labor,delivery,Tagalog,epilepsy,normal vaginal delivery,cesarean section,con-00062,community quarantine,tpc-000001,childbirth real story,'Nanganak Ako Ng Wala Akong Malay At Hindi Ako Umiire',COVID-19, community quarantine, normal vaginal delivery, Caesarean section, epileptic variant, epilepsy, panganganak, pagbubuntis,Naapektuhan ng COVID-19 health crisis at lockdown ang mga plano sa panganganak ni Jessa Roquero. Mapanganib na ang pagbubuntis sa umpisa pa lamang.
PregnancyLabor & Childbirth

'Nanganak Ako Na Wala Akong Malay At Hindi Ako Umire'

Kakaibang pagsubok ang panganganak sa gitna ng pandemic at may sakit na epilepsy.
PHOTO BYcourtesy of Jessabelle Roquero

Tulad ng karamihan, lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang kabuhayan ni Jessabelle Roquero, 33, at kanyang asawa na si Gamaliel Galicto. Nasa events industry silang dalawa at nakansela lahat ng kanilang trabaho nang ipinatupad ang enhanced community quarantine simula noong mid-March 2020 para pigilan ang pagkalat ng coronavirus. 

Nang panahon na iyon, pitong buwang buntis si Jessabelle sa kanilang unang supling ni Gamaliel. May panganay na si Jessabelle o Jessa, si Sapphire Kara, 4 years old. Habang pumirmi silang mag-asawa sa Taguig City, stranded naman si Sapphire sa Bacolod, kung saan siya nagbabakasyon kasama ng kanyang lolo.

Dahil “no work, no pay” silang mag-asawa, walang pumapasok na pera sa kanila at pawang palabas lahat. Kaya ang kaunting naipon nila para sana sa kanyang panganganak, mabilis na nauubos sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at pagpapadala sa gastusin para kay Sapphire sa Bacolod.

High-risk pregnancy

Naapektuhan din ng health crisis at lockdown ang mga plano nila sa panganganak ni Jessa. Kuwento niya sa SmartParenting.com.ph sa pamamagitan ng Facebook Messenger, dapat babalik sila sa dati niyang tirahan sa Cubao upang manganak sa isang ospital doon. Pero ginawa na daw pala itong “secondary hospital para sa COVID patients at PUI [persons under investigation].” Dagdag pa dito, tumigil na palang magpaanak ang kanyang ob-gyn doon.

Naging prangka si Jessa sa kanyang ob-gyn na hindi niya kakayanin ang gastusin sa affiliated hospitals nito na aabot daw sa P100,000. Pinayuhan na lamang daw siya na humanap ng ospital “na walang bahid ng COVID case sa malapit sa kung saan ako nakatira ngayon.”

Dahil nakaranas na ng dalawang magkasunod na miscarriage si Jessa, high risk na ang konsiderasyon sa pagbubuntis niya. Lalo pa itong naging mapanganib dahil meron si Jessa na pre-existing medical condition na epileptic variant. Naghanap sila ng semi-private o pay ward ng ospital na hindi kalakihan ang gastos, ngunit isang lying-in clinic sa Taguig lang ang nakita nila pero rekomendado naman ng kanilang kaibigan. 

Financial help mula sa pamilya at kaibigan 

Dagdag ni Jessa, “Ang ikinaganda ng lying-in na ito si OB mismo ang nagpapaanak dito. So I took a risk. Same noon sa panganay ko, bawal talaga ako paanakin sa lying-in/maternity clinic lang due to my situation. I need four doctors: perinatologist, pediatrician, neurologist and an epidural anesthesiologist. Kailangan talaga sa hospital setting ako manganak.”

Sinabihan siya ng OB sa lying-in clinic na maghanda ng mula P40,000 hanggang P50,000 para sa normal vaginal delivery via epidural anesthesia. Sakali naman daw na hindi niya kayanin na iluwal ang kanyang sanggol at mag-agaw-buhay o kaya ay mawalan ng malay habang nanganganak, humanda daw siya sa worst-case scenario. Iyon daw ay ang sumailalim sa Cesarean section, na may katumbas na gastos mula P70,000 hanggang P80,000. (Basahin dito ang dapat i-expect na gastusin sa panganganak sa panahon ng COVID-19.) 

Aniya, “So I asked financial help sa mga friends ko. I asked for donations. Makalikom lang ng amount na kailangan namin. Mairaos lang panganganak ko dahil sa sobrang laki ng tiyan ko, which is 37 cm fundal height and dahil din sa high-risk case ko.”

Mapanganib na panganganak 

article image
Noong May 24, 2020, ipinanganak ni Jessa ang “miracle baby” niya, si Aaden Knightley o Baby Nite.
PHOTO BY courtesy of Jessabelle Roquero
watch now

Pagbabalik-tanaw ni Jessa, “At 3:57 a.m., pumutok panubigan ko, hindi ako dineretso sa hospital, sa lying-in daw muna ako pumunta. Nagulat ang midwife at tinawagan ang OB ko, from 37 cm fundal height, naging 28 cm na lang ang laki ng tiyan ko after pumutok ng panubigan ko, and the midwife claimed na kayang kaya ko ito i-normal.”

Ngunit iginiit pa rin ng ob-gyn na sa ospital kailangan manganak ni Jessa. Kaya mula sa lying-in clinic ay inilipat siya sa isang affliated hospital ng ob-gyn sa may Taguig din bandang 5 a.m. 

Pagpapatuloy niya, “So pagdating sa ER, tumutulo pa din panubigan ko, mega interview pa sila sa ’kin. Past 6 a.m. na ako nila pinahiga sa bed sa ER for prep na. Nilagyan ako swero, etc. Pero dahil pinipilit nila na i-CS ako, sa OR daw ako dadalhin at hindi sa delivery room. At dahil may pasyente pang ongoing for CS dun, kailangan ko daw mag-antay until 8 a.m. So dinala pa nila ako sa room ko sa pay ward at dun ako pinagantay na mag-labor.”

Naging matensyon ang mga sumunod na pangyayari dahil pansin ni Jessa na hindi nabibigyan ng kaukulang pansin ang kanyang kalagayan. Palagay niya ay dapat na siyang lagyan ng epidural anesthesia bago pa makaramdam ng labor pain. Pero sinabihan siya ng nurse na kailangan mag-labor muna siya at mag-10 cm na. 

“Which is hindi dapat,” paliwanang niya sa amin, “kasi sure ako aatakihin ako ng epilepsy ko. Noon kasi sa panganay ko, iniwasan ng OB ko [ng panahon na 'yon] na makaranas ako ng labor pain kaya epidural anesthesia agad ang nilagay nila sa akin to avoid epileptic attacks.”

Dugtong niya, “Lumipas ang ilang oras, natakot na ako baka matuyuan na si baby sa loob ko at mag-dry labor ako. Ending niyan, ma-CS talaga ako. Sa pangungulit ko sa nurse, sa wakas may nag-IE [internal examination] na sa ’kin. Sabi nasa 4 to 5 cm pa lang ako. Ending, nagbigay ng pampahilab sa ’kin ang nurse as ordered ng OB ko kasi wala pa daw ang anesthesiologist at wala pa din ang OB ko. 

“After a few minutes, ayan na nakaramdam na ako ng matinding sakit. Yes, nagmumura at nagsisigaw na ako na ‘Asan na OB ko? Lagyan niyo na ako ng anesthesia, please.’ Kasi aatakihin na ako nito. And I started feeling nauseated. ’Yan ang first symptom ng epileptic variant ko. Hanggang sa sunod-sunod na labor pain, nanginginig na ako, unti-unti na ako na parang nabubulol, which means inaatake na ako. 

“Past 11 a.m., dun pa lang sila nag-decide na dalhin ako sa OR. Nasa OR na ako, wala pa din OB or ’yung epidural anesthesiologist ko. Then last na naalala ko is nag-iiyak na ako sa sakit. Nag-IE sila nasa 5-6cm pa lang ako. Sinaksakan lang nila ako ng IV [dextrose] for pain pero walang epekto sa ’kin. 

“Then another anesthesia sa braso, naka-full dose na ako pero walang epekto kasi super sakit pa din at ramdam ko ’yung labor pain and continuous ang panginginig ko at naduduwal ako. Last na naalala ko is nanginginig na ako at nasusuka at nagsisigaw na madudumi na ako, ilalabas ko na ito. 

“Then the nurse told me, ‘Ma’am, bawal po kayo umire. Pigilan niyo po kasi wala pa sila Dok. Pinatagilid nila ako at inipit legs ko. And 'yun na ang last na naalala ko kasi nawalan na pala ako ng malay.”

Nang magising si Jessa, nasa regular room na siya kasama ng kanyang asawa. Sinabihan siya na nanganak na siya at nasa crib na si Baby Nite. Ipinaliwanag din sa kanya na hindi siya nag-CS. Normal vaginal delivery pa rin sa tulong ng epidural anesthesia. 

Lahad niya sa amin, “In short, sabi ng OB ko, nanganak ako na wala akong malay at nang hindi ako umiire. Nailabas ko nang healthy ang 3.5 kg kong baby boy.” Bilib daw siya sa lakas ng kanyang sanggol pati na rin sa husay ng kanyang mga doktor, kabilang ang anesthesiologist at neurologist. 

Sa pagtatapos, sabi ni Jessa, “Doon ko napatunayan na kahit kailan di ako pinabayaan ni Lord. ’Yung asawa ko, napahawak ng rosaryo at nagdasal din habang nasa OR ako and naalala ko, I saw my late mom's face habang nasa OR ako at nakatingin siya sa ’kin while nagdedeliryo na ako. Isa itong patunay talaga na God is good all the time.”

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close