May iba’t ibang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga komplikasyon sa pagbubuntis, pero kadalasan nangyayari ito kung mayroon nang dati pang problemang pangkalusugan ang isang buntis. Samantala, may ilan naman na talagang lumalabas sa panahon ng pagbubuntis bunsod na rin ng pagbabago sa hormones at sa katawan.
Ayon sa Johns Hopkins of Medicine at Centers for Disease Control and Prevention, bagaman nakapagbibigay ng alalahanin ang mga maagang komplikasyong sa pagbubuntis, o early pregnancy complications, nakabubuti naman kung agad itong malalaman para sa agarang paglalapat ng lunas.
Karamihan naman sa mga komplikasyon ay may lunas at maaaring makontol ang iba pang sintomas kung mabuting mapamamahalaan. Kaya mahalaga talaga ang regular prenatal tests at checkups.
Early pregnancy complications
Narito ang ilang halimbawa ng mga komplikasyon na maaaring maranasan sa simula ng pagbubuntis.
Hyperemesis gravidarum
Karaniwan na sa mga buntis ang pagkakaroon ng morning sickness gaya ng pagkahilo at pagsusuka ngunit ang mga buntis na may ganitong kondisyon ay nagkakaroon ng morning sickness nang 1,000 beses. Dahil sa matinding morning sickness, nagdudulot ang hyperemesis gravidarum ng pagbaba ng timbang at maaaring maospital.
Napapababa rin nito ang pagkuha ng sapat na nutrisyong kailangan mo at ng iyong baby. Hindi naman maiiwasan ang pagkakaroon ng ganitong kondisyon pero maaaring makontrol at mapamahalaang mabuti sa panahon ng pagbubuntis basta regular ang iyong prenatal checkup.
Hypertension
Maaaring mailagay sa panganib ang kalagayan ng mommy at baby kapag napabayaan ang pagkakaroon ng mataas na blood pressure. Kaya nga isa rin sa minomonitor sa panahon ng pagbubuntis ay ang blood pressure. Makapagdudulot kasi ito ng komplikasyon sa panganganak. Maaaring magkaroon ng preeclampsia, placental abruption, at gestational diabetes.
Kapag nangyari ito, posibleng mapaaga ang pangnganak o hindi magpatuloy ang pagbubuntis. Kung alam mong mayroon ka nang kondisyon ng pagtaas ng blood pressure o hypertension bago pa man ang pagbubuntis, mahalagang sabihin ito sa iyong ob-gyn para malapatan agad ang iyong kondisyon sa pagkontrol ng iyong blood pressure.
(Basahin dito ang karanasan ni Sam Pinto sa preeclampia.)
Gestational diabetes
Nararanasan ang ganitong tipo ng diabetes sa panahon ng pagbubuntis. Isa itong kondisyon na napipigilan ng iyong katawan ang pagtunaw ng mga sugar. Nakapagdudulot ang kondisyong ito ng paglaki ng iyong baby kaysa sa normal na laki, na tinatawag na macrosomia. Dahil dito ipinapayo ng doktor ang panganganak via Cesarean section.
Kadalasan na walang sintomas ang gestational diabetes. Kaya nga nagsasagawa ng pag-test ng dugo sa pagitan ng 24 linggo at 28 linggo ng pagbubuntis o mas maaga pa, lalo na iyong buntis na mayroong labis na timbang para agad na malaman.
Maaaring maiwasan ito sa pagkakaroon ng maayos na diet. Mayroon naman na kinakailangan talaga ng pag-inom ng gamot para makontrol ang pagtaas ng sugar level. Kabilang sina Jolina Magdangal at Aicelle Santos sa mga nakaranas ng gestational diabetes.
Anemia
Nakararanas ng panghihina at pagkapagod ang pagkakaroon ng anemia. Sa kondisyong ito, nagkakaroon ng mababang bilang ng red blood cells sa katawan. Nagkakaroon din ng pag-check sa iron level sa panahon ng pagbubuntis. Nagrerekomenda din ang mga doktor ng pag-inom ng iron at folic acid supplements para maiwasan ang anemia (basahin dito ang mga sintomas sa mga buntis.)
Mental health issues
Dahil sa pagbabago sa hormones, karamihan sa mga buntis ay nakararanas ng mga kondisyon sa pangkalusugang mental kahit sa pagsisimula pa lamang ng pagbubuntis. Maaaring magbunsod ito ng mga sintomas ng perinatal depression ,gaya ng:
- Pagbabago sa mood
- Pagkawala ng interes sa mga gawain
- Kawalan ng gana sa pagkain
- Hirap sa pagtulog
- Matinding pag-iisip
- Hindi makapagpokus o makapagdesisyon nang maayos
Mahalagang matugunan ang ganitong kondisyon upang hindi magtuloy at posibleng magresulta pa sa postpartum depression.
Placenta previa
Isa rin sa minomonitor sa pagbubuntis ay ang placenta. Mahalaga ang ginagampanan ng placenta sa baby dahil ito ang nagdadala ng oxygen at pagkain para sa kaniyang development habang nasa sinapupunan ng buntis. Ang normal na placenta ay nasa ibaba na bahagi ng uterus pero sa previa, nababalutan nito ang bahagi o buong cervix.
Nararanasan ito ng buntis kapag mayroon nang dating uterine surgery o kaya naman may fibroids. Isa sa pangunahing sintomas nito ang pagdudurugo bagaman ang iba naman ay hindi makararanasan. Hindi rin maiiwasan ang ganitong kondisyon, kailangan lamang ng regular na prenatal checkup para maayos na mamonitor ito. Sa ganitong sitwasyon din, ipinapayo ang panganganak via Cesarean section.
(Basahin dito ang karanasan ni Divine Lee sa placenta previa.)
Urinary tract infection (UTI)
May mga impeksyon na hindi maiiwasan ang mga buntis. Ang pagkakaroon ng UTI na isang bacterial infection sa daluyan ng ihi ay isa sa nararanasan sa panahon ng pagbubuntis. Makararanas ng hirap o mahapdi sa pag-ihi, pagnanais na umihi lagi, ibang kulay ng ihi, kakaibang amoy sa ihi, at pagsakit ng balakang.
Kailangang maagapan ito dahil maaaring mailipat din ang impeksyon sa iyong baby at magdulot sa kaniya ng komplikasyon, o UTI in pregnancy complications.
Sa personal na karanasan ng writer na ito: Nang malaman kong buntis ako, agad akong nagpakonsulta sa ob-gyn. Napansin ko ring mayroong akong discharge. Kaya naman nagsagawa ng pap smear test sa akin para malaman kung mayroong impeksyon sa loob.
Dito nalaman na mayroon akong cervicovaginitis na paliwanag ng ob-gyn ko kapag hindi raw nagamot maaaring magdulot ng pagkawala ng baby ko. Nakaranas din akong umihi na may dugo kaya nag-request din ng urinalysis. Kaya kinailangang kong mag-complete bed rest sa mga unang buwan ng aking pagbubuntis dahil sa mga naranasan kong maagang mga komplikasyon.
Pero dahil maagang nalapatan ng lunas ang mga maagang komplikasyon sa aking pagbubuntis naging maayos ang aking kondisyon. Kaya naman hindi dapat ipagwalang-bahala ang prenatal checkup.
Gayundin naman kung alam mong mayroon ka nang dating sakit o problemang pangkalusugan, mahalagang magpatingin ka sa doktor bago ang iyong pagbubuntis upang malaman mo ang mga dapat gawin. Lubos itong makabubuti para sa iyo ring kaligtasan at sa iyong ipagbubuntis nang maiwasan ang early pregnancy complications.
--
Mga pinagkunan ng impormasyon:
4 Common Pregnancy Complications
Pregnancy Complications
https://www.cdc.gov/reproductivehealth/maternalinfanthealth/pregnancy-complications.html
--
Basahin dito ang mga paraan para maiwasan ang birt defects.