-
Namamana Ang Pagkakaroon Ng Singaw Sa Bibig? 8 Mga Pangkaraniwang Sanhi Nito
Mas madalas magkaroon ng singaw sa bibig ang teens, young adults, at mga kababaihan.by Anna G. Miranda .
- Shares
- Comments

Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Maraming iritable kapag mayroon silang puti at dilaw na mga singaw sa bibig na talaga namang mahapdi, lalo na kung nagagalaw at nababasa. Tinatayang isa sa limang tao ang regular na nakararanas nito. Kaya mainam na alamin ang sanhi ng singaw nang maiwasan ang perwisyo sa pag-kain, pag-inom, at kahit pa ang pagsesepilyo ng ngipin.
Mga dapat malaman tungkol sa singaw sa bibig
Maraming uri ng singaw o canker sore, ayon sa Mayo Clinic. Kilala rin ito bilang mouth ulcer o aphthous ulcer. Karaniwang sumusulpot ito sa likod ng mga pisngi, sa labi, o sa dila natatagpuan ang singaw. Buti na lang, hindi ito nakahahawa.
Minor canker sores
Ito ang pinakakaraniwang singaw at mayroong sumusunod na mga katangian:
- Maliliit, na may ¼ pulgada na sukat
- Hugis oblong na mayroong pula sa palibot nito
- Naghihilom sa loob ng isa hangga dalawang linggo, at hindi nag-iiwan ng peklat.
Major canker sores
Para sa major canker sores, kapansin-pansin ang sumusunod:
- Mas malaki at malalim kaysa minor canker sores
- Bilugan ang hugis at mas litaw ang borders
- Irregular ang edges kapag napakalaki
- Karaniwang napakasakit nito
- Umaabot ng 6 na linggo bago maghilom
- Maaaring makapag-iwan ng matinding peklat
Herpetiform canker sores
Hindi ito pangkaraniwang singaw at madalas na nararanasan ng mga may edad na. Hindi rin ito resulta ng herpes virus infection. Narito ang mga katangian ng ganitong uri ng singaw:
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW- Maliit lamang
- Madalas na kumpol-kumpol o nabibilang sa clusters ng 10 hanggang 100 singaw, at posibleng maging ulcer
- Mayroong irregular edges
- Naghihilom nang walang peklat sa loob ng isa hanggang dalawang linggo
Ayon sa National Institute of Dental and Craniofacial Research, naiiba rin ang canker sores sa fever blisters o cold sores.
Mga sanhi ng singaw
Hindi pa matukoy ang malinaw na sanhi ng singaw. May researchers na naniniwalang posibleng kombinasyon ng iba't ibang factors ang nagdudulot ng outbreaks, kahit sa isang tao.
Narito ang mga posibleng trigger sa singaw:
- Minor injury sa bibig (mula sa dental work, malakas na pagsesepilyo ng ngipin, aksidente sa paglalaro ng sports, o hindi sinasadyang pagkagat sa loob ng pisngi)
- Mga toothpaste at mouthwash na mayroong sodium lauryl sulfate
- Food sensitivities, partikular sa tsokolate, kape, strawberries, itlog, mani, keso, at maaanghang o acidic na mga pagkain
- Diet na kulang sa vitamin B-12, zinc, folate (folic acid) o iron
- Allergic response sa ilang bacteria sa iyong bibig
- Helicobacter pylori, ang bacteria na sanhi ng peptic ulcers
- Hormonal shifts kapag may buwanang dalaw
- Emotional stress
Maaari ring maging sanhi ng singaw ang sumusunod na medical conditions at mga karamdaman:
- Celiac disease
- Inflammatory bowel diseases, tulad ng Crohn's disease at ulcerative colitis
- Behcet's disease
- Faulty immune system na umaatake sa healthy cells sa iyong bibig
- HIV/AIDS
Paalala ng mga eksperto na kahit sino ay posibleng magkaroon ng singaw, ngunit mas karaniwan itong nararanasan ng teens at young adults. Mas madalas din na mga babae ang nagkakaroon nito.
CONTINUE READING BELOWRecommended VideosNamamana rin ito, ayon sa mga eksperto. Ang mga taong paulit-ulit na nagkakaroon ng singaw ay may family history ng nasabing disorder. Posible ring dahil ito sa shared factor sa kanilang environment, tulad ng ilang mga pagkain o allergens.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor?
Hindi na kailangan ng napakaraming tests upang ma-diagnose ang singaw dahil madali itong nakikita ng mga doktor sa physical exam. Mahalaga ring sabihin mo sa kanila ang iyong medical history.
Kapag naranasan o napansin ang sumusunod na mga sintomas, agad nang magpatingin sa iyong doktor:
- Kapag hindi na normal ang laki ng singaw
- Paulit-ulit ang singaw at may mga bagong nabubuo bago pa gumaling ang mga nauna
- Matagal mawala, tumatagal sa loob ng 2 linggo o higit pa
- Singaw na umaabot hanggang sa labi (vermilion border)
- Pananakit na hindi maibsan ng self-care measures
- Labis na hirap sa pagkain o pag-inom dahil sa singaw
- Mataas na lagnat kasabay ng singaw
Kumunsulta rin sa iyong dentista kapag mayroon kang matalas na bahagi ng ngipin (tooth surfaces) at sungki na ngipin, pati na dental appliances na posibleng trigger ng singaw.
Maaaring magrekomenda ang iyong doktor ng topical medicine, espesyal na mouthwash (over-the-counter antiseptic medications), o home remedy na makapagpapaginhawa at makapaghihilom sa mga singaw. Maaaring maibsan ang sakit gamit ang over-the-counter (non-prescription) gels.
Hindi dahil karaniwang nararanasan ang singaw ay dapat na itong balewalain. Tandaang sintomas din ang singaw ng hand, foot and mouth disease. Ito ang naranasan ng anak ng dating Pinoy Big Brother housemate na si Karen Reyes.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWAniya, "Sa mga mommies out there, 'wag nating balewalain ang mga singaw kahit isang maliit lang 'yan dahil pwede siya mag-spread sa bibig since it's viral." (Basahin dito).
Anong dapat gawin kung may singaw?
Kung ang anak mo ang may singaw sa bibig, maaaring hikayatin siyang gawin ang sumusunod upang maibsan ang hapdi mula sa mga singaw:
Kapag gagamit ng mga gamot na direktang inilalagay sa singaw, punasan muna ng tissue ang area nito. Gumamit ng cotton swab upang malagyan ng kaunting gamot ang singaw. Huwag munang pakakainin o paiinumin ang iyong anak sa loob ng 30 minuto.
Iwasan ang abrasive foods, tulad ng potato chips at nuts. Iwasan din ang mga pagkaing maasim, maanghang, at acidic, o anomang nagdudulot ng allergy. Lalong tumitindi ang singaw dahil sa mga nabanggit na pagkain. Nakaka-irritate din ito at puwedeng magdulot ng sugat sa gilagid at sa maselang mouth tissues.
Gumamit ng toothpaste at mouthwash na walang sodium lauryl sulfate. Gumamit din ng soft-bristle toothbrush at huwag diinan o lakasan ang pagsesepilyo.
Paano mas maiiwasan ang singaw?
Bukod sa naunang nabanggit, makatutulong din ang sumusunod na tips upang makaiwas sa singaw:
- Piliin ang masustansyang pagkain. Kumain ng maraming gulay, prutas, at whole grains.
- Laging magsepilyo at sumunod sa good oral hygiene habits. Nakatutulong din ang flossing isang beses sa isang araw.
- Protektahan ang iyong bibig. Kung ikaw ay may braces, tanungin ang dentista tungkol sa orthodontic waxes upang matakpan ang matatalas ng ngipin.
- Iwasang ma-stress dahil posible rin itong sanhi ng singaw. Nakatutulong ang meditation at guided imagery upang mabawasan at maiwasan ang stress araw-araw.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWBasahin dito ang gamot sa singaw.
Enter your details below and receive weekly email guides on your baby's weight and height in cute illustration of Filipino fruits. PLUS get helpful tips from experts, freebies and more!


We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.


- Shares
- Comments