Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Layunin ni Cai Cortez na mapalaganap ang kaalaman tungkol sa sakit ng mga kababaihan na polycystic ovarian syndrome (PCOS). Kaya ikinuwento niya ang kanyang karanasan sa isang video at ibinahagi ito sa kanyang social media accounts.
"Ngayon ko lang ‘to gagawin," sabi ng aktres sa video na kinunan niya sa loob sa kanyang sasakyan. Naghihintay daw siya para sa isa pang blood test na kailangan niyang gawin.
"Nakunan na ako ng isa, pangalawa," dagdag niya, habang ipinapakita ang kaliwang braso na may turok ng injection at ang kanang braso na may parehong turok.
Aniya pa, "I want to get to the bottom of this. Tatanggalin ko ang beauty filter. Oh my God! Eto na, face reveal!"
Mga sintomas ng PCOS
Makikita ang mga bakas ng tigyawat sa mukha ni Cai, at saka siya nagpaliwanag: "Ayan, grabe ang breakouts ko. As in, ang lala! Kahit na tanungin n’yo ang friends ko, hindi ganito kalala ang acne ko."
Pagpapatuloy niya, "’Ta’s ang bigote ko, pa-Rez Cortez na ’ko." Ang tinutukoy niya ay ang kanyang tatay na aktor na kilala rin sa pagiging balbas-sarado. "As in palalaki na ’ko, meron na ’kong mga balbas," sabay hawak sa iba-ibang parte ng kanyang mukha kung saan may mga tumutubong buhok.
Samantala, "grabe" naman daw ang paglalagas ng kanyang buhok sa ulo, na nagsimula nang nakaraang taon, 2021. Aniya, sabay turo sa kanang bahagi ng kanyang ulo, "As in pakalbo na ’to. Ngayon, tumutubo na s’ya because of treatments. Medyo tumutubo na ang hair ko."
Ang lahat daw ng mga iyon ay sintomas ng PCOS, ayon kay Cai. Komunsulta kasi siya sa kanyang obstetrician-gynecologist, na nagpaliwanag na ang kanyang kaliwang obaryo (left ovary) ay "full of cysts," pero wala sa kanang obaryo.
Kaya lahad niya, "Ibig sabihin, buti na lang, doon ako nabuntis, dalawang beses, sa right ovary. Thank you, Lord, for clearing my right ovary."
PCOS journey
Ikinuwento ng mom of two at mainstay ng GMA-7 drama series na First Lady kung paano niya nalaman na may PCOS pala siya. Noon daw ayaw gumaling ng kanyang acne, nirekomenda ng kanyang dermatologist na magpatingin sa ob-gyn.
Aniya, "Sa ob ko na-discover na ’yung mga naiipon pa lang hindi nireregla na eggs ko sa left ovary and nagti-turn into testosterone, which is basically turning me into a man. I don’t know how else to explain it...
"Minsan, nakakaroon ng back acne. Buti na lang wala akong back acne. Naglalagas tayo ng hair, and grabe ang hair ko sa face. Oh, my God! Am I transitioning? I don’t know."
Dagdag paliwanag ni Cai, "But, yeah, I want to share with you guys that my face is not perfect, and I want to share this journey with you. Because ayan, kinuhaan na ’ko ng blood test, and I’m gonna take a third one later. Also later I’ll take laser treatments for my hair."
Sa pagtatapos ng kanyang video, nagbigay ng mensahe si Cai: "Sa lahat ng girls out there with PCOS, I feel you, I get you! We’re going through this together, and ia-update ko kayo."
Basahin dito upang malaman ang paraan para mabuntis ang may PCOS.