-
Barado Ang Ilong Pero Walang Sipon? Ito Ang Maaaring Dahilan At Gamot
May ilang dahilan kung bakit may bara sa daluyan ng paghinga.by Jocelyn Valle . Published Jun 24, 2020
- Shares
- Comments

May hatid na hirap sa paghinga ang sipon dahil bumabara ito sa ilong na siyang daluyan ng hangin. Ngunit kung barado ang ilong kahit walang sipon, mainam na alamin ang dahilan upang mabigyan ito ng agarang solusyon.
Maraming tao ang nakakaranas ng ganyang kondisyon, ayon kay Dr. Waleed Abuzeid sa Health section ng U.S. News & World Report website. Dagdag pa niya na ang dalawang pangunahing rason para dito ay ang allergic rhinitis at chronic rhinosinusitis.
Nagkakaroon ng allergic rhinitis ang isang tao kapag nakakalanghap siya ng mga bagay na nagbibigay sa kanya ng allergic reaction. Kabilang sa mga pangkaraniwang allergens ang alikabok (dust), butil mula sa bulaklak (pollen), at balahibo ng hayop (animal dander). Pagkatapos, mamamaga ang kanyang ilong at sinus hanggang tuluyan nang maging barado.
Sintomas ng allergic rhinitis at chronic rhinosinusitis
Kasabay nito ang paglabas ng ilan pang sintomas, tulad ng sunod-sunod na pagbahing, pag-ubo, at pangangati ng ilong, tenga, at ngalangala. Kapag hindi daw nagamot kaagad ang allergic rhinitis, maaaring magdulot ito ng hirap sa pagtulog, pagkapagod, at pananamlay. Ang mga bata naman ay puwedeng mahirapan sa concentration, gaya ng pagsagot sa exam, at mawalan ng kumpiyansa sa sarili.
Sa kabilang banda, may mas malalim na dahilan kung bakit nagkakaroon ng chronic rhinosinusitis (CRS). Ito ay ang pamamaga ng paranasal sinuses, na dumadaloy sa lukab ng ilong (nasal cavity), sa loob ng tatlong buwan o mas matagal pa. Hindi pa daw lubusang nalalaman ang totoong sanhi ng CRS, pero malaki ang kinalaman ng reaksyon ng immune system sa microbes, gaya ng bacteria at fungi.
Bukod sa baradong ilong, makakaranas ang taong may CRS ng:
- pananakit sa mukha
- pagkakaroon ng plema
- pagkawala ng pang-amoy
- pag-ubo (kung bata pa)
- posible din madaling mapagod
- maaaring hindi makatulog
- maaaring may bad breath, dental pain, at throat irritation
Gamot kapag barado ang ilong
Ang magandang balita, sabi ni Dr. Abuzeid, may mga epektibong paraan para magamot ang parehong kondisyon basta magpatingin muna sa doktor para mabigyan ng karampatang gamot. Ang payo niya sa may allergic rhinitis, kilalanin ang mga allergens at iwasan ang mga ito. Maaaring uminom din ng allergy tablets at gumamit ng nasal spray. Makakatulong din daw ang “allergy shot” o immunotherapy para hindi na dumalas at lumalala pa ang pag-atake ng allergy. Siguraduhin lang na kumonsulta sa doktor.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWMagagamot naman daw ang chronic rhinosinusitis sa pamamagitan ng nasal saline rinses at nasal steroid sprays sabay ang resetang antibiotics at steroid tables. Kung nagpatuloy pa ang sakit, ang posibleng sunod na hakbang ay ang endoscopic sinus surgery o di kaya monoclonal antibodies.
Ang isa pang dahilan kung bakit barado ang ilong kahit walang sipon ay ang non-allergic rhinitis. Hindi tulad ng allergic rhinitis, walang partikular na allergen ang nagti-trigger nito. Ayon sa United Kingdom National Health Service (NHS), ilan sa posibleng dahilan ang biglaang pagbabago ng panahon o temperatura ng kapaligiran, pagsinghot ng usok, pagbabago sa hormones, at pag-inom ng gamot na may hormones.
Kabilang sa pagbabago sa hormones ang pagdadalaga at pagdadalang-tao, samantalang ang mga halimbawa ng gamot na may hormones ay iyong ginagamit para maiwasan ang pagbubuntis (contraceptive pills) at para sa nakakaranas ng menopause (hormone replacement therapy).
Hindi naman daw malala ang sakit na dulot ng non-allergic rhinitis, pero nakakairita ito para sa taong mayroon nito at maaari pang maapektuhan ang kanyang pamumuhay. Mainam daw na linisin ang ilong sa pagkabara nito gamit ang saline solution o nasal spray para bumuti ang pakiramdam.
CONTINUE READING BELOWwatch nowKapag nagpatuloy pa sa pagiging barado ang ilong kahit walang sipon, maaaring sanhi na ito ng nasal polyps. Ito ay mga maliliit na butil na tumutubo sa loob ng ilong at paligid nito (sinuses). Hindi pa daw natutukoy ang eksaktong sanhi ng nasal polyps, sabi ni Dr. Jean Kim sa Ask the Expert section ng John Hopkins Medicine website. Pero malakas daw ang koneksyon nito sa pagkakasakit sa chronic rhinosinusitis nang mahabang panahon.
Hindi naman daw cancerous ang nasal polyps at wala pang ebidensya na may namatay na mula dito. Pero malaking abala at sagabal ito sa normal drainage at ventilation ng sinuses. Ang silbi daw kasi ng mucus na nabubuo ng sinuses ay para matanggal ang irritants at contaminants sa nasal passages. Kaya kapag lumaki at dumami ang polyps, posibleng mapigilan ang daloy ng mucus at lumala pa ang kondisyon.
Para magamot ang nasal polyps at mawala nang tuluyan ang pagiging barado ng ilong kahit walang sipon, magpatingin sa doktor. Depende sa dami at laki ng nasal polyps, maaaring sabihan ng doktor na gumamit ng nasal o oral corticosteroid at maaari din na payuhan na sumailalim sa endoscopic surgery para matagal ang bara.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWWhat other parents are reading

- Shares
- Comments