyon tungkol sa mga dapat mong gawin.
2. Tanungin ang doktor tungkol sa risk o panganib ng pagtumba o pagkahulog. Maaari ding suriin ang mga gamot na iniinom mo kung mayroon ditong nagdudulot ng pagkahilo o antok. Kasama rito ang prescription medicines at over-the counter medicines.
3. Magtanong sa doktor tungkol sa vitamin D supplements.
4. Mag-ehersisyo at piliin ang exercises na makapagpapalakas sa iyong mga binti at makatutulong na mapabuti ang iyong pagbalanse. Isa sa mga ito ang tai chi. (Basahin dito ang exercise para sa sakit ng balakang.)
5. Magpa-check up upang masuri ang iyong mga mata. I-update rin ang eyeglasses o mga salamin kung kinakailangan.
6. Itapon o huwag nang gamitin ang mga bagay na magiging sanhi ng pagkadapa o pagkatisod mo.
7. Magdagdag ng grab bars sa loob at labas ng iyong bath tub o shower. Maglagay ng railing sa magkabilang gilid ng hagdan.
8. Siguraduhing ang inyong tahanan ay mayroong sapat na ilaw upang maiwasan ang pagkatumba o pagtisod sa mga kalat.
9. Sikaping makakuha ng sapat na vitamin D, calcium at iba pang nutrients na kailangan ng katawan.
Maaari ring makapagpataas ng insidente ng pagkatumba o pagkahulog ang ganitong mga karamdaman:
- Thyroid problems
- Intestinal disorders
- Dementia
- Parkinson's disease
- Stroke
- Peripheral neuropathy
Kasama pa sa risk factors ang pagkakaroon ng low blood sugar o low blood pressure.
Isa sa pinakadelikadong injuries ang bali sa balakang. Mahirap at matagal kasing maka-recover mula rito. Madalas, nahihirapan din ang pasyente na mamuhay nang nag-iisa pagkatapos ng ganitong klase ng injury.
Kung ikaw ay makararanas ng injury at posibleng bali sa balakang, paalala ng mga eksperto na iwasang mag-panic at agad na humingi ng tulong upang madala ka sa doktor.
Basahin dito ang pananakit ng balakang ng buntis.