embed embed2
  • (Left) Two months na buntis palang si Dinalene nito pero parang 5 months na. (Right) Thirty-three weeks na buntis.
    PHOTO BY courtesy of Dinalene Castanar-Babac

    Warning: May graphic content ang ilang litrato dito. Maaaring nakakagimbal o disturbing sa mga makakakita.

    Hindi madali ang unang pagbubuntis ko. Marami akong pinagdaanang pagsubok gaya ng ibang first-time mom. Pero kinaya ko at nawala ang mga pangamba ko sa suporta ng asawa at pamilya ko.

    Nung time na yun ako unang na-diagnose na may subserosal fibroid o myoma. Bago pa ako manganak sa panganay, kinausap ako ng aking ob-gyn. Maaaring alisin na ang uterus ko dahil sa laki ng myoma ko.

    Wala akong nasabi kundi, “Doc, gusto ko pa pong magkaroon ng kapatid ang panganay ko.”

    Pagbubuntis na may myoma at ovarian cyst

    Nagkasundo kami ng aking doktor na hindi muna aalisin ang uterus ko pero tuloy ang pag-monitor sa aking myoma. Nang makapanganak ako, lumiit naman ito.

    Pero matapos ang anim na buwan, nagsimula na naman itong lumaki. Kaya ang sabi ng doktor ko kailangang magbuntis na raw ako. Ayaw ko pa sana muna kasi wala pang isang taon ang panganay namin. Wala kaming yaya kaya mahirap pa ang pag-aalaga.

    Patuloy ang checkup, patuloy rin ang paglaki ng bukol ko, at eto pa, nadagdagan pa ng isa.

    Na-diagnose naman ako na may ovarian cyst na unti-unti rin ang paglaki. Kung patuloy itong lalaki, maaaring umikot daw ito sa fallopian tube at makaramdam ako nang matinding pananakit o kirot. Sabi rin ng OB ko, mas mahirap daw ito at maaaring makaapekto sa aking fertility.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Nagsimula na rin akong uminom at ang asawa ko ng folic acid na nireseta ng aking doktor. Patuloy lang ang checkup ko at kada bisita ko pinapaalala niya na sana mabuntis na ako. Sumusubok kaming mag-asawa pero wala pa rin talagang nabubuo.

    Nalulungkot at nade-depress na rin ako dahil gusto ko pang magkaanak at lalaki sana para sa pangarap ng asawa ko. Hindi ako nawalan ng pag-asa at tiwala. Dasal at pananalig sa Diyos at sa pamamanata sa Birheng Maria ang naging lakas ko.

    “Ang laki ng tiyan mo, buntis ka?”

    July 2020 ang huling petsa na ibinigay ng OB ko na dapat mabuntis na ako. Kung hindi aalisin na ang mga bukol dahil sa laki nito. Ang laki na rin ng tiyan ko dahil sa myoma na lagi akong napagkakamalang buntis. 

    Wala akong naramdamang sintomas ng pagbubuntis dahil siguro sa pagkabalisa rin sa nangyayari — may pandemya at nakaka-praning ang sitwasyon.

    Nang malaman kong buntis nga ako, lockdown pa ng panahon na iyon at sarado rin ang klinika ng OB ko. Natatakot din akong magpa-checkup sa hospital. Kaya online consultation muna.

    “Miracle! Ang galing nabuntis ka pa!” Yan ang sinasabi ng lahat ng doktor na tumingin sa akin sa pagdating ng panahon na personal na akong makapagpa-checkup.

    Ang unang ob-sonologist na nag-ultrasound sa akin, hindi rin makapaniwala na nabuntis din ako. Ang lagi kong sinasagot, “Nadaan po sa maraming dasal.”

    Kahit iyong mismong sumunod na ob-sonologist na nagsagawa ng congenital anomaly scan sa akin iyon din ang nasabi. Masyado na raw malaki ang tiyan ko para gawin ang ganoong test kaya nagulat siya nang makita ang mga bukol ko at di siya makapaniwala na nabuntis pa ako.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos
    Isang araw bago manganak at sa kanan na litrato, delivery day!
    PHOTO BY courtesy of Dinalene Castanar-Babac

    Sa bawat buwan na lumilipas mas nagiging mahirap sa akin ang pagkilos. Mas mabigat ang dalahin ko. Minsan nasasabi ko na lang “sana kambal o triplets na lang ang dinadala ko para mas worth it ang hirap at pagod ko.”

    Buti na lang na work from home ang setup kaya di ko kailangang bumiyahe at pumasok sa trabaho. Pero nakakapagod din pala at nakaka-stress ang ganitong set-up ng trabaho.

    Dinugo ako nang nasa 33 weeks na ako. Pinapahinga muna ako at binigyan ng gamot pampakapit. Mas madalas ding manigas at sumakit ang tiyan ko kaya hindi rin ako nakatatrabaho nang maayos. Minsan nga hindi ko alam kung contraction na ba ang nararanasan ko dahil grabe talaga ang sakit.

    Hirap din ako matulog nang patagilid kasi nasa kanan ang ovarian cyst ko at nasa kaliwa ang myoma ko. Kaya ipinayo ng OB ko na matulog nang patihaya na lamang pero naka-elevate sa may ulunan.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Warning: May graphic content ang ilang litrato dito. Maaaring nakakagimbal o disturbing sa mga makakakita.

    C-section delivery at hysterectomy

    “Kambal ba ‘yan? Bakit CS hysterectomy ka?” Pagdating sa operating room, ito naman ang tanong nila at nang halos lahat ng nag-asikaso sa akin simula nang na-confine ako.

    Kapag nasasabi ko ang dahilan, naibulalas din nila na, “Wow! Ang galing nabuntis ka pa.” May isa pang nagsabi na, “buti ka pa, suwerte mo nabuntis ka pa. Ako nga tagal na rin namin nagta-try ng asawa ko, wala eh.”

    Puno ako ng takot at pangamba sa operasyon. Ang totoo mababa ang pain tolerance ko kaya naiisip ko na ang mga sakit na mararamdaman ko matapos ng operation.
    PHOTO BY courtesy of Dinalene Castanar-Babac

    Nasa 38 weeks na ako nang i-iskedyul na ng OB ko ang aking C-section delivery at hysterectomy. 

    Ang dami ring tumatakbo sa isip ko lalo na first time kong maooperahan at tatanggalan ng mga bahagi ng reproductive system. Madugo rin daw ang proseso kaya kakailanganing salinan ako ng dugo.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Nang mailabas si baby, saka isinunod ang operation na tumagal nang dalawang oras. Hindi ako nakatulog sa buong proseso, gising ako, parang hindi tumalab ang pampatulog sa akin. Siguro dahil sa takot ko.

    Hindi makapaniwala ang mga doctor at nurse nang mailabas na ang myoma. Kahit ako nang makita ko, hindi ako makapaniwala na ganoon kalaki ang nasa tiyan ko.
    PHOTO BY courtesy of Dinalene Castanar-Babac

    Hindi na mabubuntis muli

    Ang yugtong ito ng buhay ko ang nagmarka na tapos na ang kakayahan kong magdalang-tao. Kinailangan na talagang alisin ang uterus ko dahil sa myoma. Inalis din ang fallopian tubes dahil ito raw ang pinagsisimulan ng cancer.

    Dapat aalisin din ang isang ovary ko dahil sa cyst pero sabi ng OB ko maayos naman daw nang makita niya ito, kaya hindi na inalis pa. Imo-monitor na lang daw ang aking ovaries.

    Kapag naayos na rin ang maternity benefits ko, ia-apply ko ng partial disability sa SSS ang aking naging operasyon dahil benepisyo rin ito ng mga member nila.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Naisip ko ang hirap naman talagang maging babae lalo na pag nabuntis ka. Ang komplikado ng mga bagay. Sana hindi mangyari sa mga anak ko ang naranasan ko sa pagbubuntis.

    Ang author at ang kanyang pamilya: Hubby Charlston, si ate Kalliope Joni at ang pinakabagong miyembro, Katrien Janis.
    PHOTO BY courtesy of Dinalene Castanar-Babac

    Hindi naging madali ang lahat, maraming pangamba, alalahanin, at naging delikado ang bawat yugto pero lubos ang pasasalamat ko sa Diyos dahil malusog ang baby ko at maayos ang aming kalagayan. Siya ang laging magpapaalala sa akin na mabuti ang Diyos.

    Nalungkot din ako na bata pa naman ako pero hindi na ako mabubuntis na, pero mapalad akong naranasan ko ito. Binigyan Niya ako ng pagkakataon maging isang ina.

    What other parents are reading

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles