embed embed2
  • Problema Sa Pagdumi, Madaling Mapagod, At Iba Pang Mga Sintomas Ng Sakit Sa Bituka

    Ang irritable bowel syndrome (IBS) ang pinakakaraniwan sa mga sakit sa bituka.
    by Anna G. Miranda . Published Jun 11, 2022
Problema Sa Pagdumi, Madaling Mapagod, At Iba Pang Mga Sintomas Ng Sakit Sa Bituka
PHOTO BY Unsplash/Giorgio Trovato
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    "Okay lang 'yan, malayo sa bituka."

    Iyan ang kadalasang sinasabi ng mga Pinoy bilang pampalubag-loob ng mga kaibigan o di kaya ng mga mas nakatatanda kung may nagagalusan o nasusugatan sa tuhod, binti, at braso. Totoo kasing napakasakit talaga at seryosong bagay na kapag bituka (o alinman sa mga parte ng abdomen) ang problema, at dapat maging alerto sa mga sintomas ng sakit sa bituka.

    Milyon-milyong tao ang nagkakaroon ng digestive disorders taon-taon, ayon sa Johns Hopkins Medicine. Sakop ng iba't ibang medical conditions na ito ang esophagus, atay, tiyan, bituka (small and large intestines), apdo (gallbladder), at lapay (pancreas).

    Mga sintomas ng sakit sa bituka

    May ilang mga karaniwang senyales na may sakit na pala sa bituka, ayon sa mga eksperto. Ang mga ito ay kadalasang depende sa partikular na bahagi kung saan may problema ang bituka. Mula mild hanggang severe ang mga sintomas na ito. Mayroon ding agad na nawawala at nariyan din ang pabalik-balik, at kung minsan mayroon pang flare-ups.

    Kabilang sa mga sintomas ang sumusunod:

    1. Pagkahilo at naduduwal (nausea)
    2. Pagtatae (diarrhea)
    3. Kabag (gas)
    4. Labis na pagod (fatigue)
    5. Lagnat (fever) at panginginig (chills)
    6. Hindi makadumi (constipation) o makautot
    7. Pananakit ng tiyan (abdominal pain), lalo na sa lower belly
    8. Pamamaga (distension o bloating)
    9. May mucus o dugo sa dumi (posibleng kulay pula o itim ang dugo)

    May iba pang mga sintomas na posible ring maranasan ng may sakit sa bituka, tulad ng:

    • Anxiety
    • Depression
    • Kawalan ng gana sa pagkain
    • Malnutrisyon
    • Ilang skin at hair conditions
    • Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
    • Panghihina ng katawan

    Sa kabilang banda, posible ring walang maramdaman na sintomas, o asymptomatic, ang pasyente. Pero mainam na komunsulta pa rin sa doktor kung edad 50 pataas, may kamag-anak o kapamilyang mayroong colon cancer, o di kaya may resultang adenomatous polyp sa colonoscopy.

    Para maibsan ang mga sintomas ng sakit sa bituka

    May mga paraan na rekomendado ng mga eksperto ang puwedeng gawin para bumuti ang pakiramdam, tulad ng:

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    • Mag-ehersisyo
    • Iwasan ang paninigarilyo
    • Dagdagan ang dietary fiber
    • Bantayan ang timbang at iwasan ang sobrang pagbigat
    • Iwasan ang mga pagkaing nakati-trigger sa mga sintomas
    • Pag-inom ng gamot (over-the-counter o di kaya prescription medications)

    Mga sakit sa large intestine

    Ang large intestine, na kilala rin bilang colon o large bowel, ay nasa ibaba lamang ng kanang bahagi ng baywang. Ang kabuuan nito ay mula sa small intestine hanggang sa itaas na bahagi ng iyong abdomen. Ina-absorb ng large intestine ang tubig mula sa hindi natunaw na pagkain at dinadala ang waste material palabas ng katawan. 

    Ang nasa listahang ito ay ilan lamang  sa disorders na maaaring may kaugnayan sa large intestine o bituka:

    • Appendicitis
    • Chronic diarrhea
    • Colon (colorectal) cancer
    • Colonic dismotility
    • Diverticulitis
    • Fecal incontinence
    • Intestinal ischemia
    • Intestinal obstructions
    • Irritable bowel syndrome (IBS)
    • Polyps
    • Rectal prolapse
    • C difficile infection (Clostridium)
    • Ulcerative colitis
    • Crohn’s disease (Inflammatory bowel disease)

    Paalala ng mga eksperto na kahit hindi nakamamatay ang inflammatory bowel disease, seryoso pa ring medical condition ito na kailangang matugunan ng doktor. Kasama sa mga karamdamang ito ang Crohn’s disease at ulcerative colitis. Ang dalawang karamdaman ang madalas na nakaaapekto sa mga tao.

    CONTINUE READING BELOW
    watch now

    Sa ganitong mga kondisyon, nagkakaroon ng  chronic intestinal inflammation ang pasyente. Maaaring mild o di kaya severe na ang mga sintomas nito. Kapag napapansing humahaba ang panahon na nararanasan mo ito, at may regular na iskedyul ang pag-atake ng symptoms, ang tawag dito ay inflammatory bowel disease (IBD) flares.

    Kung kumakati, namumula, at sumasakit ang mga mata, nakararanas ng joint pain, skin rashes at ulcers, at problema sa paningin, posible namang ito ay irritable bowel disease. May iba pang pagkakaiba ang inflammatory bowel disease at irritable bowel disease, ayon sa Harvard Health Publishing.

    Mga sakit sa small intestine

    Ang small intestine ang pinakamahabang bahagi ng digestive system. Nasa 20 feet ang haba nito. Ito ang pinakapunong-abala sa pagtunaw sa iyong mga kinakain. Kinokonekta rin nito ang tiyan sa iyong large intestine o colon. Ilang beses din itong nakatupi upang magkasya sa iyong buong abdomen.

    Ilang problemang kaugnay ng internal organ na ito ang sumusunod:

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    • Bleeding
    • Celiac disease
    • Crohn's disease
    • Infections
    • Intestinal cancer
    • Intestinal obstruction
    • Irritable bowel syndrome (IBS)
    • Ulcers, kagaya ng peptic ulcer

    Diagnosis at treatment ng bowel disorders

    Ayon sa Philippine Society of Digestive Endoscopy, mayroong procedures upang makasigurong maayos na mada-diagnose ang iyong kondisyon upang agad na mabigyan ng wastong treatment.

    Kailangang magsagawa ng kumpletong medical history at physical examination bago ma-diagnose ng iyong doktor ang iyong kondisyon. Mayroong ding diagnostic tests na nakatutulong sa pagtukoy ng wastong treatment plan.

    Non-surgical procedure ang small bowel enteroscopy. Isinasagawa ito ng gastroenterologist upang ma-evaluate ang small intestine. Gumagamit ng flexible endoscope na mayroong built-in camera sa tuktok, at nakakonekta sa image processor at monitor. Maaaring makita in real time ang mga larawang makukuhanan. Maaari ding makakuha ng tissue samples upang ma-check kung mayroong impeksyon o malignancy.

    Ang wastong gamot o treatment sa mga problema sa small intestine ay depende sa sanhi ng disorder. Para sa mga kasong nangangailangan ng advanced treatment, posibleng surgery ang irerekomenda ng doktor. Kasama rito ang colon and rectal surgery, polyp removal, rectal prolapse, at sacral nerve implants/stimulation for accidental stool leakage.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kailan dapat komunsulta sa doktor?

    Bilin ng mga eksperto na i-monitor nang mabuti ang iyong mga sintomas ng sakit sa bituka, lalo na kung mayroong mga pagbabago sa iyong bowel habits o kung may mga iba pang senyales at sintomas na hindi nawawala o lumilipas.

    Agad na magpatingin sa doktor kung nakararanas ng mataas na lagnat, dugo sa dumi, abdominal distension, malalang pananakit ng tiyan, hirap sa paghinga o pagsikip ng dibdib, palpitations, at loss of consciousness.

    Basahin dito ang mga sakit sa tiyan at digestive system.

    What other parents are reading

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles
Close