
Pagkaraan ng tatlong buwan ng pagdadalang-tao, maaaring masabihan ka na “blooming.” Mayroon ka na kasing tinatawag na “pregnancy glow” dulot ng pagbabago sa iyong katawan na kabilang sa mga sintomas ng pagbubuntis sa week 15.
BASAHIN ANG MGA PERSONAL NA KARANASAN
- 'Hindi Pala Madali ang Pagbubuntis. Ang Dami Mong Kailangang Isakripisyo'
- 'Nanganak Ako Na Wala Akong Malay At Hindi Ako Umire'
Dahil sa pregnancy hormones, halimbawa, posibleng mas kumapal ang buhok at mas bumilis ang paghaba ng mga kuko. Nadadagdagan naman ng halos 20 percent ang blood circulation kaya nagkakaroon ng sinasabing “glow.” Iyon nga lang, sanhi din ito ng mas mataas o di kaya mas mababang blood pressure. Mainam na sabihan ang doktor kung nababahala ka sa nararamdaman.
Sintomas ng pagbubuntis week 15
Marahil magtuloy-tuloy o sumulpot muli ang mga napagdaanan mo na noong nakaraang mga buwan hanggang sa puntong ito ng second trimester. Kabilang dito ang pagkahilo, pagduduwal, pananakit ng ulo, pagdudugo ng ilong at gilagid, pagkakaroon ng varicose veins, at pagiging magana sa pagkain. Hindi pa diyan nagtatapos ang listahan dahil puwedeng may parating na iba pa.
Indigestion
Bagamat makakatulong ang pagiging ganado sa pagkain sa paglusog at paglaki ni baby sa sinapupunan, may hindi kagandahang epekto ito para sa buntis. Maaari ka kasing makaranas ng pagbagal sa panunaw at pangangasim ng sikmura.
Nangyayari ito dahil dumadami ang ginagawa ng katawan na progesterone at relaxin hormones. Sila ang nagpapa-relax ng smooth tissues, kabilang iyong mga nasa gastrointestinal (GI) tract.
Kaya naman bumabagal ang pagdaloy ng pagkain sa iyong sistema at nagkakaroon ng indigestion. Pabor naman ang ganitong pagbagal para sa absorption ng nutrients sa iyong bloodstream patungo sa placenta at kay baby.
Heartburn
Kasama sa mga nare-relax na smooth tissues sa GI tract ang isang grupo ng muscles sa pagitan ng esopaphagus at stomach. Ito ang dahilan kung bakit ang pagkain at digestive juices na nakarating na sa tiyan ay bumabalik sa esophagus bilang stomach acids.
Naiirita tuloy ang esophageal lining at nagkakaroon ng burning sensation sa parteng malapit sa puso. Dahil sa ganyang posisyon kaya tinatawag ang kondisyong ito na heartburn kahit walang kinalaman ang puso. (Basahin dito ang ilang home remedy para sa pangangasim ng sikmura.)
Itchy skin
Dahil pa rin sa pregnancy hormones, may posibilidad na mangati ang iyong balat bilang sintomas ng pagbubuntis sa week 15. Makakatulong ang pagpahid ng moisturizer, ngunit piliin iyong may natural ingredients para ligtas sa pagbubuntis. Isa pa ang pagsusuot ng preskong kasuotan para makahinga ang balat.
Pero kung gumagrabe na ang pangangati, lalo na sa gabi, makakabuti ang pagkonsulta sa doktor. Baka kasi senyales ito ng liver condition na tinatawag na obstetric cholestasis.
Vaginal discharge
Normal sa mga kababaihan ang pagkakaroon ng vaginal discharge na leucorrhoea o leukorrhea upang mapanatiling malinis at ligtas sa bacteria ang maselang parte ng katawan. Mas malakas ang daloy nito sa mga buntis sanhi ng mas maraming dugo na dumadaloy sa kanilang pelvic area.
Magtaka lang kung may pagbabago sa itsura ng leucorrhoea mula sa natural nitong kulay puti na puwedeng clear o di kaya creamy. Kausapin na ang doktor kung maging dilaw o berde ito, parang mabula o buo-buo, at may di kanais-nais na amoy. Dagdag pa dito ang pangangati o pamamaga sa vagina at pagkirot sa tuwing iihi.
“Pregnancy brain”
Marami sa mommies ang nagsasabing naging malilimutin sila noong buntis pa sila. Nariyan ang mga pagkakataong hindi nila maalala kung saan nailapag ang keys, wallet, o di kaya cellphone, pati na kung ano ang sariling mobile number at appointments.
Huwag mag-alala kung may pareho kang karanasan kaugnay sa tinatawag na “pregnancy brain.” Talagang may kinalaman dito ang pagbubuntis, ayon sa research, at hindi lang dahil kulang sa tulog.
Ang hormones pa rin ang responsable sa pagbabago sa brain function, tulad ng memorya, ngunit babalik naman ito sa normal pagkatapos manganak.
Sa kabilang banda ng pagbabago sa brain function ang pagtaas ng activity sa parte ng utak na sakop ang emotional skills. Paghahanda daw ito sa buntis para kaagad niyang mabasa ang facial emotions ng sanggol paglabas nito.
Development ni baby sa tiyan sa ika-15 linggo ng pagbubuntis
Ang sanggol sa puntong ito ng second trimester ay may sukat na halos 9.5 cm, mula ulo hanggang puwitan, at bigat na halos 80 grams. Mabilis na ang paglaki ng kanyang katawan kesa sa ulo.
Nagsisimula na ring tumubo ang manipis na buhok na tinatawag na lanugo, na siyang pumuprotekta sa kanyang balat. Kasabay nito ang pagkakaroon niya ng hairline, eyebrow, fingernails, at toenails. May kakayahan na si baby na humawak, mag-thumbsuck, sumimangot, at paliitin ang mga mata.
BASAHIN ANG MGA PERSONAL NA KARANASAN
- 'Hindi Pala Madali ang Pagbubuntis. Ang Dami Mong Kailangang Isakripisyo'
- 'Nanganak Ako Na Wala Akong Malay At Hindi Ako Umire'
Malapit na siyang makarinig dahil nabubuo na mga maliliit na buto sa auditory system. Kaya magandang ideya ang paggawa ng playlist para sa kanya nang malibang ka habang iniinda ang mga sintomas ng pagbubuntis sa week 15.