Sa panahon ngayon, hindi maitatanging bahagi na ng buhay ng mga bata ang mundo ng Internet. Hindi lamang para sa paglilibang o pakikipagkomunikasyon kundi maging katuwang nila sa kanilang pag-aaral.
Marami mang hatid na benepisyo ang paggamit ng Internet, hindi pa rin makabubuti ang lubos na pagiging exposed ng ating mga anak sa Internet. May mga panganib din na posibleng mangyari sa mundo ng online kaya mahalaga ang paggabay sa ating mga anak sa kanilang pagna-navigate sa Internet.
Ayon nga sa KidsHealth, mahalagang alam ng mga magulang ang nakikita at napapakinggan ng kanilang mga anak sa Internet, sino ang nakakausap nito, at ano ang mga naibabahagi nila sa ibang tao. Hindi naman ito labis na panghihimasok sa kanilang privacy, ngunit importante sa panahon ngayon ang pagbabantay sa kanilang mga gawain sa mundo ng online para sa ligtas na paggamit ng Internet.
Tips sa mga magulang para sa ligtas na paggamit ng Internet sa mga bata
1. Pagtukoy sa mga patok na social media platforms
Alamin ang mga social media networking sites, kagaya ng Facebook, X, Instagram, o TikTok na kinahuhumalingan ng inyong anak at maging pamilyar sa gamit nito. Mahalaga ito para nauunawaan mo rin kung ano ang mayroon dito at magagabayan mo ang iyong anak sa ligtas na paggamit nito.
2. Paggamit ng mga available safety features
Pag-aralan ang security settings ng mga gadget at maging ang mga parental controls ng mga social media platforms na ginagamit ng inyong anak. Isaayos ang privacy settings nito para mapangalagaan ang iyong anak.
3. Pagiging aware sa mga panganib
Mahalagang matukoy ang mga panganib sa paggamit ng internet upang maprotektahan ang anak sa anumang potensiyal na problema gaya ng iba’t ibang anyo ng pang-aabuso, cyberbullying, hindi angkop na content, mali o pekeng impormasyon, at iba pa.
4. Pag-alam sa mga online activities
Ang pagkilala sa mga gawain at paggamit ng inyong anak ng Internet ay mas napoprotektahan sila sa anumang panganib. Mas mainam ding isama sa family bonding ang paglalaro ng paboritong online games ng inyong anak o ang kanilang kinahihiligang panoorin. Sa ganitong paraan, mas magiging komportable rin silang ibahagi ang kanilang mga karanasan sa online.
5. Pagse-set ng rules sa pamilya sa paggamit ng Internet
Ipaliwanag sa mga anak ang tamang paggamit ng Internet at ang kahalagahan ng pagtatakda ng limitasyon sa paggamit din ng mga gadget. Magtakda ng mga dapat at hindi nila dapat na ginagawa at binibisitang mga website, pati na rin ang oras at dalas ng paggamit. Paalalahanan din sila sa tamang pag-uugali sa online.
Mga tips na dapat na ibigay sa mga anak
Halos lahat na rin yata ng mga bata ngayon ay gusto na maging content creator dahil na rin sa kanilang mga napapanood. Ang mga vlogger din ngayon ay wala nang limitasyon sa content na kanilang ina-upload sa kanilang social media pages. Ang kanilang pang-araw-araw na gawain at pamumuhay ay lantad o naisisiwalat na sa publiko na nawawala na ang ilang privacy nila. Kaya mahalagang ipaunawa sa mga anak ang mga dapat nilang gawin upang maging ligtas at kasiya-siya ang paggamit nila ng Internet.
Narito ang mga pwedeng sabihin at ipaalala sa iyong mga anak:
1. Huwag ibigay ang iyong personal na impormasyon.
Paalalahanan sila na hindi dapat ibigay sa kahit kanino ang kanilang buong pangalan, kaarawan, address, paaralan, contact number at iba pang mahahalagang impormasyon na walang permiso ng magulang o nakatatanda. Mas mainam din na gumamit ng ibang pangalan o screen name sa online.
2. Huwag magpadala ng iyong larawan sa hindi kilala.
Bukod sa pagpapadala ng larawan, iwasan din ang pag-upload ng mga larawan o personal na video sa social media na walang pahintulot ng magulang o nakatatanda. Mas mabuti rin na ibang larawan ang gamitin sa kanilang social media accounts.
3. Huwag ipamigay ang iyong password.
Turuan ang mga anak na ingatan ang kanilang password. Hindi dapat na ipaalam sa ibang tao ang kanilang password maliban sa magulang. Turuan din silang gumawa ng matibay na password para hindi madaling ma-hack ang kanilang mga account. Ugaliin din nilang mag-logout kapag gumagamit ng pampublikong computer. Iwasan din ang pag-lo-login sa mga public Wi-Fi dahil wala itong sapat na seguridad.
4. Huwag mag-download ng kahit ano na walang consent mula sa iyong magulang o nakatatanda.
Bukod sa pagda-download ng mga application, iwasan ang pag-click ng mga attachment na natatanggap sa email o messenger dahil posibleng may virus ito na makaapekto sa iyong gadget o ma-hack ang iyong mga detalye. Huwag din silang mag-click ng mga nagpa-pop up na online ads sa mga social media dahil posible na dalhin sila nito sa ibang website na hindi nararapat para sa kanila.
5. Huwag kang makipag-usap sa hindi kilala o ibang tao.
Hindi sila dapat makipagkita rin sa mga taong nakikilala nila sa online. Ang nakikilala nila sa online ay posibleng nagpapanggap lamang o hindi totoo ang mga ibinigay na impormasyon sa kanila. Kapag nakatanggap naman sila ng kakaibang mensahe o hindi mabuting pahayag, agad na ipaalam ito sa magulang o nakatatanda upang agad na maaksyunan.
Sa kabuuan, tungkulin nating mga magulang na turuan silang lumikha ng safe online space para sa kanilang sarili at sa ibang tao. Maglaan ng oras para sa pagtuturo sa mga anak sa pamamahala ng kanilang paggamit ng Internet. Maging sangkot sa online world na ginagalawan ng anak ngunit hindi naman lumalabis sa panghihimasok. Maaaring makatulong din ang Rules for Online Safety mula sa SafeKids para maging gabay sa ligtas na paggamit ng Internet.
Basahin kung ano ang dapat gawin kung malaman mong binu-bully online ang anak dito.