diarrhea,hyperacidity,Tagalog,greener,con-00370,gamot sa sakit ng sikmura at pagtatae,Gamot Sa Sakit Ng Sikmura At Pagtatae | Smart Parenting,gamot sa sakit sa sikmura at pagtatae, diarrhea, hyperacidity, pagtatae, sakit sa sikmura,May mga paraan bilang gamot sa sakit ng sikmura at pagtatae na puwedeng gawin nang maagapan ang karamdaman.
HealthYour Health

Masakit Ang Sikmura At May Diarrhea? Mga Rekomendadong Paraan Bilang Gamot

Karaniwang konektado ito sa acid reflux o GERD.
PHOTO BYShutterstock

Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

Perwisyo ang dala ng kahit anong karamdaman, gaya ng mga sakit sa tiyan at digestive system. Bukod sa hindi ka makapag-concentrate sa kailangan mong gawin, magastos din magkasakit. Mayroong ilan sa atin na dekada nang iniinda ang pangangasim ng sikmura. At dahil inaakala nating hindi naman ito seryoso, madalas nating ipagpaliban ang pagpapatingin sa doktor.

Kagaya ng hyperacidity, isa pang karaniwang sakit na nakapagdudulot ng perwisyo ang pagtatae o diarrhea. Ano-ano nga ba ang agaran at epektibong mga lunas para sa mga sakit na ito? Isa-isahin natin ang mga sintomas at gamot sa sakit ng sikmura at pagtatae.

Ano ang hyperacidity?

Gastrin ang tawag sa hormone na nagri-release ng stomach acid. Sa tulong ng enzymes at hydrochloric acid sa ating tiyan, natutunaw ang ating kinakain. Sa ganitong paraan mas naa-absorb ng katawan ang mga sustansya habang pinapatay ang mga bacteria sa ating kinakain. Mayroon ding mucus na nagsisilbing proteksyon sa lining ng tiyan upang hindi ito masira ng acid.

Sa loob ng isang araw, karaniwang mayroong dalawa hanggang tatlong litro ng acids na napo-produce sa ating tiyan. Kapag masyadong mataas o mababa ang gastrin levels, palatandaan ito na mayroong problema sa ating digestion.

Ang pangangasim ng sikmura o hyperacidity ay nangyayari kapag higit pa rito ang acids sa ating bituka. Kadalasan itong nararamdaman kapag hindi tayo nakakakain sa tamang oras o di kaya’y may kinakain tayong nakapagti-trigger ng pananakit ng sikmura.

Kapag sumobra ang acids, maaaring makaranas ka ng mga sumusunod na sintomas:

  • Pagsusuka
  • Pangangasim sa lalamunan at tiyan
  • Pabalik-balik na pananakit ng sikmura
  • Pakiramdam na puno ng hangin ang tiyan
  • Pakiramdam na para bang iniipit o pinipiga ang tiyan
  • Pabalik-balik na paghapdi ng sikmura sa loob ng anim na buwan

Kung pakiramdam mo’y umaakyat ang acids sa iyong esophagus papuntang lalamunan at nakakaranas ka ng heartburn, posibleng acid reflux ito. Kapag madalas mangyari ang acid reflux, maaaring meron ka ng gastroesophageal reflux disease (GERD) at kailangan mo nang komunsulta sa doktor.

watch now

Kadalasang sanhi ng acid reflux ang:

  • Mabigat na timbang o pagiging overweight
  • Mga pagkaing maaanghang at maaasim
  • Lifestyle factors tulad ng mga bisyo na paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak

Nakapagbibigay ng panandaliang ginhawa mula sa mga sakit na ito ang pagkain ng mainit na lugaw at crackers dahil magaan ito sa tiyan.

Ano ang gamot sa sakit ng sikmura?

Ilan sa mga paraan upang magamot ang pananakit ng sikmura ang hindi pagpupuyat at pag-iwas o pagbawas sa kinakaing maaanghang, maaasim, fermented, at matatabang pagkain. Dagdag pa rito ang pag-iwas sa mga pagkaing nakaka-trigger ng acid reflux, tulad ng citrus fruits, mint, kamatis, bawang, sibuyas, at tsokolate.

Mayroon ding mga doktor na nagpapaalalang puwede pa rin namang kumain ng mga nabanggit basta’t in moderation. Isa pang tip mula sa mga eksperto ang dahan-dahang pagnguya habang kumakain upang mas matunaw nang maigi ang mga pagkain sa ating tiyan.

Paliwanag ng Mayo Clinic, maraming over-the-counter medications ang makatutulong upang maibsan ang acid reflux. Kasama rito ang sumusunod:

Antacids

Nakatutulong ito sa pag-neutralize sa stomach acid. Nakagiginhawa ito sa pakiramdam ngunit hindi nahihilom ang esophagus na posibleng napinsala ng acids.

H-2-receptor antagonists (H2RAs)

Nababawasan nito ang acids sa tiyan. Mas mabagal ang epekto nito kumpara sa antacids ngunit mas matagal ang ginhawang naibibigay.

Proton pump inhibitors

Mga halimbawa: lansoprazole (Prevacid 24HR) at omeprazole (Nexium 24HR, Prilosec OTC). Nababawasan din nito ang stomach acid.

Posibleng irekomenda rin sa iyo ng doktor ang sapat na pahinga, pagpahid ng ointment, at pag-inom ng mga gamot tulad ng Gaviscon, Kremil-S, at Maalox.

Mayroon ding tinatawag na  5-step Healthy Living Plan na ipinakilala ng ilang researchers sa JAMA Internal Medicine. Kasama rito ang mga sumusunod:

  • Pag-iwas sa paninigarilyo
  • Pagkain ng masustansya at alkaline na mga pagkain
  • Page-ehersisyo nang ayon sa sariling kakayahan at lakas
  • Paglimita sa iniinom na kape, softdrinks, tsaa, alak atbpng mabubulang inumin
  • Pagkontrol sa timbang

Ayon kay Dr. Andrew Chan, isang senior researcher sa Massachusetts General Hospital sa Boston, U.S.A., posibleng mabawasan ang pagdepende sa over-the-counter medications kung magiging mas maingat ang mga tao at susundin ang nabanggit na 5-step Healthy Living Plan.

Aniya, “It’s possible that observing an anti-reflux lifestyle could eliminate the need for medications in general or at least substantially reduce someone's dependence on them, such that they might only need to take them in a sparing way.”

Kaugnay nito, mababawasan din ang pagkakataong magkaroon ng iba pang long term na medical conditions ang mga tao.

Ang ibang home remedies para sa masakit na sikmura ay ang sumusunod:

  • Pag-inom ng maligamgam na tubig tuwing umaga
  • Pag-inom ng maligamgam na lemon juice na mayroong honey
  • Pagkain ng mainit na agahan tulad ng kanin at ulam, lugaw, at tinapay
  • Pagkain nang sapat o kaunti sa regular na mga oras
  • Maghapunan dalawa hanggang tatlong oras bago matulog

(Basahin dito ang mga dapat at hindi dapat kainin kung may GERD.)

Ano ang diarrhea o pagtatae?

Ayon sa ulat ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), tinatayang 2,195 na mga bata ang namamatay araw-araw dahil sa pagtatae o diarrhea. Mayroon itong dalawang uri:

Short-term (acute)--Tumatagal ito sa loob ng 1 o 2 araw. Posibleng dulot ito ng pagkain o tubig na may bakterya. Puwede ring may virus na dumapo kaya ka nagkasakit.

Long-term (chronic)--Tumatagal sa loob ng ilang linggo.

Maraming bagay ang nakapagdudulot ng pananakit ng sikmura at pagtatae. Narito ang listahan ng mga sanhi ng diarrhea:

  • Virus at/o bacterial infection
  • Reaksyon sa ilang mga gamot kagaya ng antibiotics
  • Food allergy (kagaya ng celiac disease, gluten allergy)
  • Nahihirapan sa pag-digest ng pagkain (food intolerance)
  • Intestinal disease, tulad ng Chron’s o celiac disease
  • Parasites na nakapapasok sa katawan sa pamamagitan ng pagkain o tubig
  • Problema sa tiyan o sa bituka (functional bowel disorder), tulad ng irritable bowel syndrome (IBS)
  • Resulta ng pagpapaopera sa tiyan o sa gall bladder
  • Metabolic conditions tulad ng thyroid problems
  • Pinsala mula sa radiation treatments o mga tumor na pinagmumulan ng napakaraming hormones
  • Traveler's diarrhea, na nangyayari kapag may bacteria o parasites ang kinakain at nagdudulot ng food poisoning

Kapag malala ang pagtatae, posibleng sintomas ito ng iba pang karamdaman. Kumunsulta agad sa doktor kung hindi lumilipas ang sakit.

Narito ang ilang mga sintomas:

  • Lagnat
  • Nausea
  • Belly (abdominal) cramps
  • Kumukulong sikmura
  • Swelling (bloating)
  • Dehydration
  • May dugo sa dumi
  • Loose at matubig ang dumi
  • Pananakit ng tiyan at sikmura
  • Leaking stool o hindi napipigilan ang pagdumi (incontinence)

Ang dehydration ay seryoso ring epekto ng pagtatae. Kasama sa mga sintomas nito ang sumusunod:

  • Pagkauhaw
  • Hindi pag-ihi nang madalas o tulad ng nakagawian
  • Pagkakaroon ng tuyong balat, bibig, at nostrils (mucous membranes)
  • Labis na pagkapagod
  • Pananakit ng ulo at pagkahilo
  • Mabilis na tibok ng puso
  • Sunken fontanelle (soft spot) sa ulo ng sanggol

Paano nada-diagnose ang pagtatae?

Kapag nagpatining ka sa doktor, dadaan ka sa ilang test para matukoy ang iyong sakit. Physical exam at pagkuha sa medical history ng pasyente ang isinasagawa upang matukoy kung mayroong diarrhea ang pasyente. May laboratory tests din upang masuri ang dugo at ihi.

Narito ang iba pang tests na maaaring hingin ng doktor:

Stool studies (culture atbp)

Sinusuri nito kung may abnormal bacteria sa digestive tract. Kailangang magpasa ng stool sample na ipapadala nila sa laboratoryo.

Sigmoidoscopy

Sinusuri dito ang loob ng large intestine. May maikli at flexible na lighted tube (sigmoidoscope) na pinapasok sa bituka at idinadaraan ito sa rectum. Pinapalaki ng tube na ito ang bituka habang pinupuno ito ng hangin upang mas madaling masuri ang nasa loob. Puwede ring mayroong biopsy.

Colonoscopy

Sinusuri nito ang kahabaan ng iyong large intestine. Makikita rito ang anomang abnormal growths, tissue na namumula o namamaga, sores (ulcers), o pagdurugo. A long, flexible, lighted tube (colonoscope) is put into your rectum up into the colon. Sa tulong ng tubong ito, nakikita rin ng doktor ang lining ng iyong colon at nakakukuha siya ng tissue sample (biopsy) upang masuri ito.

Imaging tests

Ginagamit upang makita kung may structural abnormalities o may problema sa kung paano nabuo ang iyong organs.

Fasting tests

Makikita sa mga test na ito kung hindi na-digest o natunaw nang mabuti ang ilang pagkain (food intolerance). Masasabi rin nito kung may mga pagkaing nagdudulot ng allergy (immune system reaction o food allergy).

Blood tests

Metabolic problems tulad ng thyroid disease, anemia (low blood count), evidence ng low vitamin levels na nagmumungkahi ng poor absorption, at celiac disease.

Kasama ang mga sumusunod sa kinakalap na impormasyon ng doktor:

  • Edad ng pasyente
  • Kabuuang estado ng kalusugan, at medical history
  • Kung gaano kaseryoso ang kondisyon moepekto ng ilang mga gamot, treatments, o therapies
  • Kung may posibilidad na lumala ang pananakit ng tiyan

Tandaang mahalaga na mapalitan ang fluids o tubig na nawawala dahil sa pagtatae. Malaking ginhawa rin ang maidudulot ng mga gamot na panlaban sa impeksyon (antibiotic) kung bacterial infection ang sanhi ng iyong pagtatae.

Para makaiwas sa diarrhea, mahalagang patuloy na sundin ang healthy protocols tulad ng paghuhugas ng kamay bago maghanda ng pagkain at pagkatapos gumamit ng banyo. Siguraduhin ding malinis ang mga pagkain at tubig na iniinom araw-araw. Maging maingat din sa mga pagkain at siguraduhing hindi marumi at panis ang mga ito.

Maaari ring makatulong ang halamang gamot, tulad ng dahon ng bayabas. Isa ito sa mga rekomendado ng Department of Health (DOH). Kailangan mo lang maglaga ng ilang piraso ng dahon ng bayabas at gawin itong tsaa na maiinom. May taglay ang bayabas na antiseptic, anti-inflammatory, antimicrobial, at iba pang curative properties na mabisa bilang gamot sa sakit sa sikmura at pagtatae.

Payo naman ng mga doktor na magpakonsulta agad kung may nararamdamang sintomas na pabalik-balik, lalo na kung hindi umeepekto ang lifestyle changes at over-the-counter medication. Mahalaga ring tandaan ang pagsunod sa 5-step healthy living plan.

Basahin dito kung si baby naman ang may diarrhea.

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close