Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Siguro narinig mo na ang tungkol sa diabetes, lalo na kung may kakilala kang mayroong sakit na ganito at nakikita mo paano malalaman kung mataas ang sugar. Pero marami pang dapat malaman, tulad ng mga sintomas ng diabetes.
Ang diabetes mellitus, na mas kilala sa tawag na diabetes, ay isang grupo ng mga disorder o sakit sa endocrine system. Taglay ng endocrine system ang glands na gumagawa ng hormones, gaya ng insulin.
Kapag nagkukulang o kaya hindi nagre-respond ang katawan sa insulin, na nanggagaling sa lapay (pancreas), nagkakaroon ng sakit na diabetes. Masyado tuloy tumataas ang level ng glucose, na tinatawag ding blood sugar. Kung hindi maagapan, puwedeng magdulot ang diabetes ng mga serious health issue, kasama na ang ilang mga uri sakit sa puso at bato (kidney), pati na pinsala sa nerve.
Kabilang ang diabetes sa common diseases sa mundo. Sa Pilipinas, halimbawa, tinatayang 4 million ang nagkasakit nitong 2019, ayon sa Diabetes Atlas. Isa raw kada 16 na Pinoy mula 20 hanggang 79 years old ang apektado nito. Ngunit hindi pa kasama diyan ang mga undiagnosed.
Mga uri ng diabetes
Sa ilang uri ng diabetes, ang prediabetes at gestational diabetes ang may potensiyal na gumaling kung maaagapan.
Prediabetes
Kapag sinabing pre-diabetic ka, mataas ang blood sugar mo pero hindi pa aabot sa lebel ng diabetes kaya puwede pang mapigilan.
Gestational diabetes
Ang gestational diabetes naman ay nangyayari lang sa buntis at maaaring mawala rin pagkatapos mangangak. Kadalasang tinatamaan ang maysakit ng type 1 o di kaya type 2 na diabetes.
Type 1 diabetes
Bagamat hindi pa natutukoy ang eksaktong sanhi ng type 1 diabetes, tataaas ang posibilidad na magkaroon nito, lalo na ang bata, kung:
- Diabetic ang magulang o kapatid
- Nagkaroon ng exposure sa isang viral illness o iba pang environmental factors
- May problema sa immune system o may diabetes autoantibodies
Type 2 diabetes
Hindi pa lubusang naiintindihan ng researchers kung bakit may mga taong nagkakaroon ng type 2 diabetes, sabi ng Mayo Clinic. Ngunit klaro raw sa kanila na may kinalaman ang mga sumusunod:
Weight
Kapag maraming fatty tissue sa katawan, nagiging resistant ang cells sa insulin. Ito ang hormone na nagpapababa ng blood sugar.
Inactivity
Mahihirapan ang katawan sa pagsusunog ng taba kung kulang sa exercise o physical activity. Kailangan din magamit ang glucose o sugar bilang energy at makapagtrabaho ang insulin.
Family history
At risk ang mga may magulang o kapatid na diabetic.
Age
Tumataas ang risk kapag nakakaedad na, pero dumadami rin ang mga bata at teenager na nagkakasakit.
Other medical conditions
Kabilang dito ang pagkakaroon ng polycystic ovary syndrome (PCOS), high blood pressure o hypertension, na tinatawag ding hypertension in diabetic nephropathy, at abnormal cholesterol and triglyceride levels.
Mga sintomas ng diabetes
Sabi ng isang diabetic na nakausap ng SmartParenting.com.ph, wala siyang napansing sintomas ng mataas ang blood sugar. Kahit raw nakaranas siya ng matinding hilo ng isang beses habang nagka-klase ng yoga, hindi niya inisip na diabetic siya. Akala raw niya dahil lang sa paninigarilyo, kaya agad niyang tinigil ang bisyo.
Nalaman lang niyang napakataas na pala ng blood sugar niya nang dumalo siya sa isang medical mission, at sinabihan siya ng nurse na isa siyang "walking time bomb." Aniya, kung nahilo siya noong araw na iyon ng medical mission, malamang daw isinugod na siya sa ospital at baka hindi na siya nabuhay pa. Kaya naman agad siyang nagpatingin sa doktor at nagsimulang gawin ang gamot sa diabetes.
Payo ng United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC), maging alerto sa mga ganitong sintomas:
- Madalas na pag-ihi, lalo na sa gabi
- Grabeng pagka-uhaw at pagkagutom
- Nagbabawas ng timbang nang hindi sinasadya
- Panlalabo ng paningin
- Pangmamanhid ng mga kamay at paa
- Madaling mapagod o mahapo
- Natutuyot na balat (dry skin)
- Pagkakaroon ng mga sugat na matagal maghilom
- Dumadalas na pagkakaroon ng infection
Bilin ng mga eksperto na kaagad na komunsulta sa doktor nang makakuha ng blood test at malaman kung diabetic ka nga.
Dapat gawin kung diabetic ka
Para mamintina ang kondisyon ng may diabetes, may rekomendasyon si Dr. Sheryl N. Tugna ng Philippine Society of Endocrinology Diabetes and Metabolism (PSEDM). Inihain niya ito sa pamamagitan ng apat na paraan na dapat gawin.
Pagkain nang wasto
Piliin daw ang gulay, prutas, isda, at iyong mayaman sa fiber. Iwasan naman ang mga inuming nakakalasing at matatamis.
Mag-ehersisyo
Subok na raw na nakakapagpababa ng blood sugar ang page-exercise dahil nakakatulong ito laban sa insulin resistance.
Gamitin ang prescribed na gamot
Araw-araw na pag-inom ng gamot o pag-injection ng insulin ayon sa direksyon ng doktor. Madalas daw ipaliwanag ni Dr. Tugna sa kanyang mga pasyente na hindi ang gamot, gaya ng malimit ireseta na Metformin, ang nakakasira ng kidney.
Aniya, sanhi ang kidney problem ng mataas na blood sugar at blood pressure. Ang kilalang side effects daw ng gamot ay pagkakaroon ng mga sakit sa tiyan at digestive system, tulad ng diarrhea. Kaya paalala niya na regular na kumonsulta sa doktor upang ma-monitor ang blood sugar, blood pressure, at cholesterol.
Marami hatid na kumplikasyon ang diabetes, tulad kapag nasugatan, lalo na sa paa. Basahin dito ang gamot sa sugat sa paa ng diabetic.