
Hindi naging madali ang panganganak ni Ryza Cenon sa panganay nila ng partner na si Miguel Cruz noong October 31, 2020. Halos dumaan siya sa butas ng karayom para ligtas na mailuwal ang baby boy na tinatawag na nila ngayong Night.
Ikinuwento ng aktres ang kanyang childbirth story sa kanyang vlog, na posted nitong December 6, 2020. Pagtungtong niya daw sa 38 weeks, sinabihan na siya ng kanyang doktor na kailangan niyang pumunta sa ospital pagsapit ng October 30.
Induced labor
Iyon ang ginawa ni Ryza kasama si Miguel kahit 2 cm pa lang siya. Wala siyang pain o spotting, at hindi pa pumuputok ang kanyang panubigan. Simula 4 p.m., induced labor na siya. Binigyan siya ng pampahilab at tinutulungan ng mga doktor na bumuka ang kanyang cervix.
Sa kabuuan, 13 hours siyang nag-labor. Napakahirap daw, lalo na’t inabutan na siya ng madaling araw at antok na antok na siya. Nang marating niya ang 6 cm, doon niya naramdaman ang paghilab ng tiyan at pinag-practice na siyang umire.
Aniya, “Painless kasi ako, nagpa-anesthesia na ’ko. Akala ko, naihi ako…’Yon pala, pumutok na ang panubigan ko. After that, naghintay pa kami ng ilang minutes para maging 9 c.m. siya. Diniretso na ’ko sa delivery room. Akala ko, practice pa ulit. ’Yon na pala ’yon. Game na, nagde-deliver na ’ko.
“Mahirap pala ’yon. Inhale, ’tapos bibilang sila ng 10 counts. Habang umiire ako, sabay ’yong pag-push sa tiyan ko. Sabi nila Doc, magaling akong mag-ire. Pero ang problema kasi, si Night, pag umire ako, so nagmu-move siya. Pag nag-rest ako, bumabalik ulit siya.”
Blocked birth canal
Ang nangyayari tuloy, back to zero silang mag-ina ng ilang beses. Iyon pala, hindi daw clear ang pathway ni baby. May nakaharang kaya sinolusyunan muna ito ng mga doktor.
“’Tapos nahihirapan pa si Doc kasi ang pathway ni Night, hindi clear. Kumbaga, meron siyang nakaharang. So ’yong nakaharang, nakakahirap sa paglabas ni Night. So kailangan nilang hiwain ’yon — I think — para makalabas si Night.”
(Batay sa sinasabi ni Ryza, posibleng may nakitang uterine fibroids o myoma na nakaharang sa birth canal. Nagpapabagal ang myoma sa labor kaya lalo nahirapan ang mga buntis na meron nito. Hindi madaling ma-detect ang uterine fibroids sa buntis.)
Pero hirap pa rin si mommy. Gusto na niyang sumuko dahil sa fatigue at frustration. Pinalalakas lang ang kanyang loob ng mga kasama niya sa delivery room, kabilang na ang kanyang partner.
Sinasabihan si Ryza ni Miguel, na tinawag din niyang Dada: “You’re doing good. Kaya natin ’yan. Kaya mo ’yan. Nandito lang ako. Hindi ako aalis.”
Pero panay naman daw ang daing niya: “Ayoko na po! Pagod na ’ko!” At saka sasabayan ng iyak.
Sobrang nangangalay na daw ang kanyang balikat. Tuyong-tuyo na rin ang kanyang lalamunan at humihingi na siya ng tubig, pero hindi siya naririnig. Masyadong intense ang nangyayari para matuloy ang kanyang vaginal delivery.
Sa huli niyang ire, ginamitan na siya ng vaccum para tuluyang lumabas ang sanggol eksaktong 5:09 a.m. ng October 31.
First month with baby
Pagkaraan ng lampas isang buwan, puring-puring ni Ryza si Baby Night. Pagmamalaki niya, “Sobrang adorable. Sobrang bait. Hindi siya gano’n kaiyakin. Iiyak lang siya pag gutom siya or kung may poop siya or nai-irritate siya sa diaper niya.
“Minsan, ayaw niyang magpababa sa co-sleeper niya o sa higaan niya. Gusto niya, nakatabi lagi sa ’min. Eh, takot kami na itabi sa ’min. Malikot akong matulog. Kapag nakatulog ako, baka madaganan ko siya. So do’n ko siya nilalagay sa co-sleeper.
“Do’n muna siya sa room namin. Hindi muna namin siya nilagay sa room niya kasi super fragile pa siya. After ilang months, sasanayin na namin siya sa room niya. Kami naman ang mag-a-adjust.”
Inamin din ni Ryza na nakakaramdam siya ng lungkot na walang dahilan at wala siyang gana. Basahin dito ang sinabi nya tunkgol sa baby blues.