;
embed embed2
  • Sabik Na Sa Hair Treatment? Ito Ang Sagot Ng Derma Kung Pwede Ba Magpa-Rebond Ang Buntis

    Para rin ito sa mga bagong panganak at nagpapadede.
    by Jazer Basan .
Sabik Na Sa Hair Treatment? Ito Ang Sagot Ng Derma Kung Pwede Ba Magpa-Rebond Ang Buntis
PHOTO BY Shutterstock
  • Editor's Note: Mahalaga na kumonsulta sa iyong doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo. Palaging humingi ng payo ng isang doktor at nutritionist pagdating sa diet, exercise, o iba pang bagay kung buntis, kapapanganak lang, o breastfeeding.

    Maraming bawal sa buntis at bagong panganak tulad ng ilang mga gamot, pagkain, gawain, pati na ang mga paraan ng pagpapaganda. Hindi kasi lahat ay may taglay na tinatawag na pregnancy glow, at totoo namang nakakawala rin ng self-confidence ang pagbabago sa pangangatawan. Kaya sa mga naiinip na wakasan ang pagtitiis-ganda, isa sa mga tanong nila ay kung pwede ba magparebond ang buntis, pati na ang bagong panganak.

    Kabilang sa mga nagtatanong ang mga miyembro ng Parent Chat, ang online parenting community ng SmartParenting.com.ph. Kuwento ng isa sa kanila, "Medyo wavy kase hair ko. I'm planning to have my locks rebonded before I go back to work...I just want to know kung okay lang ba 'yun.. Baka kase one of the BAWALS na naman 'yung pagrerebond ng buhok after manganak, eh."

    Mga dapat malaman sa rebonding ng buhok

    Ang rebond ay uri ng hair treatment na nakakapagpa-straight ng buhok. Mas matagal ang pananatiling straight nito kumpara sa hair relax treatment, na sinasabing mas mura kaysa rebond. May mga paga-alaga at pagi-ingat na dapat gawin matapos ang rebond treatment para mapanatili ang pagkatuwid ng buhok ng hanggang anim na buwan.

    Isa pang uri ng hair treatment ang Brazilian Blowout, na brand name rin ng mga produktong pampapaganda ng buhok na may sangkap na keratin. Layunin nitong ibalik ang sigla sa mga dry at damaged na buhok ng mga nahihilig sa hair color at hair dye.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sa anumang proseso ng hair treatment, ginagamitan ito ng mga kemikal. Kaya paalala ng mga eksperto na mahalagang ipagawa ito sa "professional" o sa hairstylist na may sapat na kaalaman sa paggamit ng mga formula na ito.

    May mga paraan para malaman kung ligtas ang brand na gagamitin. Ang pinakamadaling paraan ay tanungin ang inyong hairdresser kung anong brand ang gamit niya. Hanapin ang brand sa Cosmetic Product Notification page ng Food and Drug Administration (FDA) kung ito ay rehistrado at aprubado.

    Sa ganitong paraan din ay masisigurado sa publiko na tiniyak ng FDA na tama ang dami ng mga gamot at kemikal na nakahalo sa produkto, at ligtas ito gamitin. Dapat din na nakasaad sa packaging ang tamang paggamit ng produkto, alinsunod sa patakaran ng FDA. Tandaan lang na may mga kilalang brand na hindi aprubado at kasama sa warning ng FDA, kaya mainam na maingat.

    Pwede ba magparebond ang buntis at bagong panganak?

    Kung may mga kemikal na sangkap ang produktong ginagamit sa rebonding, marami ang nagtatanong kung safe ba ang ganyang hair treatment para buntis at bagong panganak, lalo na iyong nagpapasuso o breastfeeding moms.

    Maaaring makaapekto ang mga kemikal sa iyong pagbubuntis, ayon kay Dr. Evangeline M. Pilar-Matibag, isang ob-gynecologist at clinical and aesthetics dermatologist. Kaya may payo siya sa mga buntis o nagpapadedeng nanay na nagbabalak mapa-rebond: "Mas magandang ipagpaliban muna ito o kaya naman ay pagkalampas nang mahigit sa tatlong buwan na pagbubuntis."

    Sadyang maselan ang unang trimester, kung kailan "most vulnerable" ang sanggol sa sinapupunan," ayon sa Johns Hopkins Medicine. Kabilang sa pagbabago ay ang biglang malakas na pang-amoy at pagkahilo. Mayroon ding mga nagiging problema sa balat tulad ng pruritic urticarial papules and plaques of pregnancy (PUPPP). Kaya mabuting iwasan muna ang mga bagay na may matapang na kemikal.

    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Para naman sa mga bagong panganak, dagdag ni Dr. Pilar-Matibag, “ang mga kemikal na nasa hair treatments ay malayong mapunta sa breast milk dahil hindi ito napupunta sa dugo at gatas ng ina. Ngunit maaari itong maka-irita sa balat o anit na maaaring magdulot ng allergies at pagkalagas ng buhok. Gayunpaman, mas mainam na ipagpaliban ang mga hair treatments pagkaraan ng postpartum period na mahigit sa dalawang buwan pagtatapos manganak.”

    Ang pagkalagas ng buhok (hair fall) ay karaniwang nangyayari sa isang bagong panganak dala ng pagbabago sa hormones ng katawan. Pero ang normal na paglago ng buhok ay babalik din naman matapos ang ilang buwan pagkapanganak.

    Kung hindi pa bumabalik sa normal na paglago ng iyong buhok, isipin mo na lang ang pagdadaanan nito sa rebond: pagsusuklay, pagbabanlaw, paghahati, paulit-ulit na paghila, pag-blow dry, at pagplantsa. Kaya mainam na gawin ito kapag tapos na ang panahon ng paglalagas ng inyong buhok.

    Tamang panahon para sa rebond at iba pang hair treatment

    Kapag fully recovered na ang inyong katawan pagkapanganak, narito ang ilang payo para maging handa sa inyong pagpapaganda. Tandaan na matagal ang proseso ng pagpapa-rebond. Inaabot ito ng hanggang apat na oras, at hanggang pitong oras naman ang full hair color na may highlights at treatment.

    I-enjoy ang iyong me-time at huwag umasa na magiging mabilis ang serbisyo. Magdala din ng panglibang habang nagpapalipas ng oras dahil minsan lang mapangalagaan ang sarili at maging malaya kapag ikaw ay nanay na.

    Mahirap manatiling malayo sa inyong sanggol lalo na kung ikaw ay nagpapasuso dahil patuloy kang magpo-produce ng breast milk. Maigi na magdala ng breast pump. Siguraduhing sapat ang pangangailangan ng inyong sanggol habang ikaw ay wala sa bahay.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Mabuting “outdoor” ang parlor setting ng inyong session lalo na ngayong panahon ng pandemya na limitado ang dami ng customer sa loob ng salon. Ang malawak na daloy ng hangin ay makakabawas din sa paglanghap ng singaw ng mga kemikal.

    Matagal ang epekto ng rebond kung ang buhok ay iingatan. Hindi ito maaaring itali dahil mawawala ang pagkaunat ng buhok. Siguruhing handa ka sa challenge at hindi ito makakasagabal sa pag alaga mo kay baby matapos ang iyong treatment.

    Kung hindi ka pa handa magpa-parlor dahil sa pag-iwas sa mga kemikal o exposure na banta ng pandemya, maaari kayong magpa-home service sa kilala ninyong hair dresser. Kung gagamit naman ng DIY set, siguraduhin lamang na ito ay FDA-approved. Huwag kalimutan na sundin ang tamang paraan ng paggamit  ayon sa pakete at huwag isagad hanggang anit ang pagpahid.

    Umiwas sa paggamit ng gamot na pang professional kung hindi kayo sanay o kaunti ang inyong kaalaman sa paggamit nito. Subukan din ang mga de-kalidad at mas abot-kayang produkto na madaling gamitin. May mga natural na sangkap din para mapasigla ang buhok na matatagpuan sa kusina o bakuran tulad ng aloe vera, mayonnaise at iba pa.

    Malaking tulong din na ugaliin ang tamang pagkain para sa buntis at nutrisyon para sa ikagaganda ng inyong buhok, na maaaring napagdiskitahan mo noon kaya napatanong ka kung pwede bang magparebond ang buntis. Higit sa lahat, huwag kalimutan na ang kagandahan ay nagsisimula sa magandang kalooban, positibong pananaw, at pagmamahal sa sarili.

    Para sa karagdagang beauty tips sa mga buntis, basahin dito.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles