-
Gabay Sa Vegetable Gardening: 8 Gulay Na Madaling Itanim, Patubuin, At Paramihin Sa Bahay
Hindi mo na kailangang bumili ng gulay!by Ana Gonzales .
- Shares
- Comments

Siguradong alam na alam mo ang kasabihang "Ang gulay ay pampahaba ng buhay". Malamang ilang beses mo nang narinig ito mula sa iyong mga magulang at ilang beses mo na rin itong nasabi sa iyong mga anak.
Bukod sa maraming bitamina at mineral ang mga gulay, nakapagbibigay din sila ng enerhiya sa iyo at sa iyong mga anak. Magandang source din sila ng anti-oxidants, fiber, at tubig!
Ayon din sa mga pag-aaral, makakatulong ang tamang pagkain ng gulay para bigyang proteksyon ang mga anak mo laban sa mga chronic diseases tulad ng heart disease, stroke, at ilang uri ng cancer.
Gaano karaming gulay ang dapat kinakain ng mga bata?
Ayon sa Tamang KAIN (Kid and Infant Nutrition), gulay at prutas lang ang dapat na kinakain ng mga sanggol na edad dalawang taon pababa, bukod pa sa kanin. Huwag itong hahaluan ng asin, asukal, at ano mang pampalasa, lalo na kung ang bata'y isang taong gulang pababa. Tandaan na bawal ding sahugan ito ng isda, manok, at karne.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWSabi naman sa Australian Dietary Guidelines, ang mga batang edad dalawa pababa ay pwede kumain ng dalawa hanggang tatlong serving ng gulay sa isang araw. Samantala, dalawa at kalahating servings naman ang para sa mga batang edad dalawa hanggang tatlo at apat at kalahati naman para sa mga batang edad apat hanggang walong taong gulang.
Paano kung ayaw kumain ng gulay ng anak ko?
Bukod sa pagiging wais pagdating sa pag-iisip ng mga recipes, makakatulong din kung ikaw mismo ay magiging mabuting halimbawa sa mga anak mo.
Binanggit sa isang bagong pag-aaral na isa sa mga pinakaepektibong paraan para pakainin ang mga bata ng gulay ay ang pagsabay sa kanila sa pagkain nito. Lumalabas na ginagaya ng bata ang gusto ng kanilang ina pagdating sa hilaw at lutong gulay, habang ginagaya naman nila ang gusto ng kanilang ama pagdating sa lutong gulay.
Paano magsimula ng vegetable garden?
Bagaman mura lang ang gulay at palaging mayroong iba't-ibang klase at uri sa mga pangunahing pamilihan, iba pa rin kung mayroon kang sarili mong vegetable garden sa bahay.
CONTINUE READING BELOWwatch nowMaging ang mga artista, tulad ng Team Kramer at ng mga personalidad tulad ng mommy at beauty vlogger na si Anne Clutz, ay naeengganyong gumawa ng sarili nilang mga vegetable gardens sa kani-kanilang mga bahay.
Masarap kasi sa pakiramdam na paglabas mo sa likod-bahay ay mamimitas ka lang ng iuulam ninyo. Bukod sa libre na, sigurado ka pang sariwa.
Narito ang mga kailangan mong gawin para makapagsimula ng iyong vegetable garden sa bahay:
Magsimula sa maliit
Hindi masamang mangarap magkaroon ng isang malaking vegetable garden. Pero para matupad mo ito, kailangan mo munang magsimula sa maliit. Isa hanggang tatlong paso lang ay ayos na.
Kilalanin ang gagamiting lupa
Payo ni Missy Gable, ang director ng University of California Master Gardener Program, kailangan ay pamilyar ka sa iyong likod-bahay. Karamihan kasi sa mga halaman ay nangangailangan ng hanggang anim na oras ng sikat ng araw.
Kailangang alam mo rin kung anong klase ng lupa ang mayroon sa likod o harap ng bahay ninyo. Mabuhangin ba? Mabato? Maputik? Mayroon bang dadaluyan ang tubig kapag nagdilig ka?
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWWala ring problema kung magsisimula ka sa pagpapatubo ng iyong gulay o herbs sa mga paso o containers.
Pumili ng gulay na itatanim
Pagdating naman sa pamimili ng gulay na itatanim, unahin mo ang mga paboritong kainin ng iyong pamilya. Mahilig ba kayo sa petchay? Kamatis? Kangkong? Talbos ng kamote? Talong?
What other parents are reading
Anu-anong gulay ang madaling patubuin sa bahay?
Sibuyas
Simple lang patubuin ang kitchen staple na ito—perfect kung mahilig kayong mag gisa o gumawa ng mga sawsawang maanghang. Maganda itong itanim sa buhaghag na lupa.
Kung gagamit ka ng onion seeds, itanim mo muna sa isang lalagyan sa loob ng bahay. Maghintay ka ng anim na linggo bago mo ilipat sa labas. Tandaan, itanim mo sa lupa ang sibuyas ng hindi hihigit sa one inch na lalim.
Bawang
Madali lang ring patubuin ang bawang sa bahay—magtanim ka lang ng ilang piraso nito at tutubo na itong mag-isa. Kailangan ay maaraw ang pagtataniman mo. Makakatulong din kung patatabain mo ang lupa gamit ang compost.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWLettuce
Mahilig ba kayo sa samgyupsal? Hindi na kayo mamomroblema sa lettuce kung may tanim kayo nito. Mas maganda iyong mga tinatawag na leaf variety dahil hindi na nito kailangan ng malamig na klima.
Kailangan mong siguraduhin na makakakuha ang lettuce mo ng anim na oras ng sikat ng araw. Kailangan mo rin silang diligin madalas, lalo na't mainit dito sa Pilipinas.
Makakabili ka ng 'baby lettuce' sa mga plant nurseries. Iyon ang pwede mong ilipat sa paso o direkta sa lupa. Kapag tumubo na sila, pwede ka nang gumupit ng dahon at tutubo lang ito ulit.
Kamatis
Napakadali lang patubuin nito sa mga containers kaya bagay ito sa mga homeowners na walang garden. Pwedeng-pwede rin ito sa paso sa inyong balkonahe.
Siguraduhin mo lang na malaki ang container na gagamitin mo at ilalagay mo ito sa maaraw na bahagi ng bahay ninyo.
Okra
Tulad ng kamatis, madali lang ding patubuin sa containers ang okra. Siguraduhin mo lang na buto ng local varieties ng okra ang mabibili mo dahil ito lang ang mabubuhay sa init ng panahon dito sa atin.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWAyon kay Real Living Style Spotter Donna Cuna Pita, kapag siniguro mong nalalagyan ng fertilizer ang okra at nadidiligan ito ng sapat, patuloy lang itong mamumunga ng mamumunga.
Kangkong at Kamote
Itong mga leafy greens na ito ang marahil ay pinakamadaling patubuin sa lahat ng mga gulay sa listahang ito. Pumutol ka lang ng bahagi nito at pwede na itong itanim sa lupa.
Kailangan lang nito ng malaking espasyo dahil mabilis itong tumubo at gumapang.
Pechay
Umpisahan mo ang pagtatanim ng pechay sa pamamagitan ng pagpapatubo ng mga buto nito sa isang seed tray. Takpan ito ng plastic film at saka ilagay sa isang lalagyan na hindi masyadong naaarawan. Pagkatapos ng sampung araw, pwede mo na itong ilipat sa mga paso.
Sili
Maraming nag-aakalang mahirap patubuin ang sili, pero pwede ito kahit sa mga tinatawag na amateur gardeners. Simulan ang pagtatanim sa pamamagitan ng paglalagay ng isang buto sa kada isang bahagi ng inyong seedling tray.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWPagkatapos ng 14 hanggang 21 na araw, pwede mo nang ilipat ang mga seedlings sa paso o container. Pagkatapos ng 75 na araw, aani ka na ng mga sili. Pwede mo ring gamitin ang dahon para sa tinola.
Pagdating naman sa mga herbs, pwede mong itanim sa mga maliliit na paso sa loob ng bahay ang basil, mint, parsley, chives, at cilantro. Madali ring patubuin ang oregano at parsley.
Sa dami ng mga gulay at herbs na madaling itanim, kahit kailan ay pwede mong simulan ang vegetable gardening. Hindi ka dapat maintimidate. Kailangan mo lang ng potting soil, fertilizer, at paso na iba't-iba ang laki, pwede ka nang magsimula—siyempre, huwag mong kakalimutan ang mga buto o clippings ng mga gulay na itatanim mo.
Nasubukan mo na bang mag vegetable gardening? Anu-anong mga gulay ang tinanim mo? Kumusta ang iyong experience? I-share mo lang sa comments section.
What other parents are reading

- Shares
- Comments