Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Karaniwang apektado ng rayuma sa buto, o rheumatoid arthritis, ang mga kamay, paa, at galanggalangan (wrists). Kilala rin ang ganitong uri ng arthritis bilang pangmatagalang medical condition na nagdudulot ng pananakit, pamamaga, at paninigas ng kasu-kasuan (joints).
Mga sanhi at sintomas
Hindi biro ang rayuma sa buto. Isa itong autoimmune disease. Ibig sabihin, ang mismong immune system ang umaatake sa mga cells na nakalinya sa kasu-kasuan, ayon sa United Kingdom National Health Service (NHS).
Hindi pa rin malinaw kahit sa mga eksperto kung ano-ano ang nakapagti-trigger sa ganitong maling pag-atake ng immune system sa healthy cells sa katawan ng isang pasyente. Mayroon na ring mga teorya kung bakit inaatake ng immune system ang katawan ngunit hindi pa napatutunayan. Isang halimbawa ang pagiging trigger ng impeksyon.
Dahil sa sakit na ito, nagkakaroon ng pamamaga, naninigas, at sumasakit ang kasukasuan, cartilage, at mga buto. Maaari itong magdulot ng pangmatagalang pinsala. Mayroon ding panahong ang mga sintomas ay maaaring lumala. Ito ang tinatawag na flares o flare-ups.
Mahirap matukoy kung kailan magkakaroon ng flare-ups pagdating sa rheumatoid arthritis, ayon sa United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC). Pero malaking tulong na mayroong treatment upang mabawasan ang pagdalas nito at maibsan at maiwasan ang pangmatagalang pinsala sa kasu-kasuan.
May mga taong nakararanas ng iba pang problema sa ibang bahagi ng kanilang katawan. May iba ring mga sintomas tulad ng labis na pagod at pagbagsak ng timbang.
Ayon sa mga eksperto, mas mataas ang risk ng pagkakaroon ng rayuma sa buto ng mga babae, ng mga may family history ng rayuma sa buto, at ng mga taong naninigarilyo.
Mga komplikasyong hatid ng rayuma sa buto
Maaaring magdulot ng iba pang medical conditions ang rayuma sa buto. Dahil dito, posibleng may karagdagan pang mga sintomas na mararamdaman ang isang pasyente at may mga pagkakataong maging life-threatening ito.
Kasama rito ang sumusunod:
- Carpal tunnel syndrome
- Pamamaga ng iba pang areas ng katawan tulad ng baga, puso, at mga mata
- Mas mataas din ang posibilidad ng heart attack at stroke
May increased risk ng bone loss at fracture sa mga taong may rayuma sa buto. Isa rin ang osteoporosis sa maaaring maging sakit ng mga taong mayroong rayuma sa buto. Kailangang siguraduhin na well-controlled ang rayuma sa buto upang maiwasan ang mga nabanggit na komplikasyon.
Diagnosis ng rayuma sa buto
Mga ilang hakbang na kailangan gawin para matukoy ang sakit:
Physical examination
Mahalagang magpatingin sa doktor at dumaan sa physical examination. Susuriin ng doktor ang iyong joints kung may pamamaga. Mahalaga ring sabihin sa doktor ang mga sintomas na nararanasan. Upang higit na makasiguro, kailangan ding magpatingin sa espesyalista na rheumatologist.
Blood tests
Kasama sa blood tests na maaaring magpakita ng ilang indikasyon ng rayuma sa buto ang sumusunod:
- Erythrocyte sedimentation rate (ESR) at C-reactive protein (CRP)
- Natutukoy rito ang levels ng pamamaga sa katawan
Full blood count
Nakatutulong ang test na ito upang ma-rule out ang iba pang posibleng sanhi ng mga nararamdamang sintomas. Makikita rin dito kung mayroon kang anaemia, o kawalan ng kakayahan ng dugo na magdala ng oxygen dahil kulang ang blood cells. Karaniwang may anaemia ang mga may rayuma sa buto, ayon sa World Health Organization (WHO).
Rheumatoid factor at anti-CCP antibodies
Sinusukat ng mga ito ang levels ng rheumatoid factors sa dugo. Ang rheumatoid factors ay mga protina na mula sa immune system kapag inaatake nito ang mga health tissue.
Halos kalahati ng mga taong may rayuma sa buto ay may mataas na levels ng rheumatoid factors sa dugo kapag nagsimula na ang ganitong sakit. Isa sa 20 na walang rayuma sa buto ay posible ring maging positibo sa rheumatoid factors.
Ilan pa sa available na tests ang anti-cyclic citrullinated peptide (anti-CCP) test. Antibodies ang mga ito na ginagawa rin ng immune system.
Kapag positibo sa anti-CCP, mataas din ang posibilidad na magka-rheumatoid arthritis, ngunit tandaang hindi lahat ng may RA ay may ganitong antibody.
Kapag positibo naman sa rheumatoid factor at anti-CCP, mas may posibilidad na malala ang rayuma sa buto na mararanasan. Mangangailangan din ito ng mas mataas ding levels ng gamutan.
Joint scans
Makikita rito kung mayroong pamamaga at pinsala sa kasu-kasuan. Mahalaga ang joint scans dahil nakatutulong ito sa pagtukoy sa mga pagkakaiba ng mga uri ng arthritis. Nagagamit din ito upang ma-monitor ang kondisyon ng taong may rayuma sa buto.
Ilan pa sa scans upang ma-diagnose at ma-monitor ang rheumatoid arthritis ay ang:
- X-rays
- Magnetic resonance imaging (MRI) scans, kung saan ginagamitan ng malakas na magnetic fields at radio waves upang maging higit na detalyado ang images ng kasu-kasuan
Kung mayroon nang diagnosis ng rheumatoid arthritis, magsasagawa na rin ng assessment ang iyong espesyalista upang makita kung paano mo nagagawa at nakakayanan ang pang-araw-araw na mga gawain. Kasama rito kung paano ka nakapagbibihis o nakapagpapalit ng damit, nakapaglalakad, nakakakain, at kung kumusta ang iyong grip strength.
Maaaring isagawa ulit ang assessment na ito upang malaman ng doktor kung mayroong improvements sa kalagayan ng pasyente.
Tandaan na mahalagang agad na magpatingin sa doktor kung may nararamdamang mga sintomas upang agad na masuri ang katawan at kalagayan ng kalusugan.
Treatment sa rayuma sa buto
Walang gamot para sa ganitong uri ng arthritis, ayon sa mga eksperto. Payo nila ang maagang diagnosis upang agad na mabigyan ng angkop na gamutan.
Mas matagal ang panahon sa pagitan ng flare-ups kung mayroong treatment na nakukuha ang pasyente. Makatutulong ito upang hindi maapektuhan ang pang-araw-araw na buhay at magkaroon din ng regular na trabaho.
Kasama sa pangunahing gamot ang sumusunod:
1. Medikasyon na pangmatagalan at magpapabagal sa pag-progress o pag-develop ng rayuma sa buto
2. Supportive treatments, katulad ng physiotherapy at occupational therapy
Makatutulong ang mga ito upang manatiling mobile ang pasyente at makayanan ang mga problema sa pang-araw-araw na gawain.
3. Surgery, kung magkaroon na ng anomang joint problems
May dalawang pangunahing uri ng mga gamot para sa medical condition na rayuma sa buto: ang disease-modifying anti-rheumatic drugs (DMARDs) at ang biological treatments.
DMARDs
Kombinasyon ng DMARD tablets ang karaniwang reseta bilang panimulang gamutan o treatment.Hinaharang ng mga ito ang epekto ng mga kemikal sa tuwing inaatake ng immune system ang kasu-kasuan.
Kasama rito ang sumusunod:
- Methotrexate
- Leflunomide
- Hydroxychloroquine
- Sulfasalazine
Ang methotrexate ang unang gamot na karaniwang ibinibigay sa mga may rayuma sa buto. Nagbibigay rin ng isa pang DMARD at steroids (corticosteroids) upang maibsan ang pananakit ng joints. Maaari ding isama sa mga ito ang biological treatments.
Paalala ng mga eksperto na may side effects din ang methotrexate, kasama ang kawalan ng gana kumain, pamamaga ng bibig, pagtatae, pananakit ng ulo, hair loss. Mangangailangan ng regular na blood test upang ma-monitor ang kalagayan ng pasyente.
Mahalaga ring maunawaan na ilang buwan pa bago mapansing gumagana ang mga gamot na ito. Kailangang makipagtulungan sa doktor upang matukoy kung ano ang mga gamot at treatment na higit na makatutulong sa pasyente.
Biological treatments
Kasama rito ang adalimumab, etanercept at infliximab. Ang mga ito ang mas makabagong paraan ng treatment para sa rayuma sa buto.
Mas nagagamit ang mga ito kapag hindi epektibo ang DMARDs. Injection ang paraan upang magamot ang pasyente gamit ang biological medicines. Pinahihinto rin ng mga itoang ilang mga kemikal sa dugo upang hindi atakihin ng immune system ang joints.
Mild lamang ang side effects at kasama rito ang skin reactions kung saan tinurukan ang pasyente, ilang impeksyon, lagnat, at pananakit ng ulo.
Kailangang maging maingat ang mga nagkaroon na ng tuberculosis dahil baka muli itong ma-trigger ng biological medicines.
Mayroon ding tinatawag na JAK inhibitors. Bagong gamot din ito para sa adults na may moderate hanggang severe rheumatoid arthritis. Para ito sa mga hindi maaaring gumamit ng DMARDs o biologicals, o sa mga sumubok ngunit hindi pa rin nabigyang lunas ang kanilang kondisyon.
Nakatutulong din ang lifestyle modification upang maibsan ang ilan sa mga sintomas ng rayuma sa buto. Kabilang dito ang pag-e-ehersisyo, pagbabawas ng timbang, at pag-inom ng supplements kagaya ng fish oil. Malaking tulong din upang maibsan ang side effects kapag may calcium, Vitamin D, at folic acid sa diet.
Basahin dito ang tungkol sa pananakit ng buto sa binti at dito para sa sakit sa tuhod.