;
embed embed2
5 Pangkaraniwang Sakit Sa Bibig At Paano Maiiwasan Ang Mga Ito
PHOTO BY Shutterstock
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Kapag may nararamdamang sakit sa bibig, sobrang hirap talagang kumain pati na ang uminom. Nagdudulot din ito ng iritasyon dahil hindi ka rin makapagsalita nang maayos.

    Ayon sa United States Center for Disease Control and Prevention (CDC), ang mga suliranin sa kalusugan sa bibig ay kinabibilangan ng ngipin, gilagid, at ang buong bahagi ng bibig na ginagamit sa pagngiti, pagsasalita, at pagnguya.

    Maiuugnay rin ang pagkakaroon ng sakit sa bibig sa iba pang matinding kondisyong pangkalusugan gaya ng diabetes at sakit sa puso. Nakukuha rin ang mga sakit sa bibig sa mga bisyo gaya ng paninigarilyo at labis sa pagkonsumo ng matatamis na pagkain at inumin. Pinakamainam na solusyon para maiwasan ang anumang sakit sa bibig ay ang pag-inom ng maraming tubig at palagiang pagsesepilyo.

    Mga posibleng sakit sa bibig

    May ilang dahilan kung bakit nagkakaproblema sa parteng bibig, at depende sa mga ito kung anong treatment ang kailangan.

    Cavities

    Ito ay sanhi ng pagkasira ng enamel o labas na palibot ng ngipin dahil sa acid mula sa bacteria na makikita sa mga plaque na naiipon sa ngipin lalo na sa bahagi ng gumline at sa mga siwang o pagitan ng mga ngipin. Nakukuha ito karaniwan sa pagkain o pag-inom ng mga pagkaing mataas sa carbohydrates. Kapag naipon ang mga bacteria na ito maaaring maging sanhi ng pagkasira ng mga ngipin.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kapag napabayaan o hindi agad naagapan, halimbawa ang bulok na ngipin sa bagang, maaaring humantong sa matinding impeksyon sa ilalim ng galagid na posibleng kumalat sa ibang bahagi ng katawan at magdulot ng iba pang suliraning pangkalusugan.

    (Basahin dito kung paano mawala ang sakit ng ngipin, dito sa gamot sa sakit ng ngipin, at dito para sa sakit ng ngipin home remedy.) 

    Gum disease

    Ito ay resulta ng impeksyon at pamamaga ng gilagid at buto na nakapaligid at sumusuporta sa mga ngipin. Kapag may malalang kondisyon o sakit gaya ng diabetes, mahinang immune system, at mababang oral hygiene, napapataas ang tsansa sa pagkakaroon ng periodontal disease, tulad ng sugat sa gilagid.

    Kasama na rin ang paninigarilyo na posibleng magdulot ng sakit sa gilagid. Kapag napabayaan ang ganitong kondisyon, maaaring mawala ang mga buto na sumusuporta sa ngipon at mahawa ang gilagid. Maaaring lumuwag at masira din ang mga ngipin lalo na iyong may maliliit na suporta sa buto. (Basahin dito ang gamot sa bukol sa gums.)

    Mamaso

    Isa itong impeksyon sa balat na kadalasang lumalabas ito madalas sa bahagi ng bibig, ilong, at mukha dulot ng bacteria na Stapylococcus aureus at Streptococcus pyogenes. Karaniwang sakit ang mamaso ng mga  batang nasa edad 2 hanggang 6. Nagkakaroon din nito ang mga matatanda lalo na iyong may diabetes at mahina ang resistensiya.

    Tinatawag na Nonbulluous ang mas karaniwang uri ng mamaso. Aakalain mong kagat ng insekto lamang ito na pagkaraan ng ilang araw ay magsisimula nang magsugat. Pagkatapos, magkakaroon ito ng langib o scab na brownish-yellow ang kulay. Bukod sa parte ng mukha, maaaring tumubo rin ito sa binti at braso. Umaabot nang isang linggo ang paglabas hanggang sa gumaling ito.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Tonsilitis

    Ito ay ang pamamaga ng tonsil dahil sa pagkakaroon ng impeksyon dulot ng bacteria o virus. Binubuo ng lymphoid tissue ang tonsil na siyang sumusuporta sa immune system. Pinipigilan nito ang pagpasok ng anumang bacteria sa ilong o bibig.

    Karaniwang sintomas ang mga sumusunod:

    • Pagsisimula ng pagsakit ng lalamunan na magiging sanhi ng mahirap o masakit na paglunok
    • Pamumula ng tonsil
    • Pagsulpot ng may puti o yellowish na spot sa likod ng lalamunan
    • Posibilidad na may kasabay na lagnat pero depende sa kondisyon o lala ng pamamaga

    Hindi naman parating nakababahala ang tonsilitis, ayon sa mga eksperto, at kadalasan kusang nawawala. Nakatutulong ang pag-inom ng malamig-lamig na tubig at pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin para maibsan ang pananakit ng lalamunan. May nabibili rin sa botika ng mga pang-gargle na makagiginhawa sa sakit na nararamdaman gaya ng Bactidol.

    Kapag matindi ang kondisyon, may inireresetang antibiotic ang mga doktor kaya mabuting magpakonsulta rin. Kapag napabayaan naman at sa mas malala pang sitwasyon, inaalis nang tuluyan ang tonsils o tinatawag na tonsillectomy lalo na kung may mga komplikasyon na ang tonsilitis o may iba pang medikal na kondisyon.

    Singaw

    Mahapdi at masakit ang pagkakaroon ng singaw. Nagsisimula ito sa simpleng maliit na sugat na karaniwang tumutubo sa loob ng bibig, pisngi, at labi pati na rin sa galagid at dila. Ito ay pabilog, kulay puti o dilaw at namumula ang palibot nito. Madalas na paisa-isa ang paglabas nito o kung minsan naman kumpol o marami.

    May iba’t ibang dahilan ng pagkakaroon ng singaw kabilang sa mga ito ang:

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    • Pagkakasugat dahil sa nakagat ang dila, madiin na pagsesepilyo, kapag may braces dahil sa pagsabit ng labi at dila dito
    • Kakulangan sa vitamin B at zinc
    • Pagbaba ng timbang
    • Pagkakaroon ng sensitivity at allergy sa pagkain, gaya ng maanghang at maasim
    • Pag-atake ng acid reflux

    Kusang nawawala ang singaw (basahin dito) at hindi rin nakahahawa, sabi ng mga eksperto. Pero kapag ang singaw ay umabot nang dalawang linggo at lalong lumala pa, magpakonsulta na agad sa doktor para mabigyan ng tamang gamot sa singaw.

    Mga paraan para maiwasan ang mga sakit sa bibig

    Mahalaga ang pangangalaga sa ating bibig dahil ito ang pangunahing ginagamit at dinadaanan ng ating pagkain. Kailangang mapanatiling malusog ito upang hindi rin maapektuhan ang ating kalusugan sa kabuuan.

    Narito ang ilan sa mga dapat gawin para maiwasan na magkasakit sa bibig:

    • Laging ugaliin ang tamang oral hygiene
    • Bumisita sa iyong dentista nang regular
    • Uminom ng maraming tubig
    • Iwasan ang mga bisyo gaya ng paninigarilyo
    • Bawasan ang pagkain ng matatamis na pagkain at inumin o anumang magdudulot ng allergy
    • Kung may ibang karamdaman gaya ng diabetes, komunsulta agad sa iyong doktor.

    Labis na nakaapekto sa ating pagkilos at pagganap sa mga tungkulin ang pagkakaroon ng sakit sa bibig. Maaaring bumaba rin ang ating tiwala sa sarili dahil dito kaya naman importante talagang napapanatiling malusog ang mga bahagi nito.

    Pinagkunan ng impormasyon:

    Basics of Oral Health

    https://www.cdc.gov/oralhealth/basics/index.html

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles