Tagalog,alipunga,greener,con-00370,alipunga sa paa,Alipunga Sa Paa | Smart Parenting,alipunga sa paa, alipunga, athlete's foot, sakit sa balat, uri ng sakit sa balat,Ang alipunga sa paa ay isang uri ng ringworm, na kilala rin bilang tinea pedis, at isang impeksyon.
HealthYour Health

Nakakahawa Ang Alipunga Sa Paa! 10 Paraan Para Makaiwas At Home Remedies Na Puwedeng Gawin

Bukod sa kakulangan sa personal hygiene, may iba pang dahilan kung bakit nagkakaroon ng alipunga.
PHOTO BYfreepik/fabrikasimf

Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

Isa sa mga sakit sa balat ang alipunga, o athlete’s foot. Bukod sa hindi kaaya-ayang hitsura nito, nagdudulot din ng stress sa mayroon nito ang amoy ng alipunga sa paa. Ano-ano nga ba ang senyales na may alipunga ang isang tao? Nakahahawa ba ito?

Mga sanhi at sintomas ng alipunga sa paa

Uri ng ringworm ang alipunga sa paa. Kilala rin ito bilang tinea pedis, na isang impeksyon sa balat na maaaring dulot ng iba't ibang klase ng fungi. Kabilang dito ang dermatophytes, na pangunahing sanhi ng alipunga. 

Napapasok ng fungi ang balat sa mga maliliit na cracks o sugat, at saka nagkakaroon ng impeksyon sa top layer ng balat. Ang bahaging ito ng balat ay mayroong keratin, isang uri ng protein na kinakain ng fungi. Kapag nagkakaroon ng outbreak ng alipunga, pumapasok ang protein sa daluyan ng dugo at nagiging sanhi ng allergic reaction. Kaya mas lalong kumakati at nagkakaroon ng blisters sa paa.

Karaniwang nakukuha ang alipunga mula sa mga bagay, katulad ng tuwalya at sapatos. Maaari ring makuha ito mula sa mga banyo at swimming pools. Sa maiinit at mamasa-masang mga lugar kasi gustong manatili ng fungi. Sa katawan ng tao, ang mga paa, lalo kung pawisin, ang karaniwang pinamamalagian ng fungi. 

Karaniwang sa pagitan ng mga daliri o sa singit-singit ng daliri sa paa ang naaapektuhan ng alipunga. Mga pangunahing sintomas sa balat ang sumusunod:

  • Pagbabakbak
  • Pagbabalat
  • Pagkatuyo
  • Pangangaliskis
  • Pangangati
  • Pamumula
  • Pamumuti 

Nagbigay ng paliwanag si Dr. Danilo Almoradie Bumanlang sa panayam ng Good Morning Kuya, ang news-talk show sa UNTV News. Aniya, iisa ang sanhi ng mga buni, an-an, hadhad, at alipunga sa paa. Kapag mas kinakamot, mas kumakalat ang alipunga. Mas malalang sintomas nito ang sumusunod:

  • Mga paltos (blisters) sa balat
  • Pamamaga ng mga biyak sa balat (cracked skin)
  • Mabahong amoy na mula sa fungi at sa balat na pinagkainan ng fungi
watch now

Bakit nga ba idinikit ang salitang athlete sa ganitong sakit sa balat? Nakilala ito bilang athlete's foot dahil karamihan sa mga tinatamaan nito ay mga atletang madalas pawisan ang paa, kaya nagkakaroon ng ganitong kondisyon ng balat.

Bukod sa mga atleta, ayon kay Dr. Bumanlang, mataas din ang risk ng pagkakaroon ng alipunga sa mga sumusunod:

  • Mga taong babad ang paa sa baha
  • Mga taong gumagamit ng shower rooms o locker rooms
  • Mga mahilig lumangoy sa swimming pools, sa ilog, at dagat
  • Mga taong kailangang magsuot ng boots at sapatos buong araw

Ang ilan pa sa mga prone sa alipunga ay ang mga taong:

  • May genetic predisposition (marami sa pamilya ay may alipunga)
  • May allergies at eczema
  • Pawisin ang paa
  • Mahina ang immune system
  • May circulation problems sa mga binti

Nakahahawa ba ang alipunga sa paa?

Maaaring maging chronic, o pabalik-balik, na impeksyon ang athlete's foot o tinea pedis kung hindi ito maaagapan at hindi gagamutin. Nakahahawa rin ito, ayon sa mga eksperto.

Paano maiiwasan ang alipunga sa paa?

Magagawa ito, ayon sa United States Centers for Disease Control and Prevention, kung susundin ang sumusunod na hygiene techniques:

1. Gupitin ang mga kuko at panatilihing malinis ang mga ito.

Maaari kasing manatili sa mga kuko ang impeksyon. Maaari ding kumalat ito mula sa mga kuko.

2. Iwasang maglakad nang walang suot na tsinelas o sandals sa mga locker rooms o public showers.

3. Panatilihing malinis, tuyo, at nahahanginan ang paa.

4. Iwasang laging basa ang mga paa. Kaya mainam na magsuot ng flip-flops o mataas na tsinelas sa loob ng mga banyo.

5. Iwasan ang skin-to-skin contact o direktang pisikal na pagdikit sa mga kontaminadong areas, tulad ng mga sahig ng locker at shower rooms.

6. Kung may active na impeksyon, iwas muna sa swimming pools, public showers, o foot baths.

7. Magsuot ng sandals kaysa closed shoes. Piliin din ang hindi gaanong masikip sa paa.

8. Magsuot ng cotton na medyas at iwasan ang mga materyal mula sa fabric na hindi mabilis matuyo (halimbawa nito ang nylon).

9. Gumamit ng inirerekomendang medikasyon upang agad na maibsan ang pangangati at gumaling ang impeksyon.

Malaking tulong ang pagiging malinis sa pangangatawan upang maiwasan o makontrol ang mga sintomas ng tinea pedis.

Nakatutulong din, ayon pa kay Dr. Bumanlag, ang mga ganitong gawain:

  • Pagpapatuyo at pagbilad ng sapatos sa araw bago ito gamitin uli
  • Paglalagay ng nilamukos na diyaryo sa loob ng sapatos upang ma-absorb ang moisture

Kung hindi agad na magagamot ang alipunga sa paa, maaari pa itong kumalat sa ibang bahagi ng katawan. Maaari ring makahawa pa sa mga kasama sa bahay at kapamilya. 

Mga home remedies para sa alipunga sa paa

Maraming mga halamang gamot na mayroong antifungal at antibacterial properties. Ilan sa mga remedyo na maaaring gawin ang sumusunod: 

1. Pahiran ang paa ng pinitpit na bawang, na hinaluan ng coconut oil, ang pagitan ng mga daliri sa paa

2. Ibabad ang mga paa sa green tea na may luyang dilaw, o turmeric. Mayroon kasing alkaloids ang green tea at may curcumin naman ang turmeric.

Paano ginagamot ang alipunga sa paa?

May ilang gamot para puwedeng gamitin para sa ganitong uri ng sakit sa balat. Pangunahin dito ang topical creams na ipinapahid sa balat at ang oral medications na tabletas o kaya likido. Mayroon ding powder at sprays na mabibili sa mga pharmacy.

Ang topical antifungal medication ay mainam na gamot para sa alipunga, ayon sa mga eksperto. Isa sa kilalang produkto ang may generic name na clotrimazole. 

Paalala lang na kailangang maging maingat upang hindi umabot sa secondary bacterial infections. Oral antibiotics na ang inirereseta ng doktor dito.

Kung minsan, nagrerekomenda rin ng steroid ang doktor depende sa lala ng kondisyon ng alipunga. Umaabot sa isang linggo ang gamutan at kung hihigit pa rito, susuriin ng doktor ang iba pang sanhi ng mga nararanasang sintomas. Posible kasing may iba pang sakit, tulad ng ketong o leprosy.

Kailan dapat komunsulta sa doktor?

Agad nang magpatingin sa doktor kung nakararanas ng sumusunod:

  • Hindi epektibo ang mga cream na ipinapahid
  • Labis ang hapdi at hindi ka komportable
  • Masakit kapag nagsusuot ng sapatos
  • Mainit ang iyong paa o binti
  • Masakit at namumula ang bahaging apektado
  • Kumakalat ang impeksyon sa iba pang bahagi ng katawan

Kung ikaw ay may diabetes, mas dapat mag-ingat. Delikado kasi magkaroon ng sugat sa paa ang diabetic. Kapag mahina ang immune system, o nagka-organ transplant o sumasailalim sa chemotherapy, mainam na magpa-check up sa doktor upang mabigyan ng wastong payo sakaling may mga sintomas din ng alipunga sa paa.

Basahin dito ang iba pang sanhi ng pangangati ng paa.

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close