Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Hindi kalakihang insekto ang ipis, pero kinatatakutan ito ng maraming tao. Bigla kasi itong lumilipad at, kapag dinapuan ka o ang anak mo, baka mangagat pa. May pagkakataon din na nagigising ka na lang o ang anak mo na may kagat ng ipis. Kaya mahalagang malaman ang gamot sa kagat ng ipis nang hindi na ito lumala pa.
Bakit nangangagat ang ipis?
Isa ang ipis, o cockroach, sa mga sinaunang insekto na may pakpak (primitive winged insects), at karaniwang nakikita sa mga maiinit na lugar, o tropical countries. Bukod sa mainit, gusto rin ng mga ipis ang madilim, kaya kadalasan silang lumalabas sa gabi.
Ang mga kinakain ng mga ipis ay mga produktong mula sa halaman at hayop, tulad ng pagkain, papel, tela, at libro. Kumakain din sila ng mga mas malililiit na insekto, kung patay na, gaya ng surot.
Bihirang kumagat ang mga ipis ng tao, ayon sa mga eksperto sa pest control, puwera na lang kung makaramdam sila ng pagbabanta o di kaya makakita sila ng makakain na nakadikit sa balat. Kaya kadalasang nakakagat ang parteng bibig at mukha, pati na mga kamay at daliri. Kapag napapadalas itong mangyari, ibig sabihin, laganap na ang ipis sa bahay.
Mas malaki at mas mapula ang kagat ng ipis kumpara sa kagat ng surot. Gumagrabe ang pangangati at pamamaga nito kapag kinamot at nagkaroon ng impeksyon, na maaari ring magdulot ng nana (pus).
Bagamat ang kagat ng ipis ay hindi seryosong kondisyon at hindi rin nakakalason, puwede itong maging sanhi ng atake ng asthma (hika) o di kaya allergy. Kabilang kasi ang laway, dumi, at natutuyong parte ng katawan ng ipis sa mga allergen, na nagti-trigger ng atake. Nangyayari ito kapag nilipad ang mga allergen ng hangin at nasagap ng taong may cockroach allergy o hika.
Mga sintomas ng kagat ng ipis
Halos magkakapareho ang kagat ng iba-ibang mga insekto o kulisap, tulad ng kagat ng ipis at kagat ng lamok. Nariyan ang pag-umbok ng parte ng balat na nakagat, pati na pamumula at pangangati nito. Pero sa kagat ng ipis (cockroach bite), may posibilidad na magkaroon ng langib (scab), ayon pa sa mga eksperto.
May mga dagdag na sintomas na hatid ang kagat ng ipis sa mga taong may allergy o hika, tulad ng pamamaga, pamamantal, hirap sa paghinga, at severe allergic reaction. Sa ganyang pagkakataon, kailangang magpatingin na sa doktor.
Gamot sa kagat ng ipis
Kapag nakagat ka o iyong anak ng ipis o iba pang insekto, payo ni Dr. Joey Cuayo-Estanislao, isang pediatrician, na gawin ang mga sumusunod:
1. Hugasang mabuti ang apektadong parte ng katawan na nakagat gamit ang banayad na sabon (mild soap) at tubig.
2. Kung may pangangati o pamamaga sa nakagat na parte ng katawan, lapatan ng basang bimpo o di kaya cold compress. Gawin ito sa loob ng 10 hanggang 20 minuto.
3. Kung lumala ang pamamaga, pananakit, pagnana, o di kaya paglabas ng rashes, mainam na komunsulta sa doktor.
May mga payo rin si Dr. Jarische Lao-Ang, isang dermatologist, sa natamong kagat ng ipis:
1. Kaagad na linisin ang parte ng katawan na nakagat ng ipis gamit ang sabon at tubig.
2. Lapatan ng ice pack ang kagat nang makontrol ang pangangati.
3. Maaaring magpahid ng aloe vera gel para maibsan ang pangangati ng balat na nakagat ng ipis.
4. Iwasan ang pagkamot sa makating balat.
5. Pahiran ng topical steroid cream ang apektadong bahagi ng katawan kung nireseta ng dermatologist.
Paalala pa ni Dr. Lao-Ang, na kilala rin bilang the dermamamaph sa social media, na mahalaga ang pag-iwas, o prevention, sa kagat ng ipis at iba pang mga insekto. Isang paraan ang pagsusuot ng pantalon kapag may mga gawain sa labas ng bahay, o outdoor activities.
Ang pinakamahalagang gawin ay panatiliing malinis ang kapaligiran at kabahayan. Maaaring gumamit ng insectide kung may ilan pa lang na ipis na makita. Pero kung may karamihan na ang mga ipis at iba pang insekto o peste, mainam na komunsulta sa mga eksperto sa pest control nang hindi na problemahin ang gamot sa kagat ng ipis.
Basahin dito tungkol sa kagat ng alupihan.