Ang kwentong ito ay hango sa isang tunay na #SPConfessions na ipinadala sa amin sa Smart Parenting Village. Ang ilang mga detalye ay bahagya naming binago upang bigyang proteksyon ang nagpadala nito.
Ang pagpopost sa social media ay isang paraan upang magbigay ng mga updates ukol sa ating buhay para malaman ng mga taong malapit sa atin. Minsan harmless ang mga ito, ngunit madalas, nagiging sanhi ito ng pagkainggit o insecurity sa ibang tao.
Katulad na lamang ng isang anonymous parent na nagbahagi sa Facebook group na Smart Parenting Village ukol sa kanyang nararamdaman tuwing nakakakita siya ng posts sa My Day ng kanyang mga kaibigan sa Facebook na panay bakasyon at biyahe palabas ng bansa.
Ang My Day ay ang mga posts sa Facebook na nabubura sa loob ng 24 oras. Ito ay katulad ng Stories sa Instagram, kung saan pwede mo i-upload dito ang nangyayari sa araw mo in real time.
Nakakaramdam ng inggit sa mga kaibigang mahilig mag-travel
"Hello po! Pa-anonymous po kasi I have friends here na ako din an nag-imbita.
Ako lang ba yung namo-motivate, but partly inggit, sa mga friends natin na puro out-of-the-country travels ang laman ng My Day?
I love my kids and my my family, but d*mn, gusto ko sila madala doon pero mahirap lang kami.
Minsan ayoko na mag My Day or mag-post ng picture ng anak ko kasi baka sa isip nila, "Anak na naman, wala na bang iba?" kasi kahit ako, ganun din.
They are the same people na ayaw din magka-anak muna based on their posts.
Someday, tayo naman with the kids, mommies and daddies.
Sabay sabay po tayong mangarap."
Read the original post here.
Advice ng ibang magulang sa anonymous mom
Sa comment section ng post ni anonymous mom noong February 13, dagsa ang mga magulang na handang magbigay ng comforting words at advice.
Sabi ng isa, nakakainggit naman daw talaga, lalo na bilang isang stay-at-home mom na hindi makagala agad, "Pero let us not compare. Kahit mahirap, huwag. Tayo naman soon! Kanya-kanyang timeline 'yan."
Pahayag naman ng isa, "Hindi nila naiisip yan, mommy. Happy ka naman for them 'di ba, so for sure, happy din sila para sa'yo at mga anak mo. Don't let what you think other people think of you affect your life."
Kuwento naman ng isa, relate na relate siya kay anonymous mom na panay ang post ng picture ng anak sa My Day, "Okay lang, ang main purpose naman ng pagpopost ko ay para mabalikan ko, at makita rin ng husband ko na OFW. Keber sa mga sawa na sa post ko!"
Dagdag pa niya, makakapag-travel din naman daw si anonymous mom pag malaki na ang mga anak nito. "Enjoy mo lang 'yang short stage ng pagiging bata nila. Ipon-ipon, invest-invest for the future whole family vacay! Set your mind na soon, ikaw din!"
Para naman sa isang mommy, maiging gamitin ang inggit bilang motivation para mas magsikap pa na maabot ang pangarap. "Pero mas maganda kung ma-appreciate natin ang mga bagay na mayroon tayo kaysa sa mga bagay na wala tayo o hindi pa natin nagagawa."
"Yung pag-My Day mo ng kids mo, para sa iba ay nagdudulot din naman ng inggit na sana sila rin ay may mga anak na. So same lang naman."
Paalala naman ng isa, life is not a race nor a competition. "May nauuna man sa'yo ngayon o feeling mo napagiiwanan ka na, I'm certain that God has plans para sa ating lahat."
"And always remember, comparison is the thief of joy. At hindi mo din need ang approval at validation ng ibang tao just to be happy. Mag-My Day ka hangga't gusto mo, as long as hindi naman yan obscene, nothing to worry about."
Hirit naman ng isa, "Hindi naman aalis ang mga tourist spots! Makakapag-antay yan sa'yo kapag ready ka na. Pero ang family, may timeline yan, hindi sila makakaantay."
Isa namang miyembro ng grupo na wala pang anak ngunit nagpapalaki ng pamangkin ang nagsabing mahilig man siyang mag-travel, ngunit mataas ang respeto niya sa mga magulang. "Many of my college friends have kids na, and I’m happy for them. Nowadays, sa hirap ng buhay at hirap magpalaki ng anak, ang brave ng mga taong pinipili parin magka-anak."
Pinalakas naman ng isa ang loob ni anonymous mom, "I have a lot of friends who traveled a lot, and they don't have kids yet. But, inside, they're dying to have one."
"Always remember, that what you see on social media doesn't show the whole story. Kapit lang and always be grateful," saad niya.
Ano ang pwedeng gawin kung nakakaramdam ng inggit sa social media
Narito ang mga pwedeng gawin kung makaramdam ng negatibo ukol sa mga nakikita sa social media.
1. I-unfollow ang mga taong palagay mo ay hindi nakakabuti para sa iyong mental health.
Kung sa palagay mo mas makakatulong sa iyo kung hindi mo gaano makikita ang mga updates ng isang tao, maaari mo siyang i-unfollow sa social media. Sa ganitong paraan, mababawasan ang pagkaramdam mo ng insecurity sa tuwing binubuksan mo ang iyong social media app.
Sabi nga ni Rica Peralejo-Bonifacio, ang pag-unfollow sa social media ay hindi sign ng immaturity.
2. Bawasan ang oras na inilalaan sa social media.
Hindi healthy ang palaging nakababad sa social media. Kung sa palagay mo ay nakakaapekto na ito sa iyong pag-uugali o pag-iisip, mainam sigurong magpahinga muna sa social media at i-focus ang oras na ito sa iyong pamilya o sa sarili. Basahin dito ang kuwento ng isang nanay na sampung araw hindi gumamit ng cellphone niya.
3. Gamitin ang social media para mag-connect, hindi magkumpara.
Balikan mo ang dahilan kung bakit ka gumawa ng account sa social media. Una sa lahat, ito ay para mag-connect sa mga kaibigan, pamilya, o kakilala at hindi para magkumpara ng mga meron at wala sila. Kung nagiging toxic na ang Facebook, ngunit kailangan mong makipag-usap gamit ang Messenger, pwedeng ito nalang ang gamitin mong app at i-uninstall na ang isa.
Alam mo bang ginagamit ng mga online predators ang mga emoji para makapang-abuso ng mga bata sa social media? Basahin dito.