Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Pagkatapos mong manganak, pakiramdam mo buntis ka pa rin. Kahit kasi lumabas na ang iyong baby, malaki pa rin ang iyong tiyan. Kailangan ng katawan ng babae nang sapat na panahon na gumaling pagkatapos manganak. Isa na rito ang pagpapanumbalik ng tiyan o belly na maaaring umabot nang ilang buwan o kahit na taon ang proseso.
Bagaman may ilan na maaaring mag-iba na ang maging permanenteng anyo ng belly o hindi na bumalik sa dati. Gaya ng sa writer na ito, lumiit man ang tiyan pero iyong labis na nabanat na balat ay lumawlaw na.
Dahil magkakaiba-iba ang bawat tao, hindi malayong magkakaiba-iba rin ang maranasan ng mga mommy sa kanilang postpartum belly. May iba na nakababalik sa dati nilang katawan pagkaraan ng ilang linggong pagkapanganak, pero sa iba mas matagal pa. Maaaring mahirapan na ring makabalik sa eksaktong laki ng iyong tummy pero hindi dapat sumuko at maging matiyaga lamang.
Isipin mong may siyam na buwan ang inilagi ng iyong baby sa tiyan mo kaya tiyak na hindi rin agaran ang pagbabalik nito sa dati. Nakadepende rin ito sa kung gaano kalaki ang tiyan mo sa pagbubuntis.
Ano ang nangyayari sa tiyan pagkapanganak?
Kahit nakapanganak ka na, may ginagampanan pa rin ang iyong hormones na nagdudulot naman ng pagliit ng iyong postpartum belly. Pero hindi dahil sa nakapanganak ka na, agad na liliit din ang iyong tiyan. Umaabot nang anim hanggang walong linggo para ang iyong uterus ay mag-contract o manumbalik sa dati nitong laki bago ang pagbubuntis.
Narito ang iba pang pangyayari sa katawan ng bagong nanay:
Pagmamanas
Ang mga labis na tubig na nabuo sa iyong katawan sa panahon ng pagbubuntis ay unti-unting mawawala, mababawasan na rin ang pagmamanas at pakiramdam na bloated.
Labis na taba
Gayundin ang mga labis na taba o fats na nadagdag sa pagbubuntis para sa paglaki ng iyong baby ay unti-unti na ring matutunaw. Nangyayari ito lalo na kung eksklusibo kang nagpapadede sa iyong baby at sa tamang pag-eehersisyo.
Linea nigra
Pagkatapos mo manganak, makikita mo pa rin ang itim na guhit sa tiyan noong buntis o tinatawag na linea nigra. Ang linea nigra ay sanhi ng pigmentation sa balat dahil sa pag-unat at bahagyang paghihiwalay ng kalamnan sa tiyan para mabigyan ng espasyo ang iyong baby habang lumalaki.
Karaniwang kumukupas ito sa loob ng ilang buwan pagkatapos manganak. Para itong libag na unti-unting naalis sa balat.
Stretch marks
Totoong pagkapanganak ay hindi ka matutuwa sa hitsura ng stretch mark mo, pero aayos din ito sa loob ng anim na buwan. Ang pag-unat ng iyong balat ay sanhi ng paglaki ng iyong baby sa sinapupunan. Maaari ring maranasan ito sa mga binti o braso dahil sa nadadagdag na fats sa panahon ng pagbubuntis at sa dede dulot ng paglaki nito para sa produksyon ng breast milk.
Mahirap nang mawala ang stretch marks pero maaaring hindi na maging kapansin-pansin sa paglipas ng panahon. Sa katagalan, ang mga linya ay magmumukhang puting linya o guhit na malapit sa kulay ng balat. Bukod sa stretch marks, kung Cesarean section ang iyong paraan ng panganganak, maaaring hindi rin mawala ang peklat ng sugat. May magagawa naman para hindi mag-keloid ang iyong sugat.
Tips para masolusyunan ang postpartum belly
Kailangan ng mahabang pasensya at pagtitiyaga dahil posibleng maging mahirap at matagal ang prosesong pagdadaanan para sa postpartum belly.
1. Eklusibong pagpapadede
Ayon sa Johns Hopkins, maraming benepisyo ang pagpapadede sa iyong baby. Bukod sa nakapagbibigay ito ng nutrisyon sa iyong baby, napapababa rin nito ang pagkakaroon mo ng breast cancer at ovarian cancer. Dahil kailangan mo ng energy sa pag-aalaga sa iyong baby, tiyak na mapapakain ka nang marami para manatiling malakas.
Makatutulong ang pagpapasuso para mabawasan ang fats na nakukuha mo mula sa pagkain. Tiyakin lamang na masusutansiya ang iyong pagkain at hindi naman sobra-sobra.
RELATED: Maaaring Mas Tumalino Si Baby Kapag Pinasuso Siya Sa Mas Mahabang Panahon: Study
2. Pag-ehersisyo
Makatutulong ang postpartum workout na magtuon sa pagpapalakas ng kalamnan sa tiyan. Nakatutulong ang pag-eeherisyo na matunaw ang mga naipong taba sa tiyan at iba pang bahagi ng katawan. Ngunit, magsimula sa magagaan na ehersisyo tapos unti-unting pabigat. Maaaring maglakad-lakad at mag-swimming.
Tiyakin lamang na may permiso mula sa iyong doktor bago ang pag-eehersisyo, lalo na kung Cesarean section ka. Hintayin din muna na maghilom ang iyong sugat bago gawin ang pag-eehersisyo.
Kung magpapasuso ka rin, madalas kang makararamdam nang gutom at tiyak na mapapakain ka nang marami. Malaking bagay rin ang pag-eehersisyo para matunaw ang labis na calories.
RELATED: 5 Easy-To-Do-At-Home Exercises After The Baby Is Born
3. Paggamit ng creams o oils para sa stretch marks
Makabubuti na ipagpatuloy ang paglalagay ng creams o oils sa tiyan para sa stretch marks para mapabilis ang pag-alis nito. Bagaman hindi talaga ito tuluyang nawawala talaga, nagiging mas mapusyaw lamang o kapantay na kulay ng balat.(Basahin dito para sa iba pang mga paraan.)
Samantala, para sa tahi ng hiwa mula sa C-section delivery, makatutulong ang paglalagay ng ointment o gel cream para maiwasan ang pagkakaroon ng keloid ng sugat. Karaniwang may inirerekomenda naman ang ob-gyn para dito.
4. Postpartum belly binder
Tinatawag din itong belly band o abdominal binder. Nakatutulong ito para sa pag-compress ng tiyan at nakapagbibigay ng suporta sa tiyan at likod. Sa mga C-section, may inirerekomendang binder para maging suporta sa tiyan pagkatapos ng operasyon para mabawasan ang kirot at sakit ng sugat.
Ang mga postpartum belly binder ay nagagawa ring suportahan ang kalamnan sa tiyan at nakatutulong sa diastasis recti na isang kondisyon nang paghihiwalay ng kalamnan sa tiyan at may malalawak na distansya dulot ng pagbubuntis.
5. Tamang pagkain
Makatutulong ang balanseng pagkain para makakuha nang sapat na nutrisyon. Magsagawa nang tamang postpartum diet para sa postpartum belly gaya ng pagkaing mayaman sa fiber para madaling matunaw ito, mga gulay, prutas, oatmeal, at yogurt. Makatutulong ang hindi pagkain nang maramihan kundi kakaunti lamang at may ilang oras na pagitan. Uminom din nang sapat na tubig.
Sa personal kong karanasan, ang ilan sa mga nakatulong sa akin para sa postpartum belly ay ang paggamit ng Bio oil sa umaga at sa gabi naman ang Palmer’s postnatal firming lotion. Hindi man lubos na nawala ang stretch marks ko pero hindi na masyadong halata. Dahil C-section delivery ako, Dermatix Ultra ang ginamit ko para hindi mag-keloid ang sugat ng tahi ko.
Sinubukan ko rin ang paggamit ng postpartum shapewear para maging suporta sa aking belly. Pinili ko iyong may hook para mas mahigpit ang lock at ma-aadjust ko kapag lumiit na ang aking tiyan. Pinili ko rin ang magandang brand para matibay at matagal kong magamit. Bukod sa ekslusibong pagpapasuso, nakatulong din sa akin ang treadmill workout.
Sa kabilang banda, mahalagang tanggapin na bago na ang lahat sa iyo ngayong may baby ka na. Maaaring manatili na ang iyong postpartum belly. Hindi man bumalik ang iyong tiyan sa dati nitong anyo, walang dapat na ipag-alala o ikabahala lalo na kung CS ang iyong panganganak dahil nariyan na lagi ang peklat ng sugat sa iyong tiyan.
Kung titingnan mo ang iyong postpartum belly, makakaramdam ka ng lungkot na ganito ang iyong tiyan pero isipin mong lagi na maganda itong paalala sa iyo ng kakaibang karanasan ng pagiging ina. Ito ang patunay na marka ng hirap na tiniis mo para sa iyong anak. Palagi itong magpapaalala sa iyo nang walang kapantay na pagmamahal mo sa iyong anak at pagsasakripisyo mo sa kaniya mula sa sinapupunan.
---
Mga pinagkunan ng impormasyon:
3 Practical Tips To Help You Lose Your Post-Baby Belly
What Really Helps You Bounce Back After Pregnancy
---
Basahin naman ang tungkol sa postpartum hives dito.