Halos lahat ng mga kasabayan at kaibigan ni Angel Locsin sa showbiz ay nanay na, tulad nina Anne Curtis at Dimples Romana, o di kaya buntis sa kasalukuyan, gaya ni Angelica Panganiban at ni Dimples sa ikatlong pagkakataon.
Pero hindi nape-pressure si Angel, na ikinasal sa kanyang best friend na si Neil Arce noong July 26, 2021. Katunayan masaya siya para sa kanyang mga kaibigan, at dumalo pa siya sa baby shower at gender reveal party para kay Dimples (basahin dito).
"I’m so happy for them," sabi ni Angel sa vlog ni Ogie Diaz. "Ang tagal nilang hinintay ’yun, pinagplanuhan nila ’yun talaga. Darating din tayo d’yan. Happy rin ako na wala pa ako sa gano’ng position, sa totoo lang, di ba?
"Pag oras mo na talaga, pag tingin ni Lord na you’re ready, bibigyan ka naman n’ya ng blessing, eh. Alam Niyang hindi pa ngayon, so kahit kami, hindi pa ngayon. Kumbaga, moment pa nila ’yun. ’Wag muna ako."
Kuwento pa ni Angel," Pag nakita mo si Anne, sobrang hands-on mom kasi n’ya. ‘Ah pag nagkaroon ako ng anak, gusto ko hands-on mom ako.' Nagi-imagine ka lang sa future, pero hindi pa, hindi pa sa ngayon."
Health issues
Nagpaliwanag ang aktres, na sumikat sa papel bilang Darna sa TV series, kung bakit hindi pa muna magkakaanak silang mag-asawa. Aniya, "Wala talaga sa plano namin ’yun. Plus meron kaming konting health issues na kailangang ayusin."
Pagtatapat niya, "I have a thyroid problem kasi. Hashimoto’s disease, parang autoimmune disorder. But it’s under control naman. Under medication ako. Pag okay na siya at saka palang mag-baby."
Kailangan pa rin daw nila sundin ang payo ng kanyang doktor. "Pero okay kami kasi plano naman talaga namin. Chill kami."
Isa pang health issue ni Angel ang matagal na niya iniindang sakit sa likod: "Forever lang s’yang and’yan. But I know how to manage it. So far, wala naman akong episodes. Dati kasi sunod-sunod ang episodes. Natutunan ko kung paano makinig sa katawan ko."
Katwiran din ni Angel na wala pang isang taon silang kasal ni Neil, na isang negosyante at movie producer. Kasagsagan pa ng COVID-19 pandemic nang idaos ang kanilang civil wedding ceremony.
Lahad niya, "Honestly, wala pa nga kaming honeymoon kasi nag-pandemic. Nakulong kami. Ang kasal namin, sa garden lang. Hindi pa talaga kami nakapag-explore, mag-travel. So ang dami pa naming nilu-look forward. Dito pa lang sa bahay, pero enjoy kami dito sa bahay."
Hashimoto disease
Bukod kay Angel, nagkaroon din ng Hashimoto disease ang dating artista na si Michelle Madrigal, na naninirahan na sa United States. Nadiskubre ni Michelle ang kanyang sakit pagkatapos manganak sa kanyang unica hija na si Annika noong October 2017.
Ang Hashimoto disease ay isang autoimmune disorder, kung saan inaatake ng antibodies, na gawa ng immune system, ang mismong cells sa thyroid gland na dapat pinoprotektahan nito. Matatagpuan ang thyroid gland sa harapan ng leeg, at hugis paro-paro ito.
Dahil inaatake ang thyroid gland, na parte ng endocrine system, humihina ito at nagiging underactive hangang mauwi sa hypothyroidism. Kailangang magamot ito nang hindi pa magkaroon ng mga kumplikasyon, tulad ng sakit sa puso.
Narito ang ilang sintomas ng Hashimoto disease:
- Madaling mapagod
- Mabagal na panunaw kaya madalas hirap dumumi
- Mabilis na pagdagdag ng timbang
- Nagiging ginawin
- Pananakit ng kasu-kasuan
Payo ng mga eksperto na komunsulta sa doktor nang mabigyan ng tamang diagnosis at treatment. (Basahin dito ang tungkol naman sa goiter.)