embed embed2
  • 'Ang Lawlaw Ng Boobs Mo' Harsh Comments Na 'Di Na Kailangang Marinig Ng Mga Buntis

    Naranasan mo rin bang masabihan nito noong buntis ka?
    by Ana Gonzales .
'Ang Lawlaw Ng Boobs Mo' Harsh Comments Na 'Di Na Kailangang Marinig Ng Mga Buntis
PHOTO BY Shutterstock
  • May paniniwala na kapag daw ang buntis ay glowing at maganda, babae ang dinadala niya. Samantala, kapag daw nangingitim ang kanyang mga leeg at kili-kili at medyo hindi kaaya-aya ang kanyang itsura, lalaki raw ang ipinagbubuntis niya.

    Sa ibang kultura, baligtad naman ang paniniwala. 'Ninanakaw' daw ng baby girl ang ganda ni mommy kaya papangit siya, habang 'pinapa-glow' naman ng baby boy ang kanyang ina kaya gaganda siya.

    Ang katotohanan, walang kinalaman ang kasarian ng baby sa itsura ng nanay.

    Sabi ng mga eksperto, malimit talagang nagmumukhang haggard ang mga nanay habang nagbubuntis dahil sa stress o pagod na dala ng morning sickness, pabago-bagong hormones, at ng iba pang pagbabago sa katawan.

    Bagaman alam na alam ito ng mga nanay, marami pa rin sa kanila ang nakakaramdam ng pressure na maging maganda habang buntis dahil na rin sa mga naririnig nilang comments mula sa mga tao sa paligid nila.

    Tinanong namin ang mga buntis sa aming online community: Anu-anong mga harsh comments tungkol sa iyong itsura ang sinabi sa iyo ng ibang tao ngayong buntis ka? Narito ang kanilang mga karanasan.

    Harsh comments na hindi na kailangang marinig ng mga buntis

    "Kamukha mo si Shrek. Ang laki ng ilong mo."

    Hindi ba't ang puno't-dulo ng pelikulang Shrek ay ang kahalagahan ng kabutihang asal at hindi ang panlabas na anyo?

    Kaya naman talagang ironic na malimit ihalintulad ng ibang tao ang ilong ng main character sa ilong ng mga buntis.

    Maging ang mga Hollywood celebrities na tulad ni Chrissy Teigen ay hindi rin nakakaligtas sa ganitong mga comments.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Paliwanag ng mga eksperto, nakakaranas ng increased blood flow sa katawan, lalo na sa mucus membranes, ang mga buntis dahil sa hormones tulad ng estrogen.

    Ito ang dahilan kung bakit para bang lumalaki at lumalapad ang ilong ng mga buntis.

    "Sobrang lawlaw ng boobs mo."

    Kahit anong mabigat ay maaaring lumawlaw—hindi exception diyan ang boobs ng mga buntis. Maaari talaga itong lumawlaw lalo na dahil sa dagdag na blood flow at breast milk.

    Malimit na mas priority ng mga nanay ang paramihin ang kanilang breast milk at siguraduhing makakasuso nang tama ang kanilang anak kaysa pagandahin ang kanilang mga boobs.

    "Ang tanda na ng itsura mo."

    May mga buntis na hirap makatulog, lalo na sa huling trimester. Mayroong nalalagasan ng buhok at mayroong nangingitim ang singit, kili-kili, at leeg.

    Mayroong nakakaranas ng mga rashes at mayroon ding manas na manas. Ang stress dulot ng mga pregnancy changes at discomforts na ito ay mababakas sa mukha ng isang nanay.

    Kaya naman malimit, nagiging haggard o mas matanda nang bahagya ang itsura nila.

    May ilang mga nanay na nagsabing sa sobrang haggard nila, tumanda na ang itsura nila at napagkamalan pang nanay ng asawa nila.

    Idagdag mo pa na makakatanggap sila ng mga ganitong comments—sino ba namang hindi papangit.

    "'Wag ka nang magbuntis ulit, hindi mo bagay."

    Walang dalawang pagbubuntis ang magkaparehong-magkapareho. Iba-iba ang katawan ng mga babae kaya iba-iba rin ang epekto ng dagdag hormones sa kanilang mga katawan.

    Madalas din ay hindi na mahalaga sa mga nanay ang itsura nila, lalo na't mas nagiging prayoridad na healthy si baby at si mommy.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Anong dapat gawin kung makarinig ka ng mga ganitong comments?

    Wala.

    Sabi nga ng mga nanay sa aming Facebook group na Smart Parenting Village, pasok sa isang tenga, labas sa kabila.

    Hindi mo na dapat problema kung anong tingin ng ibang tao sa itsura mo. Mas dapat mong pagtuunan ng pansin ang kalusugan ninyong mag-ina.

    Totoo na masakit makarinig ng mga ganitong comments—malimit, hindi ito maiiwasan. Payo ng mga nanay na ilang beses nang nakaranas nito, deadma is key.

    Madalas kasi, hindi naiintindihan ng mga nagco-comment kung ano ang nangyayari sa katawan ng isang babae kapag siya ay nagbubuntis. Kaya naman madali lang magbitaw ng kung anu-anong salita.

    Para sa mga taong laging may nasasabi tungkol sa itsura ng mga buntis...

    Think before you speak. Hindi mo alam, baka ikaw ang nagdudulot ng stress sa buntis kaya hindi nagiging maganda ang kanyang itsura.

    Bago magsalita, tanungin mo muna ang sarili mo kung may maidudulot bang mabuti ang sasabihin mo. 'Concerned' ka kaya mo ito nasasabi? Mas makakatulong kung kumustahin mo na lang ang buntis at tanungin mo siya kung mayroon siyang kailangan. Mas magandang paraan ito para ipakita sa kanya ang iyong concern.

    Sa iyo, mommy, na nagbabasa nito ngayon, maganda ka. Ngayon, higit sa lahat ay kailangan mong maniwala sa iyong sarili. Hindi lang para sa kalusugan ng iyong baby, kundi pati na rin sa iyong mental at physical well-being.

    May mga good at uplifting comments ka ba na gusto mong iparating sa mga kapwa mo buntis? Pwede kang sumali sa aming Facebook group na Smart Parenting Village.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    What other parents are reading

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles