
Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Nakalakihan na ng mga Pinoy mula sa mga ninuno ang paggamit ng mga halamang gamot, na karamihan ay ginagamit pang sangkap sa pagluluto. Ilan lang sa mga halimbawa ang tanglad, luya, at luyang dilaw.
May mga halamang gamot sa sugat sa ulo, sakit sa tenga, sakit sa ngipin, para sa may hika, para sa urinary tract infection (UTI), at iba pa. Sa mga nagtatanong, oo, meron ding mga halamang gamot para sa sakit ng tiyan at pagtatae.
Mga dapat malaman sa halamang gamot
Mga halamang gamot ang tawag sa mga tanim na ginagamit bilang herbal medicine. Kinikilala ang bisa ng mga ito sa maraming bansa tulad ng Pilipinas. Sa katunayan, naipasa noong 1997 ang Traditional and Alternative Medicine Act (TAMA). Nabuo naman mula diyan ang Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC).
Layunin ng PITAHC na palawakin ang paggamit ng traditional at alternative health care sa pamamagitan ng scientific research at product development. Nagtatag din ang Department of Health (DOH) ng Traditional Health Program nang maitaguyod pa ang paggamit ng herbal medicine. Naglabas din ng listahan ang DOH ng mga aprubado nilang mga halamang gamot (basahin dito).
Halamang gamot para sa sakit ng tiyan at pagtatae
Dahil pangkaraniwan at biglang umaatake ang pananakit ng tiyan at pagtatae o diarrhea, lalo na sa mga bata, marami ang nagtatanong kung meron bang halamang gamot para sa mga ganoong karamdamdam. Minsan kasi hindi kaagad makakakonsulta sa doktor at kailangan muna ng paunang lunas.
Niyog-niyogan (Chinese honey suckle)
Isa ang niyog-niyogan sa mga halamang gamot na rekomendado ng DOH. Kilala rin ito sa mga tawag na bawe-bawe, piniones, tangelo, at tartaraok. Napatunayang mabisa ito laban sa mga bulate sa tiyan (intestinal worms), na isa sa mga dahilan kung bakit sumasakit ang tiyan at nagtatae ang bata.
Kailangang nguyain ng bata ang buto ng niyog-niyogan, ayon sa mga eksperto mula sa PITAHC. Bilin pa nila na dapat nguyain ang buto nang husto at kaagad uminom ng isang basong tubig.
Narito ang mga bilang ng buto kailangang nguyain batay sa edad ng bata:
- 4 hanggang 5 buto para sa mga batang mula 4 hanggang 6 taong gulang
- 6 hanggang 7 buto para sa mga batang mula 7 hanggang 12 taong gulang
- 8 hanggang 10 buto para sa mga batang mula 13 taong gulang pataas
Payo pa ng mga eksperto na piliin ang mga buto mula sa magulang nang mga bunga ng niyog-niyogan. Malalaman mo ito kung golden brown na ang kulay ng mga buto. Iwasan din iyong mga prutas na inatake na ng mga peste. Kaya mainam daw na magtanim ng ganitong halaman.
Tsaang gubat (wild tea)
Kasama ang tsaang gubat sa listahan ng mga halamang gamot na aprubado ng DOH. Tinatawag din itong alibungog, kalabonog, at maragaued. Makakatulong ito na maibsan ang pananakit ng tiyan at maiwasan ang pagtatae. Paalala lang ng mga eksperto na hindi ito rekomendado para sa mga batang wala pang 7 taong gulang.
Narito ang gabay sa pag-inom ng tsaang gubat mula sa PITAHC:
1. Magdikdik ng dahon:
- 1 1/2 kutsara para sa mga batang may edad mula 7 hanggang 12
- 3 kutsara para sa mga batang may edad 13 pataas
2. Pakuluin ang mga dinikdik na dahon sa maliit na palayok (clay pot) na may lamang 1 tsaang tubig. Hintaying bumula ang tubig hanggang mangalahati ito at patayin ang apoy o alisin sa apoy.
3. Palamigin ang pinakuluang tsaa. Salain ang tubig at itapon ang dahon.
4. Ipainom ang tsaa sa batang masakit ang tiyan.
Bayabas (guava)
Kabilang ang bayabas sa listahan ng aprubadong halamang gamot ng DOH. Bagamat kilala itong panlanggas ng sugat, galis, at bakokang, maaari rin itong gamot sa ulcer, rayuma, sakit ng ngipin, pamamaga ng gilagid, lagnat, sakit ng tiyan, at pagtatae. Hitik kasi ito sa alkaloids, flavonoids, glycosides, polyphenols, saponins, at tannins.
Para sa sakit ng tiyan at pagtatae, kailangang maglaga ng ilang piraso ng dahon ng bayabas. Inumin ang pinaglagaan na parang tsaa at magpahinga hanggang bumuti ang pakiramdam.
Lagundi (5-leaved chaste tree)
Isa pa ang lagundi sa mga rekomendadong halamang gamot ng DOH. Popular itong gamot para sa ubo, sipon, at lagnat. Ginagamit ito para sa asthma, pharyngitis, rheumatism, at boils. Pero mabisa din itong gamot sa sakit ng tiyan dahil hindi natunawan o dyspepsia, pati na sa pagtatae. Nilalaga ang dahon nito at iniinom na parang tsaa.
Tanglad
Mabisa ang tanglad sa mga nakakaranas ng diarrhea. Kumuha ng 10 piraso ng dahon na mura o baong usbong pa lang. Pakuluan ang mga ito sa 2 tasang tubig sa loob ng 10 minuto. Palamigin at inumin bilang tsaa.