Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Kapag napapadalas at napaparami ang pag kain ng mani, munggo, at iba pang uri ng legume, kadalasang sinasabihan na maghinay-hinay dahil sa uric acid. Pinapaalala rin na bantayan ang sintomas ng mataas na uric acid.
Ano ang uric acid?
Ang uric acid ang nalilikha mula sa pagdurog sa mga kemikal sa katawan na tinatawag na purines, ayon sa MedlinePlus ng United States National Library of Medicine. Nanggagaling ang purines sa katawan mismo at sa mga partikular na pagkain.
Karamihan sa uric acid ay natutunaw sa dugo o di kaya tumutuloy sa mga bato (kidneys) hanggang lumabas sa katawan bilang ihi. Pero kapag masyadong marami ang uric acid sa katawan o di kaya marami ang hindi natatanggal sa katawan, dito na nagkakaroon ng problema.
Ang tawag sa mataas na lebel ng uric acid sa dugo ay hyperuricemia, ayon sa Cleveland Clinic. Ito ang dahilan ng pamumuo ng uric acid na tila mga kristal, o crystals, at kilala bilang urate.
May mga urate na tumambak sa mga kasu-kasuan (joints) at nagdudulot ng gout, na isang napakasakit na uri ng arthritis. May mga urate rin na tumatambak sa mga kidney at nagdudulot naman ng kidney stones.
Kung hindi magagamot ang mataas na lebel ng uric acid, posibleng mauwi ito sa permanenteng pinsala sa buto, kasu-kasuan, at tissue sa katawan. Idagdag pa ang mga sakit sa kidney at sakit sa puso. Lumabas sa mga paga-aral na may koneksyon ang mataas na lebel ng uric acid sa type 2 diabetes, high blood pressure (hypertension), at fatty liver disease.
Mga sintomas ng mataas na uric acid
Sa simula, maaaring wala kang maramdamang sintomas dahil malalaman lang na mataas ang uric acid sa pamamagitan ng uric acid test. Pero kung tumambak na ang uric acid crystals sa joints, maaaring meron ka ng gout. Puwede ring kidney stones kung sa isa o parehong kidney tumambak ang uric acid crystals.
Kapag umatake ang gout, makakaramdam ka ng mga ganitong mga sintomas:
- Labis na pananakit ng kasu-kasuan, kadalasan ang hinlalaki sa paa (big toe)
- Paninigas ng mga kasu-kasuan, tulad ng bukong-bukong (ankle) at tuhod (knee)
- Hirap sa paggalaw ng mga kasu-kasuan
- Pamumula at pamamaga ng apektadong kasu-kasuan
- Pag-iba ng itsura ng kasu-kasuan
Kapag umatake naman ang kidney stones, makakaramdam ka ng mga ganitong sintomas:
- Labis na pagsakit ng ibabang parte ng likod (lower back), na kadalasang pabalik-balik at kumakalat hanggang sa genitals
- Pagkahilo na maaaring may pagsusuka (nausea)
- Madalas maihi kahit mapigilan
- May dugo sa ihi
Anong dapat gawin?
Mainam na komunsulta sa doktor, na siyang magbibigay ng payo kung anong test ang dapat mong kunin base sa iyong mga sintomas. Unang hakbang ay ang pagkuha ng iyong blood sample nang maeksamen ang uric acid level. Kapag mataas ito, maaaring meron kang hyperauricemia. Pero hindi ibig sabihin, meron ka ng gout o di kaya kidney stones.
Para matukoy na meron ka ngang gout, kailangang makita ang uric acid crystals sa fluid sample na kukunin mula sa namamagang kasu-kasuan. Isa pang paraan ang pagsuri ng mga buto at kasu-kasuan gamit ang ultrasound, X-ray o di kaya computed tomograph (CT) scan.
Para naman matukoy ang kidney stones na dulot ng uric acid, kailangan masuri mismo ang kidney stones na natanggal nang kusa o di kaya pinatanggal sa tulong ng operasyon. Bukod kasi sa uric acid, may iba-iba pang sanhi ng kidney stones.
Paano nagagamot ang mataas na uric acid?
Kadalasang nagrereseta ng gamot ang doktor kung ang mataas na uric acid ay nauwi na sa gout o di kaya kidney stones para lumiit (kung hindi man matunaw) ang uric acid crystals. Kung umatake ang gout, halimbawa, may inireresta rin para maibsan ang pananakit at pamamaga ng apektadong kasu-kasuan.
Para makaiwas sa atake ng gout, subukan ang mga rekomendadong paraan ng mga eksperto:
1. Magbawas ng timbang, kung kinakailangan
2. Limitahan, kung hindi maiiwasan, ang mga pagkain o inumin na mataas ang uric acid:
- Karne (beef, pork) at lamang-loob ng hayop (liver, kidney)
- Seafood at salmon na isda
- Beer at iba pang alcoholic drinks
- Matatamis
- Dried beans, nuts, at legumes
3. Ugaliin ang pag-inom ng tubig nang maiwasan ang dehyration
4. Sabihan ang iyong doktor kung umiinom ng gamot para sa iba pang karamdaman, tulad high blood pressure, na posibleng dahilan ng pagtaas ng uric acid levels.
Paalala ng mga eksperto na maging alerto sa mga sintomas ng mataas na uric acid nang maagapan at hindi na mauwi pa sa gout, kidney stones, at iba bang seryosong kondisyong pangkalusugan.
Basahin dito para sa sakit sa tuhod.