Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
“Uy, magpapatali na ba ako?” Isa ito sa mga tanong ng mga mommy kapag dumarami na ang mga anak at nahihirapan na rin sa pagpapalaki sa mga anak. Pagpapatali ang madalas na tawag ng mga Pinoy sa proseso ng ligation.
Ang paraan kasi na ginagawa sa prosesong ito ay pinuputol o ginugupit ng doktor ang fallopian tubes, at saka pagtataliin. Sa ganitong paraan mapigilan ang pagpunta ng egg cells sa obaryo at tuluyan nang hindi mabuntis.
Marami ang natatakot na sumailalim sa ligation, pero, ayon sa World Health Organization (WHO), isa ito sa "very effective" na birth control o family planning method.
Inaalala ng ibang nagbabalak na magpatali ang mga epekto ng ligation, lalo na sa kanilang pagreregla. Pero wala naman itong nagiging epekto rin talaga. Maaaring ipagawa ito kung kailan naisin, o mas madalas isinasabay na ito pagkatapos ng panganganak, tulad ng ligation after normal delivery.
Paano isinasagawa ang ligation?
Ang kumpletong tawag sa prosesong medikal na ito ay Bilateral Tubal Ligation (BTL). Isa itong permanenteng kontrasepsyon dahil isinasara ang fallopian tubes na dinadaanan ng egg cells para ma-fertilize ng sperm cell. Maaaring gawin ito sa anumang panahon o mas mainam pagkaraan ng panganganak.
Binibigyan ng general anesthesia o spinal block ang dumaraan sa pangkaraniwang tubal ligation. Gumagawa ng maliit na hiwa sa tiyan at ipinapasok ang maliit na camera na nasa dulo ng tube na tinatawag na laproscope saka isinagawa ang pagputol at pagtatali ng fallopian tubes.
Paano ang pagpapagaling mula sa ligation?
Pagkatapos ng ligation, maaaring umuwi na agad sa bahay pagkaraan ng surgery bilang outpatient. Pero kailangan pa rin ng pangangalaga sa sarili lalo na sa magiging epekto o side-effect ng anesthesia sa katawan. Mahalagang bigyan din ng sapat na panahon ang katawan na gumaling lalo na ang sugat sa loob.
Maaaring makaramdam ng kirot o sakit sa bahagi na may sugat kaya nagbibigay ang doktorng painkiller doktor na makatutulong maibsan ang sakit at hapdi. May ibang mga babaeng nakararanasan din ng mga ganitong sintomas:
- Pagsakit ng puson
- Pagkahilo
- Pagsakit ng ulo
- Pagkapagod
- Pagka-bloated
- Pagkakaroon ng kabag o hangin sa tiyan
- Pananakit ng balikat
Kung nakararanas ng ibang sintomas, ipagbigay alam sa doktor ito agad, tulad ng nga sumusunod:
- Pagkakaroon ng mataas na lagnat
- Matinding kirot sa sugat na hindi nawawala
- Matinding pagdurugo
- Pagkakaroon ng discharge mula sa sugat
Habang nagpapagaling din ng sugat mula sa pagpapatali, ipinapayo rin ng mga doktor ang hindi muna pakikipagtalik sa asawa nang dalawa hanggang tatlong linggo pagkatapos ng surgery para matiyak na lubos na paggaling.
Mga benepisyo ng ligation
Pangkaraniwan at mababa ang tsansa ng anumang panganib sa tubal ligation. Masasabing ligtas ang uri na ito ng surgery. Tinataya ring nasa 95 hanggang 99% ang pagiging epektibo nito bilang birth control.
Iba pang benepisyo ng ligation:
- Nagpapababa ng tsansa ng pagkakaroon ng ovarian cancer
- Mas posibileng maging aktibo sa pakikipagtalik sa asawa dahil wala na ang tsansa ng pagbubuntis
Bagaman isa sa inaalala ng mga babae ang magiging epekto ng ligation o pagpapatali sa kanila, walang dapat ikabahala. Ang mga naitalang kaso ng masamang epekto ng ligation ay bibihira lamang o kaugnay ng iba pang suliraning pangkalusugan.
1. Pagkakaroon ng ectopic pregnancy
Kapag ang na-fertilized na egg cell ay napunta sa labas ng uterus at nanatili sa labas ng fallopian tube, nagreresulta ito sa ectopic pregnancy. Karaniwang sintomas nito ang mga sumusunod:
- Matindi at patuloy na pagsakit ng puson gaya ng sa dysmenorrhea
- Pagkahilo
- Paninigas ng tiyan
- Pagkapagod
- Pagkakaroon ng vaginal spotting
- Hindi dinatnan ng regla (amenorrhea)
2. Post-tubal ligation syndrome (PTLS)
Ito ang pagkakaroon ng malakas na regla o di kaya walang regla (amenorrhea), pati na problema sa hormones at mga suliranin gaya sa menopause. Ilan sa mga sintomas nito ang mga sumusunod:
- Hot flashes, o iyong biglang mainit na pakiramdam
- Pagbabago sa mood
- Pagkabalisa
- Depression
- Hirap sa pagtulog
- Pagkapagod
- Matinding pag-iisip
- Vaginal dryness
3. Pagsasailalim sa hysterectomy
May maliit na tsansa rin na sumailalim sa hysterectomy, o ang operasyon para tanggalin ang uterus, sa paglipas ng panahon. Pero iilan lamang ang mga ganitong kaso batay sa mga pag-aaral.
4. Pagkalungkot sa naging desisyon
Dahil permanente na ang ligation, hindi na posible ang pagbubuntis muli. May pagkakataon na nami-miss o di kaya may pagnanais na mabuntis pa uli at magka-baby, lalo na kapag lumalaki ang bunso. Kaya maaaring may pagtatanong din sa naging desisyon kung tama ba ito, lalo na kung bata pa lamang nagpatali na.
Sa kabilang banda, may pagkakataon na hindi ipinapayo ang ligation o pagpapatali lalo na sa mga bagong naoperahan pa lamang sa abdomen, may diabetes, at pagiging obese na may tsansa magkaroon ng komplikasyon kapag tinali ang kanilang fallopian tubes.
Gayundin, ang pagpapatali ay isang desisyon na dapat ninyong mag-asawang pag-usapang mabuti. Hindi na kasi ito mababalik pa kung nais pang magkaanak. Pero kung nag-iisip ng pagpaplanong pampamilya, maaaring isa ito sa isaalang-alang na pamamaraan, lalo na kung huli na ang pagbubuntis at puwede subukan ang ligation after normal delivery.
---
Mga pinagkunan ng impormasyon:
Pwede Pa Ba? The Truth About Getting Pregnant After Ligation
10 Posibleng Masamang Epekto Ng Ligation, Ayon Sa Mga Eksperto
https://www.smartparenting.com.ph/health/your-health/masamang-epekto-ng-ligation-a00370-20210707
Dapat Na Ba Akong Magpa-Ligate? Pros And Cons Ayon Sa Mga Ligated Mommies
---
Basahin dito ang paraan sakaling gusto na muling magbuntis kahit sumailalim na sa ligation.