Inaasahan na ang maraming pagbabago sa katawan ng isang buntis. Sa unang trimester, may ilang pangkaraniwang sintomas na mararanasan gaya ng morning sickness o pagduduwal, pagbabago sa suso, pagkapagod, pananakit ng puson, at iba pa.
Bagaman magkakaiba ang sintomas na nararanasan ng babae sa panahon ng pagbubuntis, mahalagang bigyang pansin kung pangkaraniwan ang lahat ng mga sintomas gaya ng pananakit ng puson. Maaaring magdulot ito ng pag-aalala ngunit dapat na maunawaan kung normal ba ito o nangangailangan ng atensyong medikal.
Tandaan na ang bawat pagbubuntis ay magkakaiba kaya naman ang pagiging proactive sa kalusugan ay susi sa malusog na pagbubuntis.
Paninigas ng puson ng buntis sa unang trimester, normal ba?
Maraming posibleng dahilan ang paninigas ng puson sa unang trimester. Ayon sa Cleveland Clinic, ang mga sumusunod ay maaaring sanhi ng normal na pananakit o paninigas ng puson.
1. Pagbabago sa hormones
Ang pagtaas ng progesterone ay maaaring magdulot ng paninigas ng kalamnan sa tiyan na nagreresulta naman sa pananakit o paninigas ng puson.
2. Implantation Cramping
Posibleng maranasan ang banayad na pananakit ng puson sa mga unang linggo ng pagbubuntis habang nagkakabit sa lining ng matres ang na-fertilized na egg cell.
3. Paglaki ng matres
Ang paglaki ng matres ay para bigyang daan ang paglaki ng sanggol sa sinapupunan kaya habang lumalaki ito ay maaaring makaranas ng pananakit ng puson.
4. Round Ligament Pain
Ito ay matinding pananakit ng gilid ng puson na sanhi ng pag-unat ng mga litid na sumusuporta sa matres. Karaniwan na nararanasan ito sa ikalawang trimester pero maaaring magsimula ang sintomas sa unang trimester.
5. Pangangailangan sa pagdumi at pag-ihi
Dahil sa lumalaki ang matres, maaaring maglagay ito ng pressure sa pantog na nagiging sanhi ng mas madalas na pag-ihi. Sa pagbabago ng hormones ay nagiging dahilan naman ng pagbagal ng pagtunaw ng pagkain. Nagreresulta ito ng gas o pakiramdam na bloated na nagdudulot ng paninigas ng tiyan at puson at nagiging mahirap din ang pagdumi. Ayon sa National Health Service (NHS) sa UK, karaniwang problema sa pagbubuntis ang constipation kaya posibleng madulot ito ng pananakit ng tiyan.
Ano-ano ang mga kondisyong na maaaring sanhi ng paninigas ng puson?
Batay sa isang artikulo ng Parents, may mga seryosong kondisyon na nagdudulot ng paninigas o pananakit ng puson sa unang trimester.
Isa na rito ang ectopic pregnancy na nangyayari kapag ang na-fertilized na egg cell ay hindi kumapit sa matres. Kadalasan na sa fallopian tube ito kumakapit. Maaaring ding senyales din ito ng miscarriage o pagkalaglag, kung ang pananakit ng puson ay may kasamang pagdurugo o vaginal bleeding. At ang pagkakaroon ng impeksyon gaya ng urinary tract infection o UTI ay nakapagdudulot din ng pananakit sa bahagi ng tiyan. Hindi dapat ipagwalang-bahala dahil makaapekto ito sa sanggol at pagbubuntis.
Kailan dapat mag-aala kapag may nararanasang paninigas ng puson?
Kahit na normal na sintomas sa unang trimester ng pagbubuntis ang paninigas o pananakit ng puson, may pagkakataon din na maaaring senyales ito ng kondisyong nangangailangan ng atensyong medikal. Paliwanag ng American College of Obstestricians and Gynecologists (ACOG), mahalaga ang pagkonsulta sa doktor kung nararanasan mo ang mga sumusunod na ito:
1. Sobrang paninigas o pananakit ng puson
Kung malubha, tuloy-tuloy, o hindi nawawala, at lumalala pa ang nararanasang pananakit ng puson at may kasama pa itong iba pang sintomas.
2. Pagdurugo o vaginal bleeding
Kung may vaginal bleeding na kasama ang paninigas ng puson ay dapat na ipagbigay alam sa iyong doktor. Maaari kasing senyales ito ng miscarriage o ectopic pregnancy. Ayon sa Johns Hopkins Medicine, ang vaginal bleeding na may kasamang pananakit ng puson ay posibleng senyales ng komplikasyon sa pagbubuntis.
3. Paninigas ng puson sa isang gilid lamang
Kung nasa isang gilid lamang ang pananakit ng puson at matalim ito, posibleng senyales din ito ng ectopic pregnancy. Sa kondisyon kasing ito, ang na-fertilized na egg cell ay dumikit sa labas ng matres, karaniwan na napunta sa fallopian tube. Isa itong emergency na nangangailangan ng agarang medikal na interbensyon.
4. Paninigas ng puson na may kasamang lagnat
Kapag may lagnat o chills, posibleng senyales ito ng impeksyon gaya ng UTI na kadalasang problema rin sa pagbubuntis. Kapag mayroong UTI, makararanas din ng sakit o hirap sa pag-ihi.
5. Paninigas ng puson na may pagduduwal
Posibleng senyales ito ng gastrointestinal o iba pang kondisyon.
Ano ang dapat gawin para maibsan ang paninigas ng puson?
1. Ang pagpapahinga ay makatutulong para mabawasan ang pananakit ng puson. Subukin din ang mga pagrerelaks at pag-iwas sa stress.
2. Makabubuti rin ang pagligo ng maligamgam na tubig para marelaks ang kalamnan.
3. Ugaliin din ang pag-inom ng sapat na tubig para manatiling hydrated. Posibleng magdulot ng pananakit ng puson ang dehydration.
4. Maaaring makatulong naman na mailabas ang gas at mapabuti ang pagtunaw ng pagkain ang bahagyang paglalakad-lakad.
5. Iwasan ang mga gawain at pagkain na sa tingin mo ay nagpapalala ng paninigas ng puson.
Ang paninigas ng puson sa unang trimester ng pagbubuntis ay normal na bahagi ng pagbabago sa katawan ng babae. Gayunpaman, mahalagang pakiramdaman ang katawan kung sa tingin mo ay hindi normal ang nararanasang sintomas. Ang maaagang diagnosis at paglalapat ng tamang gamutan ay mahalaga upang matiyak ang kaligtasan ng sanggol at ng ina.
Bukod sa pananakit ng puson, alamin ang iba pang sintomas ng labor dito.