Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Ang paghinga ay isang bagay na kadalasa’y nagagawa natin nang hindi na pinag-iisipan pa ngunit mayroon ding mga tao na nahihirapang huminga. Ilan sa mga dahilan ang mga uri ng sakit sa baga, at ang occupational asthma ay isa lamang sa mga ito.
Kung ikaw ay mayroong asthma (hika), kabilang na ang chronic asthma, siguradong nakaririnig ka ng pagsipol o paghuni sa iyong paghinga. Nariyan din ang iba pang mga sintomas tulad ng pag-ubo (asthma cough), paghingal, at paninikip ng dibdib.
Ang mga sintomas ng hika ay paiba-iba sa tindi at dalas. Hindi rin magkakapareho ang nararanasan ng mga hinihika. Sa ibang pagkakataon, nagiging mapanganib pa nga ito sa buhay kaya naisusugod sa emergency room ng ospital ang pasyente.
Ayon sa Global Asthma Report ng World Health Organization (WHO), tinatayang isa sa sampung mga Pilipino ang mayroong hika. Tinatayang nasa 1 milyon ito, at 98% ang hindi nabibigyan ng wastong treatment. Mahalagang matukoy kung ano ang asthma triggers na dahilan ng iyong kondisyon.
Ano ang occupational asthma?
Ang lugar ng trabaho o workplace ay mahalagang source ng respirable exposures na nagiging sanhi o trigger ng occupational asthma. Ayon sa United States National Library of Medicine, tinutukoy rito ang triggers o causes of asthma na nalalanghap natin sa hangin.
Dagdag ng mga eksperto, ito ang pinakakaraniwang work-related respiratory disorder ngunit madalas na undetected. Katunayan, nasa 10 hanggang 25 porsiyento ng adults na may hika ang nakararanas nito.
Mga prone sa ganitong uri ng hika
Malaki ang tyansa na magkaroon ng occupational asthma ang mga ganitong uri ng manggagawa:
- Cotton at textile workers
- Manufacturers ng metals at refineries
- Millers, bakers, at iba pang food processors
- Mga magsasaka, animal handlers, kennel workers, jockeys, at veterinarians
- Manufacturers ng foam mattresses at upholstery, insulation, packaging materials, plasticizers, at polyurethane paint
Occupational asthma triggers
Kabilang sa workplace irritants ang mga sumusunod:
- Dust
- Gases
- Fumes
- Vapors
Narito ang ilan sa mga specific na halimbawa:
- Chemical dusts at vapors—isocyanates, trimellitic anhydride, phthalic anhydride
- Animal substances—bacterial dusts, dander, buhok, mites, protein dusts, maliliit na insekto
- Metals—chromium, nickel sulfate, platinum, soldering fumes
- Organic dust—cereals, kape, harina, grains, tsaa
- Cotton, flax, at hemp dust—dust mula sa cotton at textile industry
Payo ng mga eksperto na iwasan ding makalanghap ng gases, tulad ng chlorine, o nitrogen dioxide, at sulfur dioxide.
Mahalagang matukoy nang maaga ang triggers
Kapag nalaman mo na kung ano ang occupational factors ng iyong hika, posibleng maiwasan mo ang mga ito at posible ring mawala ang mga sintomas mo.
Tandaan lamang na puwede pa ring makapag-iwan ng pangmatagalang pinsala ang asthma dulot ng prolonged exposure, ayon sa Johns Hopkins Medicine.
Ang maagang pag-diagnose at ang pag-iwas sa triggers ang maaaring makapagdulot ng improved prognosis. Madalas ding nangyayari na ang diagnosis na occupational asthma ay nagreresulta sa compensation para sa work-related impairment at disability.
Narito ang iba pang hakbang upang mabawasan ang risk ng occupational asthma:
- Palitan ang work process upang matugunan ang isyu sa irritant exposure
- Gumamit ng industrial hygiene techniques na angkop sa uri ng irritant na mayroon sa iyong workplace at sikaping mababa lamang ang exposure levels
- Magpa-check up nang regular upang matukoy kung mayroong pinsala sa baga o iba pang medical conditions kaugnay ng irritant exposure
- Alamin kung mayroong personal o family medical history ng hika, na maaaring makapagpataas ng iyong risk na magkaroon nito
- Maghanap ng ibang trabahong malayo sa triggers ng asthma
Samantala, ang koneksyon ng paninigarilyo sa hika ay hindi pa tiyak, ngunit mas mataas ang pagkakataong magkaroon ng problema sa baga ang mga smokers kumpara sa mga hindi naninigarilyo.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor
Kung mabilis kang mapagod at hingal na hingal ka kahit wala masyadong ginagawa, agad nang magpatingin sa iyong doktor. Pakikinggan ng iyong doktor ang iyong baga gamit ang stethoscope. Kadalasan ay mayroon ding iba pang inirerekomendang tests upang ma-rule out ang iba pang mga sakit o medical conditions.
Narito ang tests na makatutulong sa pagkumpira sa diagnosis:
- Blood tests- upang masuri kung mayroong suspected substance
- Bronchial provocation test (upang matukoy ang reaksyon sa posibleng triggers)
- Chest x-ray
- Complete blood count
- Peak expiratory flow rate
- Lung function tests
Sinusukat ng lung function tests ang hangin na dumaraan papasok at palabas sa iyong baga at kung gaano mo kabilis kakayaning magbuga ng hangin palabas dito. Ginagamit din ito upang matukoy ang antas ng oxygen sa iyong dugo.
Treatment sa occupational asthma
Bukod sa pag-iwas sa mga nakapagti-trigger ng asthma attack o sa mga sintomas nito, kasama rin sa gamutan ang sumusunod:
- Kombinasyon ng mga gamot na reseta ng doktor
- Physical therapy at breathing aids
Ang pag-manage sa mga sintomas ng asthma ang layunin ng asthma treatment. Mainam kung makikipagtulungan ka sa iyong doktor.
Sa ngayon, mayroong mga maintenance inhalers para sa mga may asthma. Kailangan lamang maging mapanuri sa pipiliin na swak sa iyong budget, pangangailangan, at lifestyle. Tandaan ding mahalaga ang lifestyle modification.
Sa pangkalahatan, kapag hindi na makontrol ang sintomas at attacks ng occupational asthma, malaking kabawasan ito sa kalidad ng buhay ng isang tao at ng kanyang pamilya. Mauuwi ito sa asthma exacerbation, kaya kailangan ng management sa tulong ng doktor.
Basahin dito kung paano matutukoy na lumalala ang iyong asthma symptoms at dito para sa rekomendadong paunang lunas sa hika.